2009
Ang Pamilyang Nagtutulungan
Pebrero 2009


Ang Pamilyang Nagtutulungan

Ano ang pamilyang nagtutulungan? Yaong ang mga miyembro ng pamilya ay nagtutulungan para gumanda ang kanilang relasyon habang nahaharap sila sa mga hamon.

Naaalala ko pa noong bagong magulang ako at nagbabasa ng Doktrina at mga Tipan 93:40, kung saan sinabi ng Panginoon, “Ipinag-utos ko sa inyo na palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan.” Naisip ko, “Paano ko nga ba gagawin iyon?” Marami na akong narinig na usapan ng mga tao tungkol sa mga pamilyang nagkakanya-kanya, ngunit nais kong magkaroon ng isang pamilyang nagtutulungan. Ano nga ba talaga ang isang pamilyang nagtutulungan?

Tila iniisip ng mga tao na ang mga miyembro ng pamilya sa mga pamilyang nagtutulungan ay lubos na nagkakasundo at magkakasamang nilulutas ang mga problema. Siyempre, ang totoo kapag sinabing ang isang pamilya ay “nagtutulungan” hindi iyan nangangahulugan na perpekto ang pamilya. Lahat ng pamilya ay humaharap sa mga hamon sa pakikitungo sa kakaibang mga personalidad ng mga miyembro ng pamilya. Gayunman, sa isang pamilyang nagtutulungan nang husto, kinikilala ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang mga kahinaan, at nagsisikap silang pagandahin ang kanilang relasyon sa kabila ng kanilang mga kahinaan. Tunay ngang magiging mas maligaya ang mga miyembro ng pamilya kapag sinikap nilang ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo para mapaganda ang relasyon nila sa bawat isa at sa pamilya.

Sa maraming taon ng pakikipagtulungan sa mga mag-asawa at mga pamilya bilang propesyonal na tagapayo, natutuhan ko ang ilang tuntunin na naniniwala akong nakakatulong na magkatulungan ang mga pamilya. Tinatalakay sa artikulong ito ang ilan sa mga ito; maaari kayong mag-isip ng sariling inyo. Habang binabasa ninyo ang mga tuntuning ito, isipin sandali kung paano maaaring iangkop ang mga ito sa inyong pamilya.

Sa pamilyang nagtutulungan, itinutuon ng mga magulang ang kanilang lakas sa pagtuturo sa kanilang mga anak ng mga wastong tuntunin at tinutulutan silang gamitin ang kalayaan nilang pumili. Bilang isang magulang at lolo, pinag-iisipan at sinisikap kong magpakita ng higit na pagmamahal, pagtuturo, panahon, malasakit, tulong, patnubay, at pansin hangga’t kaya ko upang maturuan ang aking mga anak at apo ng mga wastong tuntunin. Kabilang dito ang pagtuturo sa kanila na ang mga pagpapasiya ay may mga ibubunga—kapwa mabuti at masama.

Kung minsan bilang mga magulang ginagampanan natin ang tungkulin ng isang manedyer sa hangad na kontrolin ang ating mga anak dahil sa inaasahan nating mangyari. Ang problema sa pamamaraang ito ay ayaw ng mga bata na tinatakot o pinipilit sila, lalo na habang lumalaki sila. Magiging mas epektibo tayo kung babawasan natin ang pag-aktong manedyer at mas umaktong mga tagaturo, tagapayo, at gabay. Ibig sabihin turuan natin ang ating mga anak ng mga wastong tuntunin at, ayon sa kanilang pagtanda at karanasan, patuloy silang bigyan ng higit na kalayaan sa pagpapasiya at pagdanas ng mga bunga nito.

Sa pamilyang nagtutulungan, sadyang pinatatatag ng mga magulang ang kanilang mga pamilya. Ibig sabihin regular at lihim ninyong pag-isipan ang mga pangangailangan ng bawat bata at kalkulahin ang mga ito kaugnay ng pangkalahatang mga pangangailangan ng pamilya. Marami sa atin ang lagi na lamang nagagalit sa mga hamon ng buhay. Ang abalang mga iskedyul at kailangang gawin sa buhay ay magpapahirap sa pagpapasiya kung paano kayo mamumuhay at tutugon sa mga pangangailangan ng inyong pamilya. Ibig sabihin maaaring sitwasyon, ibang tao, o mga dating kaugalian ang magdikta kung paano kayo tutugon sa isang sitwasyon sa halip na kayo ang magpasiya kung paano kayo kikilos. Hindi na kailangan pang sabihin na ang gayong mga pagkagalit ay madalas humantong sa malulungkot na sitwasyon kung saan hindi natin magawa ang lahat ng kaya nating gawin.

