2009
Mahahalagang Bunga ng Unang Pangitain
Pebrero 2009


Mensahe ng Unang Panguluhan

Mahahalagang Bunga ng Unang Pangitain

President Dieter F. Uchtdorf

Habang lumalaki ako sa Germany, dumalo ako sa simbahan sa iba’t ibang lugar at sitwasyon—sa mga abang silid sa likuran, sa magagandang bahay, at sa napakapraktikal at modernong mga kapilya. May isang mahalagang bagay na karaniwan sa lahat ng gusaling ito: naroon ang Espiritu ng Diyos. Ang pagmamahal ng Tagapagligtas ay madarama habang nagtitipon kami bilang isang malaking pamilya ng branch o ward.

Ang kapilya ng Zwickau ay may lumang organong ginagamitan ng hangin para mapatugtog. Linggu-linggo isang binatilyo ang nakaatas na ibuka at diinan ang matibay na hawakang nagpapagana sa bulusan (bellows) para tumunog ang organo. Kahit noong wala pa akong Aaronic Priesthood, kung minsan ay mayroon akong malaking pribilehiyong tumulong sa mahalagang gawaing ito.

Habang kinakanta noon ng kongregasyon ang paborito naming mga himno ng Panunumbalik, ubos-lakas kong iniangat at idiniin ang mga hawakan ng bulusan para hindi maubusan ng hangin ang organo. Mababasa sa mga mata ng organista kung ayos ang ginagawa ko o kung kailangan ko pa itong bilisan. Lagi kong ikinarangal ang kahalagahan ng tungkuling ito at ang tiwala sa akin ng organista. Magandang pakiramdam ng katuparan ang magkaroon ng responsibilidad at maging bahagi ng dakilang gawaing ito.

May karagdagang kapakinabangan ang tungkuling ito: ang nagpapagana ng bulusan ay nakaupo kung saan tanaw ang stained-glass window na nagpaganda sa harapan ng kapilya. Nakalarawan sa stained glass ang Unang Pangitain, na nakaluhod si Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan, nakatingala sa langit at sa haligi ng liwanag.

Habang tumutugtog ang mga himno ng kongregasyon at nagbibigay ng mga mensahe at patotoo ang ating mga miyembro, madalas kong tingnan ang paglalarawang ito ng pinakasagradong sandali sa kasaysayan ng mundo. Para kong nakita si Joseph na tumatanggap ng kaalaman, patotoo, at mga banal na tagubilin nang maging mapalad siyang kasangkapan sa kamay ng ating Ama sa Langit.

Namumukod na damdamin ang nadama ko habang nakatingin sa magandang tagpo sa larawang ito sa bintana tungkol sa nananalig na batang lalaki sa sagradong kakahuyan na buong tapang na nagpasiyang manalangin nang taimtim sa ating Ama sa Langit—isang Amang nakinig at buong pagmamahal na sumagot sa kanya.

Ang Pagsaksi ng Espiritu

Heto ako, isang bata sa post–World War II Germany, na naninirahan sa mga labi ng isang lungsod, libu-libong milya ang layo mula sa Palmyra, New York, sa North America at mahigit isang daang taon makalipas itong mangyari. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, nadama ko sa aking puso’t isipan na iyon ay totoo, na nakita ni Joseph Smith ang Ama at si Jesucristo at narinig ang Kanilang tinig. Napapanatag ng Espiritu ng Diyos ang aking kaluluwa sa murang gulang na ito na may katiyakan ng katotohanan ng sagradong sandaling ito na humantong sa pagsisimula ng isang pandaigdigang kilusan sa buong mundo na nakatadhanang “lalaganap, hanggang sa mapuno nito ang buong mundo” (D at T 65:2). Naniwala ako sa patotoo ni Joseph Smith tungkol sa maluwalhating karanasang iyon sa Sagradong Kakahuyan, at alam ko na ito ngayon. Muling nangusap ang Diyos sa sangkatauhan!

Sa paggunita sa nakaraan nagpapasalamat ako sa napakaraming kaibigang tumulong sa akin noong kabataan ko na magkaroon ng patotoo sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Nagpakita muna ako ng simpleng pananalig sa kanilang mga patotoo, at pagkatapos ay natanggap ko ang banal na pagsaksi ng Espiritu sa aking puso’t isipan. Itinuturing kong kabilang si Joseph Smith sa mga taong ang patotoo kay Cristo ay nakatulong sa akin na magkaroon ng sariling patotoo sa Tagapagligtas. Bago ko natanto ang pagtuturo ng Espiritu na nagpapatotoo sa akin na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, nadama ng batang puso ko na siya ay kaibigan ng Diyos at dahil dito, natural ay kaibigan ko rin siya. Alam kong mapagkakatiwalaan ko si Joseph Smith.

