Pagiging Joseph
Hindi ako gaanong masigasig na isadula ang kuwento ni Joseph Smith. Ngunit mayroong nangyari na nagpabago sa buhay ko.
Buong buhay na itinuro sa akin ang kasaysayan ni Joseph Smith. Naniwala akong totoo ito dahil may tiwala ako sa mga nagturo sa akin. Kapag may nagsalita ng hindi maganda tungkol kay Propetang Joseph, ipinagtatanggol ko siya, hindi dahil may patotoo ako tungkol sa kanya kundi dahil sa prinsipyo, batid na iyon ang nararapat kong gawin.
Nagbagong lahat iyan nang maatasan ang aking ward na magbigay ng espesyal na bilang sa isang kaganapang pangkultura ng San Salvador El Salvador Ilopango Stake. Naisip naming magkakaibigan na isang dulang katatawanan ang pinakamagandang gawin; tumutol ang aming Young Men president. Iminungkahi niya na isadula namin ang ilang karanasan ni Propetang Joseph Smith.
Hindi kami natuwa sa ideyang ito. Alam naming magkakaibigan na bawat isa ay magtatanghal ng nakakatawang sayaw o dula, at nahihiya kaming gumawa ng anumang kaiba. Alam naming pagtatawanan kami ng mga tao kapag nakita nila kaming nakasuot ng makalumang damit, at nagtatanghal ng seryosong drama. Nakita ko nang nangyari iyon sa ilang pagkakataon, at inaamin ko na isa ako sa mga natawa. Gayunman, nangako ang aming Young Men president na kung masigasig naming ihahanda ang kasaysayan ni Joseph Smith, walang sinumang tatawa.
Kaya sa sumunod na dalawang buwan, pinag-aralan naming mabuti ang kasaysayan ni Joseph Smith. Maraming beses naming pinanood ang Unang Pangitain, at isinaulo namin ang bawat salita at detalye nito. Nagpinta kami ng malaking set na nagpapakita sa Sagradong Kakahuyan at maaliwalas na kalangitan. Gumawa kami ng maraming laminang ginto at nakakita ng malaking Biblia at tumba-tumbang gagamitin sa dula. Isa sa mga kaibigan ko na marunong magpiyano ang nagrekord ng himnong “Unang Panalangin ni Joseph Smith” (Mga Himno, blg. 20). Inirekord pa namin ang huni ng mga ibon na kumakanta sa kakahuyan at ang ingay ng pagtapak ni Joseph sa mga dahon. Nang magpalabunutan na kami para sa tauhang gagampanan namin, napunta sa akin ang papel na Joseph Smith.
Sa araw ng pagtatanghal, natuklasan namin, tulad ng inaasahan, na kami lang ang seryoso ang pagtatanghal. Kaya bago kami tawagin, sama-sama naming ipinagdasal na maging maayos ang lahat. At mayroong nangyari na nagpabago sa buhay ko.
Oras na para lumabas ako sa entablado. Nasa harapan ko na ang set ng kakahuyan. Nilapitan ko ito at narinig kong tumutugtog ang inirekord na himno. Habang palapit ako, nadama kong nag-aalab ang aking dibdib. Kahit paano nalaman ko na ang kaganapang isinasadula ko ay talagang nangyari, na ang isang batang lalaking mas bata sa akin ay talagang naranasan ito. Nang lumuhod ako para sa eksena ng panalangin, naumid ang mga labi ko—ngunit hindi dahil sa masamang impluwensya. Bagkus, alam kong hindi ako makapagsasalita nang hindi umiiyak. Isang malakas na puwersa ang nagpatotoo sa puso ko na totoo ang salaysay ni Joseph! Nakadama ako ng malaking pasasalamat sa Panginoon para kay Joseph Smith, at lubha siyang napamahal sa akin.
Nang imulat ko ang aking mga mata, natanto ko na napaluha rin ang ilang miyembrong nanonood. Wala akong alinlangan na pinatotohanan sa kanila ng Espiritu ang sagradong katotohanan ng aming isinasadula.
Nang magmisyon ako kalaunan, ipinagtanggol ko pa rin ang Simbahan at si Propetang Joseph Smith ngunit hindi lamang sa prinsipyo. Pinatotohanan ko siya dahil, tulad ng sabi ng Propeta mismo, “Ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:25).