Halina’t Pakinggan ang Tinig ng Isang Propeta
Tulong na Gumaling
Mula sa isang pananalita sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2007.
Nagpatotoo si Pangulong Monson na tayo ay may karapatan sa tulong ng Panginoon.
Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naorden ako bilang elder—isang linggo bago ako lumisan para maglingkod sa hukbong dagat. Isang miyembro ng aking bishopric ang nasa istasyon ng tren para ihatid ako. Bago umalis ang tren, inilagay niya ang isang aklat sa kamay ko: Hanbuk ng Misyonero. Natawa ako at sinabi kong, “Nasa hukbong dagat ako—wala ako sa misyon.” Sagot niya, “Dalhin mo na rin. Baka sakaling magamit mo.”
Tama siya. Sa pangunahing pagsasanay itinuro ng aming company commander sa amin kung paano pinakamainam na maeempake ang damit namin sa isang malaking bagaheng pang-marino. Pagkatapos ay ipinayo niya, “Kung mayroon kayong matigas at parihabang bagay na mailalagay sa ilalim ng bag, mas mananatiling maayos ang mga damit ninyo.” Naisip ko, “Saan ako makakakita ng matigas at parihabang bagay?” Pagdaka’y naalala ko ang Hanbuk ng Misyonero. At nagkaroon ng silbi ito nang 12 linggo sa ilalim ng bagaheng pang-marinong iyon.
Sa gabi bago kami nagbakasyon para sa Pasko, tahimik sa kuwartel. Bigla kong naramdaman na ang kaibigan ko sa katabing higaan—na isang miyembro ng Simbahan, si Leland Merrill—ay umuungol sa sakit. Itinanong ko, “Ano’ng nangyayari sa iyo, Merrill?”
Tumugon siya, “Maysakit ako. Talagang maysakit ako.”
Nagdaan ang mga oras; lumakas ang kanyang mga pag-ungol. Pagkatapos, sa kawalang-pag-asa, bumulong siya, “Monson, di ba elder ka?” Tumango ako, kaya nakiusap siya, “Basbasan mo naman ako.”
Lubos kong natanto na hindi pa ako nakapagbasbas kahit kailan. Ang dalangin ko sa Diyos ay pagsamo ng tulong. Dumating ang sagot: “Maghanap ka sa ilalim ng bagahe.” Sa gayon, ganap na alas-2:00 n.u. ay ibinuhos ko ang laman ng bag. Pagkatapos ay inilapit ko sa liwanag ang Hanbuk ng Misyonero at binasa kung paano magbasbas ng maysakit. Habang nakamasid ang mga 120 usiserong marino, itinuloy ko ang pagbabasbas. Bago ko muling nailigpit ang mga gamit ko, tulog na si Leland Merrill.
Kinabukasan, nakangiting bumaling sa akin si Merrill at nagsabi, “Monson, natutuwa ako’t taglay mo ang priesthood!” Nahigitan ng pasasalamat ko ang kanyang katuwaan—pasasalamat hindi lamang para sa priesthood kundi sa pagkamarapat na tumanggap ng tulong na kailangan ko sa oras ng gipit na pangangailangan.
Kung tayo ay nasa gawain ng Panginoon, may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon. Dumating sa akin ang Kanyang tulong sa di-mabilang na pagkakataon sa buong buhay ko. ●