Mensahe sa Visiting Teaching
Unawain ang mga Banal na Tungkulin ng Kababaihan
Ituro ang mga banal na kasulatan at mga siping tumutugon sa mga pangangailangan ng kababaihang inyong binibisita. Magpatotoo tungkol sa doktrina. Ipabahagi sa inyong mga tinuturuan ang kanilang nadama at natutuhan.
Julie B. Beck, Relief Society general president: “Nagtamo ako ng patotoo mula sa pagninilay at pag-aaral ng mga banal na kasulatan tungkol sa plano ng kaligayahan na ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit. Ang planong iyon ay may bahaging ukol sa Kanyang mga anak na babae. Kalahati ng plano ay gagampanan ng kababaihan, at kung hindi natin gagawin ang ating bahagi, walang ibang gagawa nito para sa atin. Ang kalahati ng plano ng ating Ama na lumilikha ng buhay, na nangangalaga sa mga kaluluwa, na nagtataguyod ng pag-unlad, na umiimpluwensya sa lahat ng iba pang bagay ay ibinigay sa atin. Hindi natin ito maipagagawa sa iba. Hindi natin ito maipapasa kaninuman. Atin ito. Matatanggihan natin ito, at maipagkakaila, ngunit bahagi pa rin natin ito, at mananagot tayo rito. Darating ang araw na maaalala nating lahat ang nalaman natin noon bago tayo isinilang. Maaalala natin na nakipaglaban tayo sa isang malaking digmaan para sa pribilehiyong ito. Paano natin magagampanan ang responsibilidad na ito? Araw-araw nating ibinubuhos ang ating lakas sa gawaing tayo lamang ang makagagawa.”
Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang batayang layunin ng doktrina para sa Paglikha ng mundo ay ang maglaan sa mga espiritung anak ng Diyos ng pagpapatuloy ng proseso ng kadakilaan at buhay na walang hanggan. …
“… Bagamat wala nang higit pang mahalagang kontribusyon kayong magagawa sa lipunan, sa Simbahan, o sa walang hanggang tadhana ng mga anak ng ating Ama maliban sa gagawin ninyo bilang ina o ama, ang pagiging ina at pagiging ama ay hindi lamang ang sukatan ng kabutihan o ng pagiging katanggap-tanggap ng tao sa harapan ng Panginoon. …
“Bawat kapatid na babae sa Simbahang ito na gumawa ng mga tipan sa Panginoon ay binigyan ng banal na tagubilin na tumulong sa pagliligtas ng mga kaluluwa, na akayin ang kababaihan ng daigdig, patatagin ang mga tahanan sa Sion, at itayo ang kaharian ng Diyos” (“Kababaihan ng Kabutihan,” Liahona, Dis. 2002, 36, 39; Ensign, Abr. 2002, 68, 70).
Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa banal na plano, ang mga lalaki’t babae ay nilayong umunlad na magkasama tungo sa kaganapan at puspos na kaluwalhatian. Dahil sa magkaiba nilang mga pag-uugali at kakayahan, hatid ng mga lalaki’t babae sa pagsasama nila ang mga natatanging pananaw at karanasan. Magkaiba ngunit magkapantay ang ambag ng lalaki at babae tungo sa pagkakaisa na hindi makakamit sa ibang paraan” (“Mahalaga ang Kasal sa Kanyang Walang Hanggang Plano,” Liahona, Hunyo 2006, 51–52; Ensign, Hunyo 2006, 83–84).
Silvia H. Allred, unang tagapayo sa Relief Society general presidency: “Pinagpala ng Panginoon ang kababaihan na may mga banal na katangian ng pagmamahal, habag, kabaitan, at pag-ibig sa kapwa. Sa ating mga buwanang pagdalaw bilang mga visiting teacher, may kapangyarihan tayong pagpalain ang bawat babae sa pagpapakita natin ng pagmamahal at kabaitan at pagpapakita ng habag at pag-ibig sa kapwa. Anuman ang kalagayan ng bawat isa sa atin, lahat tayo ay may pagkakataong bigyang-sigla at pangalagaan ang iba” (“Pakanin Mo ang Aking mga Tupa,” Liahona at Ensign, Nob. 2007, 113).
Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Ang pagiging mabuting babae sa mga huling tagpo ng daigdig na ito, bago ang ikalawang pagparito ng ating Tagapagligtas, ay talagang isang marangal na tungkulin. Sampung beses ang lakas at impluwensya ng mabuting babae ngayon kaysa sa mga panahon ng katahimikan” (“Privileges and Responsibilities of Sisters,” Ensign, Nob. 1978, 103).