Pagtulong sa mga Bagong Binyag na Manatiling Matatag
Tayong lahat ay tumutulong na mapanatiling aktibo ang mga bagong miyembro. Ito ang tuluy-tuloy na proseso ng pagbabalik-loob—ng pagbaling at patuloy na pagbalik sa Panginoon.
Nang bisitahin ko ang katimugang Brazil noong araw, sinamahan ako ng aking asawa. Doon siya nagmisyon. Isang gabi pagdating namin sa isang miting, binati kami sa pintuan ng isang bata pang ina na nagpakilalang interpreter ko para sa miting. Masaya siyang bumaling sa aking asawa at sinabing, “Elder Tanner, kayo po ang naghatid ng ebanghelyo sa aking pamilya maraming taon na ang nakararaan. Maliit pa po ako noon, ngunit lumaki akong naririnig ang inyong pangalan tuwing may bibinyagan sa aming pamilya.” At ikinuwento niya sa amin ang katapatan ng bawat miyembro ng pamilya sa Simbahan sa paglipas ng mga taon. Nakakatuwa ang muling pagkikitang ito!
Sa miting, habang nakatingin ang aking asawa sa mga dumalo, may iba pa siyang nakita sa kongregasyon na naturuan niya ng ebanghelyo at nanatiling tapat. Nang magpatotoo siya, ipinahayag ng aking asawa ang kagalakan niyang malaman na patuloy ang kanilang katapatan. Naalala niya ang kuwento sa Aklat ni Mormon kung saan nakita ni Alma ang minamahal niyang mga kaibigan, ang mga anak ni Mosias, habang siya ay naglalakbay:
“Ngayon, ang mga anak na ito ni Mosias ay kasama ni Alma sa panahong unang nagpakita ang anghel sa kanya; kaya nga, si Alma ay labis na nagalak na makita ang kanyang mga kapatid; at ang nakaragdag pa sa kanyang kagalakan, sila ay kanya pa ring mga kapatid sa Panginoon” (Alma 17:2; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Nang gabing iyon sa Brazil, nakita rin ng aking asawa ang mahal niyang mga kaibigan noon na “kanya pa ring mga kapatid sa Panginoon.”
Ito ang hangarin ng bawat tapat na misyonero: na manatiling aktibo sa Simbahan ang mga bagong binyag at “[maging] malakas sa kaalaman ng katotohanan” (Alma 17:2). Ito ang hangarin ng bawat tapat na magulang: na ang kanilang mga anak ay manatiling tapat sa pananampalataya. Ito rin ang hangarin ng mga lider ng Simbahan para sa mga miyembrong nasa kanilang pangangalaga, at ito ang marubdob na hangarin ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak (tingnan sa Moises 1:39).
Paghahanap sa mga Naliligaw
Natutuwa ako sa dalas ng pagpapahayag ng pagmamahal ng Panginoon para sa Kanyang mga tao, kahit sila ay naliligaw—lalo nga siguro kapag sila ay naliligaw. Isipin ang mga talinghagang ibinigay ng Tagapagligtas tungkol sa mga bagay na nawala: tupa, mga barya, isang alibughang anak (tingnan sa Lucas 15). Hinahanap ng pastol ang nawalang tupa; hinalughog ng babae ang kanyang bahay para hanapin ang nawalang pilak; patakbong sinalubong ng ama ang kanyang suwail na anak samantalang “nasa malayo pa siya … at [niyakap] siya sa leeg, at [hinagkan] siya” (Lucas 15:20). Gayundin, sa talinghaga ng punong olibo nasusulyapan natin ang mapagpahinuhod na pagmamahal ng Panginoon para sa mga naliligaw (tingnan sa Jacob 5). Paulit-ulit na naghinagpis ang Panginoon ng ubasan, “Ikalulungkot kong mawala sa akin ang punong ito” (Jacob 5:7, 11, 13, 32). Sa buong aklat ni Isaias, muling tiniyak ng Panginoon sa Israel na hindi Niya sila kalilimutan: “Narito, aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay” (Isaias 49:16). Sa aklat ni Ezekiel sinabi ng Panginoon, “Aking hahanapin ang nawala, at ibabalik ang naliligaw, at tatalian ang nabalian” (Ezekiel 34:16).
Kapag tumulong tayo sa pagpapanatiling aktibo at pagpapaaktibo, nagiging kinatawan tayo ng Panginoon sa mapagmahal na gawaing hanapin ang ating mga kapatid na maaaring nawala na tulad ng tupa, ng barya, o ng alibughang anak.
Pagpasok sa Bagong Daigdig
Maaari ding maging mapanganib ang landas para sa mga bago sa Simbahan sa pagsisikap nilang umakma sa malaking pagbabagong ito sa kanilang buhay. Inilarawan ng isang bagong miyembro ang mahirap na pagbabagong ito. Sabi niya: “Kapag kaming mga investigator ay naging mga miyembro ng Simbahan, nagugulat kaming matuklasan na pumasok kami sa isang lubos na kakaibang mundo, isang mundong may sariling mga tradisyon, kultura, at wika. Natutuklasan namin na wala ni isang tao o lugar na masasangguni para hingan namin ng patnubay sa paglalakbay namin sa bagong mundong ito.”1
Paulit-ulit na itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na kapwa ang ating mga bagong miyembro at mga miyembrong naliligaw ay kailangan ang tulong natin. Kailangan nila ng isang kaibigan, isang responsibilidad, at ng espirituwal na pangangalaga, tulad ng turo sa aklat ni Moroni: “At matapos na sila ay matanggap sa pagbibinyag, … sila ay napabilang sa mga tao ng simbahan ni Cristo; at ang kanilang mga pangalan ay kinuha, upang sila ay maalaala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, upang mapanatili sila sa tamang daan” (Moroni 6:4).
