Dapat ay Narito Siya!
Isang Sabado ng umaga tumanggap ako ng tawag mula sa isang kaibigan, na isa pang young single adult sa ward namin sa Wiltshire, England. Ang kanyang madrasta, na sa nayon din namin nakatira, ay maysakit at nakaratay sa bahay nila. Halos hindi ito makakilos at, kahit hindi miyembro ng Simbahan, hiniling nitong basbasan ko siya.
Ilang buwan pa lang akong miyembro ng Simbahan, pero dahil sa pagsasanay sa priesthood meeting, ipinalagay kong handa na akong magbasbas, kahit medyo nag-alangan ako. Sabi ko maghahanap ako ng kompanyon at darating kami sa malao’t madali.
Agad kong naisip ang pinakamalapit na elder sa ward at pinuntahan ko siya sa bahay. Pinagbuksan ako ng asawa niya at ipinaalala sa akin na nagpunta sa templo ang mga na-endow na kalalakihan ng Swindon Ward noong araw na iyon. Habang nagmamaneho, na medyo malungkot, inihinto ko ang kotse at humiling ako ng patnubay sa Ama sa Langit.
Habang nagdarasal, nagtanong ako kung may Melchizedek Priesthood holder akong makakasama. Agad pumasok sa isipan ko ang pangalan ni Stuart Ramsey. Wala akong numero ng telepono niya, pero sila ng asawa niyang si Gill ay nakatira sa isang himpilan ng hukbong panghimpapawid mga anim na milya mula roon.
Pagdating sa bahay nila, kumatok ako sa pintuan na buo ang tiwalang masasamahan ako ni Stuart. “Wala siya rito,” sabi ni Gill na ikinagulat ko. “Nagpunta siya sa himpilan.”
Hindi nakahadlang iyon, at itinanong ko kung puwede ko siyang kontakin. Ipinaliwanag niya na kinukumpuni ni Stuart, na isang mekaniko, ang kotse ng kanyang kaibigan sa isang tagong lugar sa himpilan. Hindi siya makokontak sa telepono, at hindi ako papayagang makalagpas sa mga security gate.
Bakit napakalakas ng udyok sa akin na humingi ng tulong kay Stuart, para lang malaman na hindi pala siya puwede? Mali ba ang intindi ko sa sagot sa dalangin ko? “Hindi,” naisip ko, “dapat ay narito siya.”
Sa sandaling iyon mismo narinig ko ang isang masayang tawag mula sa likuran ko. “Paul, ano’ng ginagawa mo rito?” Si Stuart! Pinipilit niyang kumpunihin ang kotse ng kaibigan niya at nadama niyang dapat siyang umuwi. Ipinaliwanag ko ang problema ko, at mabilis siyang pumayag na tulungan akong magbasbas.
Nagpasalamat ako sa kaalaman ni Stuart. Siya ang nagpahid ng langis, at habang pinagtitibay ko ang pagpapahid, naudyukan akong magbigay ng basbas ng pagpapagaling. Nang ihatid ko si Stuart sa bahay, nagalak siya sa pag-akay ng Espiritu na iwanan ang kanyang ginagawa para makipagkita sa akin sa bahay niya.
Lubha akong nagalak na malaman kinabukasan na gumanda ang pakiramdam ng madrasta ng kaibigan ko. Nakapagbasbas na ako sa maraming okasyon mula noon, pero nagpapasalamat ako na maaga kong nalaman na kahit wala tayong karanasan sa mga tungkulin natin sa priesthood, kapag umasa tayo sa Panginoon, sumunod sa Kanyang mga utos, at ginawa natin ang lahat para magampanang mabuti ang ating mga tungkulin, gagabayan Niya tayo sa landas na dapat nating tahakin.