2009
Maaari Akong Maging Misyonero Ngayon
Pebrero 2009


Maaari Akong Maging Misyonero Ngayon

“Ako ay mapasasaiyo; at saan mang lugar ka mangaral ng aking pangalan isang mapakikinabangang pintuan ang bubuksan sa iyo, nang kanilang matanggap ang aking salita” (D at T 112:19).

Dapit-hapon nang lumuhod si Micah sa tabi ng kama niya kasama ang nakababata niyang kapatid na si Noah para magdasal. Iniisip pa rin niya ang kapitbahay nila, isang matandang lalaking nagngangalang Sam. Kasabay niyon ay lumitaw si Inay sa may pintuan.

“Natutuwa ako’t magdarasal kayong dalawa,” sabi niya, na nakangiti sa dalawang magkapatid.

“Isasama ko si Sam sa panalangin ko ngayong gabi,” sabi ni Micah. “Pakikiusapan ko siyang sumama sa ating magsimba sa Linggo, at nais kong tulungan ako ng Ama sa Langit kapag pinakiusapan ko siya.”

“Palagay mo kaya sasama siya sa ating magsimba?” tanong ni Noah. “Sinabi sa amin ng aming Primary teacher na masisiyahan ang Ama sa Langit kapag inimbitahan natin ang ating mga kapitbahay na magsimba sa atin.”

“Alam kong tutulungan ka ng Ama sa Langit na pakiusapan si Sam,” sabi ni Inay.

Kinabukasan maagang gumising sina Micah at Noah. Sabik silang makausap si Sam. Kapitbahay ng pamilya nina Micah at Noah si Sam bago pa isinilang sina Micah at Noah. Alam ni Micah na napakalungkot ni Sam mula pa nang mamatay ang asawa nito.

Inayos ng mga bata ang higaan nila nang hindi na pinaaalalahanan, mabilis na kumain ng almusal, at isinupinaaalalahanan at mabilis na kumain ng almusal bago lumabas ng pinto.

“Takot ka ba?” tanong ni Noah kay Micah.

“Hindi. Palagay ko papayag si Sam,” tugon ni Micah. “Siguro nga medyo takot ako,” dagdag pa niya.

Tumakbo ang dalawa papunta sa bahay ni Sam. Sigurado si Micah na kabado rin si Noah na tulad niya. Paano kung humindi si Sam? Paano kung ayaw nang makipagkaibigan ni Sam sa kanila at tumigil na itong isama sila ni Itay sa pangingisda?

Tahimik silang lumakad papunta sa pintuan ni Sam sa harapan. Pagkatok nila sa pintuan, may umikot sa gilid ng bahay. “Kumusta, mga bata!” sabi niya, habang papalapit sa kanila. “Ano ang gagawin ninyong dalawa ngayon?” Kahit natatabingan ng malaking sumbrero ang mukha nito, alam ng mga bata sa boses pa lang na si Sam iyon. At alam nila na nakangiti ito.

“Iimbitahan sana namin kayo,” sabi ni Micah.

“Tama,” sabi ni Noah. Agad pa niyang idinagdag, “May ipapakiusap si Micah sa inyo.”

Kumakabog ang puso ni Micah sa dibdib niya. Bumuntung-hininga siya at bumulalas ng, “Puwede po ba kayong sumama sa aming magsimba bukas? Sabay na lang po kayo sa kotse namin—may puwesto pa po—at puwede po kayong tumabi sa amin sa simbahan.”

“Kunsabagay, nakikita kong nagsisimba ang pamilya ninyo tuwing Linggo, at matagal na rin akong hindi nakakapagsimba,” sabi ni Sam. “Palagay ko OK lang sa akin na sumama sa inyong magsimba ngayong Linggo.”

“Talaga po!” sabay na bulalas ng dalawang bata.

Sabi ni Noah, “Aalis po tayo nang alas-9:30. Susunduin po namin kayo!”

Habang tumatakbong pauwi ang mga bata, lumingon si Micah at sumigaw kay Sam, na nakangiti pa rin. “Magkita po tayo bukas nang alas-9:30 ng umaga!”

Pagpasok nila sa bahay nila, naghihintay na sa kanila sina Inay at Itay.

“Ano ang sabi ni Sam?” tanong ni Itay. “Sasama ba siya sa ating magsimba?”

Ngumisi si Micah. “Opo. Sabi po namin susunduin natin siya nang alas-9:30.”

Noong gabing iyon nang magdasal sila, naalala nina Noah at Micah na pasalamatan ang Ama sa Langit sa pagtulong sa kanila na pakiusapan si Sam na sumama sa kanilang magsimba.

“Talagang masaya ako,” sabi ni Micah.

“Ako rin,” sabi ni Noah.

Humiga na sa kama ang dalawang bata, at may naalala si Micah na sinabi ng bishop nila sa sacrament meeting noong nakaraang linggo: “Bawat miyembro ay misyonero!”

Mga paglalarawan ni Gregg Thorkelson