Sa biyahe ring iyon papuntang Brazil marami akong dinalaw na dalagita sa mga bahay nila, sa hangad kong “maalaala at mapangalagaan” sila. Ang ilan ay lubos na magiting sa kanilang mga patotoo, samantalang ang iba ay hindi na aktibo sa Simbahan. Sa bawat sitwasyon hiniling kong bigkasin nila ang tema ng Young Women. Nabigkas iyon ng bawat isa! Pagkatapos ay tinanong ko ang bawat isa kung aling pinahahalagahan sa Young Women ang pinakamakahulugan sa kanya at bakit. Nang sagutin ako ng bawat dalagita nadama ko ang Espiritu at may nakita akong kahit munting kislap ng buhay na pananampalataya sa mga hindi na dumadalo sa simbahan. Alam ko na kung may isang taong makakaalala sa bawat isa sa kanila at magmamahal sa kanila at mangangalaga sa munting kislap na iyon ng pananampalataya, muling liliwanag ang kanilang ilaw.
Personal na Responsibilidad
Ang pangangalaga sa pamamagitan ng mabuting salita ng Diyos ay nagpapahiwatig na sinusubaybayan natin ang espirituwal na pag-unlad at kapakanan ng iba, tulad ng pangangalaga natin sa ating mga pisikal na katawan. Kahit dapat tumulong ang mga magulang, lider, at kaibigan sa prosesong ito, personal na responsibilidad ng mga bagong binyag, nagtatanong na mga kabataan, at nagsusumikap na mga miyembro na tulungan din ang kanilang sarili. Higit na nangyayari ito sa personal na pag-aaral ng ebanghelyo.
Tandang-tanda ko pa noong tag-init na nagtapos ako sa hayskul. Magulong panahon iyon sa espirituwalidad ko, isang panahong nangangapa pa ako sa ebanghelyo, tulad ng maraming bagong binyag. Ang solusyon ko sa mga problemang ito ay masigasig na pagbabasa at pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, na kadalasan ay matagalan. Naaalala ko pa ang ilan sa mga panahong iyon na puspos ng Espiritu. Ito ang panahon ng paghubog para mapangalagaan at mapaunlad ang aking patotoo.
Bukod sa pag-alaala at pangangalaga sa mga nawawala o naliligaw, kailangan natin silang bigyan ng pagkakataong maglingkod. Ipinaalaala ng Tagapagligtas kay Apostol Pedro, “Kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid” (Lucas 22:32). Ang mga tungkulin sa Simbahan ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga miyembro na patatagin ang iba at sa mismong paglilingkod na iyon ay uunlad din sila.
Noong tinedyer pa ang mga anak ko at kung minsan ay ayaw nilang dumalo sa Mutual o iba pang mga miting, kinausap ko sila tungkol sa kanilang responsibilidad. Sabi ko hindi tayo laging nagpupunta sa isang miting para sa ating kapakinabangan, kundi para sa maibibigay natin. Madalas kong sabihing, “Kailangan ninyo ang Simbahan, at kailangan kayo ng Simbahan.” Kailangang madama ng mga bagong binyag at di-gaanong aktibong mga miyembro na kailangan sila dahil sila nga ay kailangan.
Isang Gawain para sa Lahat
Tayong lahat ay kasali sa proseso ng pagpapanatiling aktibo. Ito ay tuluy-tuloy na proseso ng pagbabalik-loob—ng pagbaling at patuloy na pagbalik sa Panginoon. Tinatawag ito ni Alma na malaking pagbabago (tingnan sa Alma 5:14). Pagpapabalik-loob ang ginagawa natin, naglilingkod man tayo sa mga investigator, kabataan, di-gaanong aktibo, o kahit aktibong miyembro. Tayong lahat ay dapat tumulong sa gawain ng Panginoon, na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak (tingnan sa Moises 1:39).
Isinulat ng asawa ko sa kanyang missionary journal: “Pagbabalik-loob ang pinakadakilang himala. Mas kagila-gilalas pa ito kaysa magpagaling ng maysakit o bumuhay ng patay. Dahil samantalang ang taong napagaling ay muling magkakasakit at sa huli ay mamamatay, ang himala ng pagbabalik-loob ay maaaring magtagal magpakailanman at aapekto sa mga kawalang-hanggan ng nagbalik-loob gayundin ng kanyang mga inapo. Buu-buong henerasyon ay napapagaling at natutubos mula sa kamatayan sa pamamagitan ng himala ng pagbabalik-loob.”
Makiisa tayo sa Panginoon sa paghahanap ng nawala, sa pagbabalik ng naligaw, at pagtatali ng nabalian. At, sa dakilang araw na iyon ng Panginoon, tayo ay magalak na tulad ng aking asawa, na makita na ang mga minahal natin sa ebanghelyo ay mga kapatid pa rin natin sa Panginoon.