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na ang mga espirituwal na kaloob ay ibinibigay sa mga taong humihiling sa Diyos, nagmamahal sa Kanya, at sumusunod sa Kanyang mga utos (tingnan sa D at T 46:9).

“Hindi lahat ay pinagkakalooban ng lahat ng kaloob; sapagkat maraming kaloob, at sa bawat tao ay ipinagkaloob ang isang kaloob sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos.

“Sa ilan ay ipinagkaloob ang isa, at sa ilan ay ipinagkaloob ang iba, upang ang lahat ay makinabang sa gayong paraan” (D at T 46:11–12).

Ngayon alam kong nakinabang nang malaki ang murang patotoo ko mula sa patotoo ni Propetang Joseph Smith at ng maraming kaibigan sa Simbahan na nakaaalam sa “pamamagitan ng Espiritu Santo … na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at na siya ay ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan” (D at T 46:13). Pinagpala ako ng kanilang mabubuting halimbawa, nagmamalasakit na pagmamahal, at matulunging mga kamay na tanggapin ang isa pang espesyal na kaloob ng Espiritu na inilarawan sa mga banal na kasulatan noong nasasabik ako sa karagdagang liwanag at katotohanan: “Sa iba ay ipinagkaloob na maniwala sa kanilang mga salita, upang sila rin ay magkaroon ng buhay na walang hanggan kung sila ay patuloy na magiging matapat” (D at T 46:14). Napakaganda at napakahalagang kaloob nito!

Ang Kaloob na Pananampalataya

Kapag tunay tayong nagpakumbaba, bibiyayaan tayo ng kaloob na ito upang magkaroon ng pananampalataya at umasa sa mga bagay na hindi nakikita ngunit totoo (tingnan sa Alma 32:21). Kapag sinubukan natin ang mga salitang ibinigay sa mga banal na kasulatan at ng buhay na mga propeta—kahit hangad lang nating maniwala—at hindi tinanggihan ang Espiritu ng Panginoon, palalakihin nito ang ating kaluluwa at liliwanagin ang ating pang-unawa (tingnan sa Alma 32:26–28).

Ang Tagapagligtas Mismo ang naglinaw sa maawaing alituntuning ito sa buong mundo sa Kanyang dakilang panalangin ng pamamagitan, na ibinigay hindi lamang para sa Kanyang mga Apostol kundi para sa lahat ng Banal, maging sa atin sa ngayon, saanman tayo nakatira. Sabi niya:

“Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga nagsisisampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita;

“Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo, na sila nama’y sumaatin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako’y sinugo mo” (Juan 17:20–21; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ganito pinagpapala ng Unang Pangitain ni Joseph Smith ang ating buhay, ang buhay ng mga pamilya, at kalauna’y ang buong sangkatauhan—naniniwala tayo kay Jesucristo sa pamamagitan ng patotoo ni Propetang Joseph Smith. Ang mga propeta at apostol sa buong kasaysayan ng sangkatauhan ay nakatanggap ng mga banal na pagpapamalas na katulad ng kay Joseph. Nakaharap ni Moises ang Diyos at nalaman na siya ay anak ng Diyos “na kawangis ng [Kanyang] Bugtong na Anak” (Moises 1:6). Nagpatotoo si Apostol Pablo na nagpakita sa kanya ang nabuhay na mag-uling si Jesucristo sa daan patungong Damasco (tingnan sa Mga Gawa 26:9–23). Ang karanasang ito ang naging daan upang maging isa si Pablo sa dakilang mga misyonero ng Panginoon. Nang marinig ang patotoo ni Pablo tungkol sa kanyang banal na pangitain habang nililitis sa Cesarea, inamin ng makapangyarihang si Haring Agripa na, “Sa kakaunting paghikayat ay ibig mo akong maging Cristiano” (Mga Gawa 26:28).

