Pagtuturo sa Nursery, Pagtuturo sa Tahanan
Maraming dahilan kung bakit espesyal ang bagong manwal ng Primary sa nursery, pati na ang mga aktibidad na tutulong sa mga batang edad-nursery na matutuhan ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagtingin, pakikinig, at paggawa.
Si Charlie, sa edad na 20 buwan, ay sabik na tumutugon sa pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan. Maituturo niya ang isang larawan ng Tagapagligtas at masasabing, “Jesus.” Gayunman, kapag dumadalo siya sa klase ng Primary sa nursery, kung saan natututo rin siya tungkol kay Jesus, medyo nahihiya pa rin siya.
Halos tatlong taong gulang na si Sam at panatag siya sa nursery. Marami siyang natutuhang iba’t ibang awitin ng Primary sa klase at gustong kantahin ang mga ito sa family home evening. Katunayan, kapag kasabay niyang kumanta ang kanyang lola, nagugulat ito na saulado ni Sam ang mga isang dosenang awitin.
Sina Charlie at Sam ay kapwa nakikibahagi sa unang magandang karanasan nila sa Simbahan—ang klase ng nursery. Dito ay pinalalawak ng mga batang 18 buwan hanggang tatlong taong gulang ang natututuhan nila sa ebanghelyo. Ang bagong manwal ng Primary sa nursery na, Masdan ang Inyong mga Musmos, ay magandang sanggunian kapwa ng mga guro sa nursery at ng mga magulang sa tahanan sa pagtuturo ng mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo sa kanilang mga anak.
Madaling Iakmang Kasangkapan sa Pagtuturo
Nagsisimula nang maunawaan ng mga bata sa ganitong edad ang simple, ngunit malalim, na mga alituntunin ng ebanghelyo tulad ng katotohanan at pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesus, pagmamahal ng pamilya, lakas na dulot ng panalangin, katotohanan ng Unang Pangitain, at kariktan ng mga likha ng Diyos.
Sila ay aktibo, nangangailangan ng pagmamahal at pag-aaruga, madaling mainip, natututong magsalita, at nasisiyahan sa iba’t ibang gawain. Lagi silang natututo. Binanggit ni Pangulong Thomas S. Monson ang isang bantog na doktor na nagsabing “ang edad na pinakamadaling maturuan ang tao ay dalawa o tatlong taon.”1
Sa oras ng klase, nasisiyahan ang mga bata sa mga aktibidad sa musika, laro, meryenda, at aralin kung kailan tinuturuan sila ng mga pangunahing doktrina ng ebanghelyo. Ang mga aralin sa bagong manwal ng nursery ay nilayong madaling maiakma at makatugon sa mga pangangailangan ng mga nasa ganitong edad. Bawat aralin ay nagsisimula sa isang pambungad para sa guro. Maikli nitong ipinaliliwanag ang doktrinang ituturo at may mga reperensya sa banal na kasulatan. May mga tip sa pagtuturo para malaman ng mga magulang at guro ang aasahan sa mga batang edad-nursery at kung paano iaakma ang karanasan sa pagtuturo para matugunan ang mga pangangailangan ng mga bata. Ang mga aralin ay may iba’t iba ring aktibidad sa pagkatuto na tumutulong sa mga bata na marinig ang doktrina, makita ang isang bagay na nauugnay sa doktrina, kumanta, gumawa ng isang pisikal na aktibidad, at bumanggit ng isang bagay na nauugnay sa doktrina.
Ang nursery leader o magulang, ayon sa patnubay ng inspirasyon, ay maituturo ang mga aralin sa anumang pagkakasunud-sunod. Upang mabigyang-diin ang pagkatuto, ang mga aralin at aktibidad ay mauulit sa magkakasunod na linggo o makalawang beses sa isang klase ng nursery batay sa mga pangangailangan at interes ng mga bata.
Ang nakalistang mga opsyonal na aktibidad ay magagamit kahit kailan at kahit ilang beses sa klase ng nursery. Ang lahat ng visual aid at aktibidad ay nasa manwal.
Mga Patotoo ng Tagumpay
Habang binubuo ang manwal ng nursery, sinubukan ng mga nursery leader sa mga Primary sa buong mundo ang mga aralin. Nagbigay sila ng maraming mabubuting mungkahing isinama sa manwal.
Mula sa Cape Coast Ghana Stake, isinulat ng isang nursery leader, “Marami akong natutuhan tungkol sa pagtuturo habang sinusubukan ang mga aralin. Interesado ang mga bata sa mga kuwento, sumasagot sa mga tanong, at nagpipinta ng mga larawan. Masayang-masaya sila.” Isinulat ng isang lider ng Primary mula sa Scranton, Pennsylvania, USA: “Maliit ang branch namin, at hindi kami palaging may guro. Maaaring pagsama-samahin ang mga araling ito sa kaunting oras at magiging epektibo pa rin ito sa mga bata.”
Sa Caracas Venezuela Los Teques Stake, ikinatuwa ng isang lider ang katotohanan na magagamit ng guro ang mga aralin ayon sa patnubay ng Espiritu.
“Nagustuhan ng mga bata ang mga finger puppet,” pagsulat ng isang lider mula sa West Jordan, Utah. “Binigyan ko ng pagkakataon ang mga bata na isalaysay sa akin ang isang kuwento gamit ang sarili nilang mga puppet. Napakagaling nila kaya naniniwala akong magagawa nila itong mag-isa sa family home evening.” Dagdag pa niya, “Malaking tulong din sa akin ang mga tip sa pagtuturo.”
Para sa mga Magulang at mga Nursery Leader
Isang pribilehiyo para sa mga magulang o lider ng Primary na mapagkatiwalaan sa pangangalaga at pagtuturo ng mga batang edad-nursery. Ang mga batang ito ay may kakayahan at puno ng pananampalataya. Madali silang maniwala, sabik na matuto, at masayang makabahagi sa mga aktibidad. Lumalaki sila sa kapaligirang may pagmamahal at sa liwanag ng ebanghelyo.
Ang bagong manwal ng Primary sa nursery, kapag ginamit nang may inspirasyon at patotoo, ay makakatulong sa mga magulang at lider ng Primary sa buong mundo na maituro sa mga batang musmos, tulad nina Charlie at Sam, ang ebanghelyo ni Jesucristo.