Ang Turo ni Propetang Joseph Smith
Pagkakaisa
Mula sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (kurso ng pag-aaral sa Melchizedek Priesthood at Relief Society, 2007), 320, 321, 324.
Naunawaan ni Joseph Smith ang kapangyarihang nagmumula sa pagkakaisa.
Noong mga unang araw ng Simbahan, inutusan ng Panginoon ang mga Banal sa mga Huling Araw na magkaisa (tingnan sa D at T 38:27). Habambuhay na binuo at pinagkaisa ni Propetang Joseph Smith ang mga Banal upang maisakatuparan ang gawain ng Diyos. Sila ay kanyang tinuruan, pinamunuan, at hinikayat na isakripisyo ang kanilang panahon, mga talento, at ari-arian para sa kapakanan ng Sion. Narito ang ilan sa kanyang mga turo tungkol sa pagkakaisa.
Ang Paraan para Magawa ang Gawain ng Panginoon
“Tunay na nagagalak kaming malaman na may gayong diwa ng pagkakaisa na umiiral sa mga simbahan, sa atin at sa ibang bansa … ; sapagkat sa pamamagitan ng alituntuning ito, at sama-samang pagkilos, maisasakatuparan natin ang mga layunin ng ating Diyos.”
“Ang pagkakaisa ay lakas. … Papag-ibayuhin sa mga Banal ng Makapangyarihang Diyos ang alituntuning ito magpakailanman, at dapat itong magdulot ng napakaluwalhating mga pagpapala, hindi lamang sa bawat isa, kundi sa buong Simbahan.”
Pag-aalis ng Kasakiman
“Ipaalala sa mga Banal na ang mga dakilang bagay ay nakasalalay sa pagsisikap ng bawat isa, at na sila ay tinawag na maging kapwa manggagawa namin at ng Banal na Espiritu sa pagsasakatuparan ng dakilang gawain sa mga huling araw; at … huwag lamang ibaon kundi puksain ang lahat ng kasakiman.”
“Unawain natin na hindi tayo nabubuhay para sa ating sarili, kundi para sa Diyos; sa paggawa nito ang pinakadakilang mga pagpapala ay mapapasaatin kapwa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.”
Ang Pagpapala ng Pagkakaisa
“Sa sama-samang pagkilos, at pagkakaisa ng lakas, maisasakatuparan natin ang dakilang gawain sa mga huling araw … , habang ang ating kapakanan, kapwa temporal at espirituwal, ay lalong mag-iibayo, at ang mga pagpapala ng langit ay kailangang ibuhos sa atin nang tuluy-tuloy.”