At maraming pang ibang mga propeta noong una na nagbigay rin ng makapangyarihang patotoo tungkol kay Cristo. Lahat ng pagpapamalas na ito, sinauna at makabago, ay umaakay sa mga naniniwala sa banal na pinagmumulan ng lahat ng kabutihan at pag-asa—sa Diyos, ang ating Ama sa Langit, at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Kinausap ng Diyos si Joseph Smith para biyayaan ng Kanyang habag at pagmamahal ang lahat ng anak ng Diyos, maging sa mga panahon ng kawalang-katiyakan at kawalan ng kapanatagan, mga digmaan at ugong ng mga digmaan, mga kalamidad at personal na kapighatian. Sabi ng Tagapagligtas, “Masdan, ang aking bisig ng awa ay nakaunat sa inyo, at kung sinuman ang lalapit, siya ay tatanggapin ko” (3 Nephi 9:14). At lahat ng tatanggap sa paanyayang ito ay “[palilibutan] ng walang kapantay na kasaganaan ng kanyang pag-ibig” (Alma 26:15).

Sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa personal na patotoo ni Propetang Joseph at sa katotohanan ng Unang Pangitain, sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin, na taos at taimtim, tayo ay bibiyayaan ng matatag na pananampalataya sa Tagapagligtas ng mundo, na nagsalita kay Joseph “sa umaga ng isang maganda, maaliwalas na araw, sa tagsibol ng taong isanlibo walong daan at dalawampu” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:14).

Ang pananampalataya kay Jesucristo at patotoo sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala para sa lahat ay hindi lamang isang doktrinang napakahalaga sa teolohiya. Ang gayong pananampalataya ay kaloob sa lahat, maluwalhati para sa lahat ng kultura sa mundong ito, anuman ang lahi, kulay ng balat, wika, nasyonalidad, o katayuan sa lipunan. Ang kakayahang mangatwiran ay magagamit upang pagsikapang unawain ang kaloob na ito, ngunit yaong lubos na nakadarama sa mga epekto nito ay yaong handang tumanggap sa mga pagpapala nito, na nagmumula sa dalisay at malinis na pamumuhay ng pagsunod sa landas ng tunay na pagsisisi at pagsunod sa mga utos ng Diyos.

Pasasalamat para sa Propeta

Sa paggunita at paggalang natin kay Propetang Joseph Smith, puspos ng pasasalamat ang puso ko sa kanya. Siya ay isang binatang mabait, tapat, mapakumbaba, matalino, at matapang na may ginintuang puso at di-natitinag na pananampalataya sa Diyos. Siya ay may integridad. Bilang sagot sa kanyang mapakumbabang dalangin, muling nabuksan ang kalangitan. Talagang nakakita ng pangitain si Joseph Smith. Alam niya iyon, at alam niyang alam iyon ng Diyos, at hindi niya iyon maipagkakaila (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:25).

Sa kanyang ginawa at sakripisyo, mayroon na ako ngayong totoong pang-unawa sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, na ating Manunubos at Tagapagligtas, at nadarama ko ang kapangyarihan ng Espiritu Santo at nalalaman ang plano ng Ama sa Langit para sa atin, na Kanyang mga anak. Para sa akin, ito ang totoong mga bunga ng Unang Pangitain.

Nagpapasalamat ako na bata pa ay nabiyayaan na ako ng simpleng pananampalataya na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, na nakita niya ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo sa isang pangitain. Isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Ang patotoong iyan ay paulit-ulit na napagtibay sa akin.

Pinatototohanan ko na totoong si Jesucristo ay buhay, na Siya ang Mesiyas. May personal akong patotoo na Siya ang Tagapagligtas at Manunubos ng buong sangkatauhan. Nalaman ko ito sa pamamagitan ng di-maipaliwanag na kapayapaan at kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos, at sa aking puso’t isipan ay hangad kong maging dalisay at tapat sa paglilingkod sa Kanya ngayon at magpakailanman.

Sa ganitong paraan pinagpapala ng Unang Pangitain ni Joseph Smith ang ating sariling buhay, ang buhay ng mga pamilya, at kalaunan ay ang buong sangkatauhan—naniniwala tayo kay Jesucristo dahil sa patotoo ni Propetang Joseph Smith.

Ang pananampalataya kay Jesucristo at patotoo tungkol sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala para sa lahat ay hindi lamang isang doktrinang malaki ang kahalagahan sa teolohiya. Ang gayong pananampalataya ay kaloob sa lahat, maluwalhati para sa lahat ng kultura ng mundong ito, anuman ang lahi, kulay ng balat, wika, nasyonalidad, o katayuan sa lipunan.

Mga Hangarin ng Aking Puso, ni Walter Rane, sa kagandahang-loob ng Museum of Church History and Art

Mga paglalarawan ni Matthew Reier; Siya ay Nagbangon, ni Del Parson