2009
Ang Tunay Kong Layunin Bilang Misyonero
Pebrero 2009


Ang Tunay Kong Layunin Bilang Misyonero

Dalawang buwan pa lang akong full-time missionary sa Argentina nang mabalitaan ko na malapit nang ikasal ang nakababata at kaisa-isa kong kapatid na babae. Lumaki kami ni Rebecca na malapit sa isa’t isa at pinangarap namin ang kasal ng bawat isa, pero ngayo’y hindi ko masasaksihan ang kasal niya.

Ipinadala sa akin ng mga magulang ko ang mga plano, retrato, menu, at iskedyul, pero dama ko pa rin na napag-iwanan ako, nag-iisa, at malayo. Mahirap at mabagal ang gawaing misyonero. Inisip ko kung ano nga ba ang ginagawa ko na napakalayo sa amin, at nalito ako tungkol sa nararapat kong isakatuparan.

Magkagayunman, alam ko na tinawag ako ng Panginoon na maglingkod, at malakas ang patotoo ko sa panalangin at sa kapangyarihan ng priesthood. Tumanggap ako ng basbas ng pag-alo na nangako sa akin na ako ay nasa lugar kung saan ako nararapat.

Bilang mga misyonero madalas nating ibahagi ang panghihikayat na mababasa sa Moroni 10:4–5. Lubos akong naniwala sa pangako ng mga taludtod na iyon—na kung hihiling ako sa Diyos, ang aking Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Jesucristo, malalaman ko ang katotohanan ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Masigasig kong idinalanging malaman kung tama ang ginawa kong pumunta sa Argentina sa halip na manatili sa bahay, kung saan natutulungan ko sanang maghanda ang kapatid ko para sa kasal niya. Habang papalapit ang kanyang kasal, lalong naging taimtim ang mga dasal ko. Nadama ko ang nagpapanatag na impluwensya ng Espiritu, pero umasa pa rin ako ng sagot.

Dalawang linggo bago ang kasal, naglalakad kaming magkompanyon pauwi mula sa isang tipanan sa pananghalian kasama ang mga miyembro ng branch na pinaglilingkuran namin. Ang branch ay nasa isang munting bayan sa gitnang Argentina, kung saan nakagawiang umidlip ng mga tao matapos mananghali. Sa oras na iyon karaniwa’y walang tao sa kalye.

Gayunman, habang naglalakad kami, may isang binatang tumawag sa amin. Dahil maraming kabataang lalaking nanunudyo sa amin, hindi namin siya pinansin at nagpatuloy kami sa paglakad. Nang tawagin niya kaming muli, may nag-udyok sa aking sagutin siya.

Ang pangalan niya ay Horacio, at nais niyang alamin kung kaibigan namin ang dalawang dalagang nagbabasa ng Aklat ni Mormon kasama ang pinsan niya. May nadama raw siyang espesyal habang nagbabasa ang mga misyonera, na naglilingkod din sa branch namin. Nais niyang malaman kung puwede siyang magsimba sa amin.

Nang turuan namin si Horacio sa tulong ng mga miyembro sa lugar, dagling napamahal sa kanya ang ebanghelyo. Nagbagumbuhay siya habang umuunlad sa ebanghelyo, pero tumutol ang kanyang pamilya at nilayuan siya ng kanyang mga kaibigan. Magkagayunman, nadama ni Horacio ang pagmamahal ng Panginoon at hinangad nitong sundan Siya. Kasama sa ilang napakaespesyal kong karanasan sa misyon ang pagtuturo kay Horacio.

Habang nakaupo ang pamilya ko sa Oakland California Temple at pinanonood na matapos ang kapatid ko sa isa sa mga ordenansang maghahanda sa kanya para sa kahariang selestiyal, nakaupo ako sa isang munting kapilya sa General Pico, Argentina, at naghihintay na matapos si Horacio sa interbyu sa paghahandang matanggap ang una niyang nakapagliligtas na ordenansa—ang binyag. Nakapaghanda ang kapatid ko para sa kanyang mga ordenansa nang walang tulong ko, pero hindi siguro magagawang mag-isa iyon ni Horacio. Kinailangan niya kaming magkompanyon na ituro sa kanya ang ebanghelyo, at kinailangan ko siyang ipaalala sa akin ang tunay kong layunin bilang misyonero—ang tumulong sa pag-aakay ng mga kaluluwa kay Cristo.

Habang naghahanda akong lisanin ang Argentina pagkatapos ng misyon ko, naghahanda naman si Horacio sa kanyang sariling pagmimisyon. Sa pamamagitan niya, sinagot ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin at isinugo si Horacio para masagot ang mga dalangin ng iba.