2009
Magtsaa Ka
Pebrero 2009


Magtsaa Ka

Kasasapi lang namin halos sa Simbahan, nagbakasyon kaming mag-asawa sa Bermuda. Habang naroon dumalo ako isang araw sa isang salu-salo sa dapit-hapon sa hotel namin. Habang takam na tinitingnan ko ang masasarap na pastry, nalanghap ko ang amoy ng tsaa. Sarap na sarap ako sa amoy at para bang may naririnig akong tinig na nagsasabing, “Magtsaa ka.”

Tapat ko nang ipinamuhay ang Word of Wisdom mula nang mabinyagan ako. Sa isipan ko sinabi ko, “Hindi, ayoko.”

“Ay, sige na,” parang sagot ng isang magiliw na tinig. “Wala ka namang kakilala rito, at malayo ka sa bahay ninyo.”

Sa mas matibay na paninindigan, muli akong sumagot sa aking isipan, “Hindi, ayoko!”

Muli kong narinig ang nakakaakit at nangangatwirang tinig na iyon: “Walang sinumang makakaalam.”

Matatag akong tumugon, “Ako ang makakaalam!”

Sa oras na iyon katabi ko ang isang waiter na nagbubuhos ng tsaa. Walang pag-aatubili ko siyang nilagpasan. Habang naghahanap ako ng mesa, nagulat akong marinig na may tumawag sa pangalan ko. Laking gulat ko nang makita ko ang nakangiting mukha ng dati kong boss na ilang taon ko nang hindi nakikita. Nilapitan niya ako, at habang naglalakad papunta sa isang mesa sinabi niya, “Balita ko sumapi ka raw sa Simbahang Mormon. Ikuwento mo nga sa akin iyon.”

Masaya akong nagpaunlak, at ibinahagi ko sa kanya ang ilang alituntunin ng ebanghelyo, ang kaligayahan ko bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at ang aking patotoo. Sinabi sa akin ng dating boss ko na matagal na siyang nagsasaliksik ng mga kaapelyido niya at nakapagdokumento na siya ng maraming henerasyon ng kasaysayan ng kanyang pamilya. Talagang interesado siya sa maibabahagi ko tungkol sa Simbahan, at nadama ko ang saganang pagbuhos ng Espiritu habang nag-uusap kami.

Habang nag-uusap kami naisip ko: “Nakausap mo kaya siya nang ganito kung mayroon kang tasa ng tsaa sa tray mo?” Alam ko na ang sagot. Kung natukso ako, nakalagpas sana sa akin ang espirituwal na karanasang iyon at ang pagkakataong maibahagi ang aking patotoo.