2009
Mga Tanong at mga Sagot
Pebrero 2009


Mga Tanong at mga Sagot

“Natatakot ako na baka may mag-alok sa akin ng alak o droga. Ayaw kong pahindian ang mga tao o magalit sila sa akin. Paano ako makatitiyak na hindi ako patatangay?”

Bago pa mangyari iyon ay magpasiya na—ngayon—na sasabihin mong hindi. Kung patatangay ka, mas mahihirapan kang humindi sa hinaharap. Igagalang ka ng karamihan sa pagsunod sa iyong mga pamantayan. At malamang na hindi ka na nila alukin sa hinaharap.

Huwag kang mag-alala kung magalit man sa iyo ang mga tao. Desisyon nila iyon, pero desisyon mong panatilihing sumasaiyo ang Espiritu at huwag kang gumawa ng isang bagay na pagsisisihan mo.

Mas madadalian kang humindi kung may kaibigan kang kakampi. Makakatulong sa iyo ang suporta ng isang kaibigan para manindigan sa isang grupo.

Gayundin, iwasang mapunta sa ganitong sitwasyon. Pumili ng mga kaibigang kaisa mo at gumagalang sa iyong mga pamantayan. Halimbawa, kung pupunta ka sa isang party, alamin mo kung sino ang dadalo roon. Huwag kang pumunta kung hindi ka komportable o dama mong hindi ka dapat pumunta.

Tuparin ang Iyong Pangako

Matapos akong mabinyagan, hindi na ako nagdadalo sa mga party na may alak at sigarilyo. Isang araw sabi sa akin ng mga kaibigan ko, “Halika, sama ka. Walang mangyayari.” Pero humindi ako sa kanila dahil nangako ako na hindi ako iinom ng alak, maninigarilyo, o magdo-droga. Naunawaan nila iyon dahil alam nilang miyembro ako ng Simbahan, at alam nila kung gaano kahalaga ang mangako.

Kailangan nating bigyang-lugod ang ating Ama sa Langit at hindi ang ating mga kaibigan. Kung tutuparin natin ang mga pangako natin sa Kanya nang tayo’y binyagan, pagpapalain tayo.

Roxana C., 19, Lima, Peru

Maging Tapat sa Pangako

Takot din akong biguin ang mga kaibigan ko. Pero naisip ko na kung nagpatangay nga ako, sino pa ang bibiguin ko? Ang talagang umubra sa akin ay ang maagang pagpapasiya bago pa nangyari ang sitwasyon. Tapat akong nangako sa aking sarili na pahihindian ko ang droga at alak. Matapos akong humindi nang ilang beses, mas iginalang ako dahil sa aking pasiya. Di nagtagal, kapag may nagtatanong ulit sa akin kung gusto kong uminom, sasabihin ng isa sa mga kaibigan ko, “Huwag, hindi umiinom si Calder.” Naging mas madali iyon sa akin nang malaman ng mga kaibigan ko na hindi ako umiinom.

Elder Calder, 20, Idaho Pocatello Mission

Lakasan ang Loob na Manatiling Tapat

Sa simula ng taong ito inalok ako ng droga. Ayaw kong magalit sa akin ang taong iyon, pero naglakas-loob akong sabihin sa kanya na hindi ako interesado. Hindi ko masabi sa inyo ang laki ng pasasalamat ko na naging tapat ako sa aking paniniwala. Makaraan ang ilang linggo, sinabi ng lalaking nag-alok sa akin ng droga na hangang-hanga siya na pinanindigan ko ang paniniwala ko. Sinabi niya sa akin na wala pa siyang nakilalang makakagawa niyon at kailangan niyon ang lakas ng loob. Hinding-hindi raw niya malilimutan ang karanasang iyon.

Sa halimbawa mo maaari kang maging liwanag sa iba at mabuting impluwensya (tingnan sa Mateo 5:16).

Mary T., 16, Arizona, USA

Maging Matatag at Di Natitinag

Igagalang ka ng iyong mga kaibigan sa paghindi at pagsunod mo sa iyong mga pamantayan. Palibutan ang iyong sarili ng mga kaibigang katulad mo ang mga pamantayan. Susuportahan ka nila sa pagiging matatag at di natitinag.

Lindy S., 15, Utah, USA

Magpasiya Ngayon

Kung magpapasiya ka ngayon na kailanma’y hindi ka tatanggap ng droga o alak, mas madadalian kang hindi tanggapin ang mga ito. Hindi mo na kailangang pag-isipan pa nang dalawang beses ang isasagot mo. Kadalasa’y igagalang ng mga tao ang pasiya mo, at maaari kang magkaroon ng karanasang tulad ng misyonero sa pagsasabi sa kanila ng tungkol sa Word of Wisdom.

Chandler H., 14, Alabama, USA

Lakasan Mo ang Iyong Loob

Naranasan ko rin iyon. Nagdasal ako sa ating Ama sa Langit. Binasa ko ang mga banal na kasulatan at pinagbulayan ito at sinikap kong patatagin ang aking patotoo. At nang maharap ako sa gayong sitwasyon, sabi ko, “Sori, pero hindi ako umiinom. Miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.” Sinikap kong ipaunawa sa iba ang aking mga pamantayan. Kinabahan ako noong una, pero ngayo’y sanay na akong gawin ito, at patuloy kong sinusunod ang mga utos ng Panginoon. Nalampasan ko ang pagsubok sa tulong ng Panginoon, at nabiyayaan din ako ng tiwala, pananampalataya, mabuting kalusugan, at matataas na pamantayan. Pahindian mo sana ang mga kaibigan mo nang may tiwala at lakas ng loob. Kapag hindi mo ipinagpapalit ang iyong mga pamantayan, maaari kang magliwanag na tulad ng ilaw.

Lee, M., 17, Seoul, Korea