Isa sa pinakamaiinam na paraan na mapapatatag ng mga magulang ang kanilang pamilya ay magtakda ng oras bawat linggo para pag-usapan ang sitwasyon ng pamilya. Tinatawag ko itong “oras ng pag-uusap-usap ng pamilya.” Sa pagtatakda ng oras ng pag-uusap-usap ng pamilya, kayong mag-asawa ay tapat na mangangakong regular na pag-isipan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Mag-uukol din kayo ng oras para pag-isipan ang mga pagbabagong kailangang gawin ninyo at ng inyong pamilya. Kung kayo ay nag-iisang magulang, maitatakda ninyo ang oras bawat linggo para pag-isipan at ipagdasal ang inyong pamilya.

Ang sadyang pagtutuon sa inyong pamilya ay nangangahulugan din na iniisip ninyo ang epekto ng inyong sasabihin o hindi sasabihin sa inyong mga anak. Bilang mga magulang, nagsisimula kayong magpahatid ng mga mensahe kung ano ang nadarama ninyo tungkol sa inyong mga anak mula nang sila’y isilang. Kabilang sa mga mensaheng ito ang inyong mga salita, kilos, at pag-uugali, sinadya man ninyo ito o hindi. Hinuhubog ng lahat ng mensaheng ito ang pagtingin ng mga anak sa kanilang sarili.

Kabilang sa mga halimbawa ng di-sadya ngunit nakapipinsalang mga mensahe ang pagwawalang-bahala o kawalan ng pasensya sa isang bata. Kung masyado kayong abala para pag-ukulan ng oras ang inyong anak, maaaring nagpaparating kayo ng mensaheng, “Hindi ka gaanong mahalaga sa akin.” Ngayon, tandaan, kung minsa’y hindi ninyo maiiwasan ang maging abala, kaya huwag ninyong masyadong ikabahala ito. Tandaan lamang na mahalagang sadyang magparating ng mga positibong mensahe para mapasigla ang inyong mga anak at manaka-nakang masuri kung anong mga mensahe ang ipinararating ninyo para mabago ninyo ito kung kailangan.

Anong mga mensahe ang gusto ninyong sadyang iparating sa inyong mga anak? Nais ba ninyong ipaalam sa kanila na mahal ninyo sila at iniisip ninyo sila? Kung maaga kayong magpaplano, madalas kayong makapagpaparating ng mga positibong mensahe kahit tila mahirap itong gawin. Halimbawa, kunwari’y kailangan ninyong pumasok sa trabaho araw-araw bago magising ang mga anak ninyo. Isipin kung gaano magugulat at matutuwa ang isang bata kung gagawa kayo ng maikling sulat sa papel na de-kolor at ididikit ito sa paanan ng kama niya para ito ang una niyang makita pagkagising niya. Maaaring ganito ang isaad sa sulat: “Hi! Mahal ka ni Itay! Magkita tayo sa hapunan. Maglalaro tayo pag-uwi ko!” Ang ganitong uri ng positibong mensahe ay matagal at mabisa ang epekto sa kabutihan.

Sa pamilyang nagtutulungan, napakahalaga ng mga relasyon nila. Magandang ideya na regular na suriin ang kundisyon ng relasyon ng bawat isa sa pamilya. Malay ninyo baka may partikular na pangangailangan ang inyong mga anak na sa anumang kadahilanan ay hindi nasabi sa inyo. Sa pakikinig na mabuti at pagiging sensitibo sa Espiritu, mas malamang na mahiwatigan ninyo ang kalagayan ng inyong mga anak at kung ano ang kanilang mga pangangailangan.

Siyempre, diyan lilitaw ang isang katanungan: kapag natanto ninyo na kailangan ng tulong ng isa ninyong kapamilya sa relasyon niya sa inyo o sa ibang tao, paano kayo tutulong para mapaganda ang sitwasyon? Ang isang natutuhan ko ay na hindi basta-basta gumaganda ang mga relasyon; sa halip, gumaganda ito kapag inuna natin ang paglutas niyon.

Sikaping gugulan ng oras ang relasyon sa hayag na mga paraan. Narito ang ilang bagay na nasubukan ko na maaaring umubra sa inyo: mag-usap-usap; sama-samang maglaro; mag-usap nang sarilinan; magpadala ng mga liham, card, o maikling sulat na nagpapadama ng inyong pagmamahal; magbigay ng papuri; gumawa ng isang bagay na masaya at di inaasahan; sabihing, “Mahal kita”; pakinggan ang taong iyon; magpatulong sa kanya sa isang proyekto; sabihin ang inyong nadarama. Kailangan sa lahat ng ito ang personal ninyong pakikibahagi sa mga ginagawa ng taong iyon. Pagkatapos, pag-usapan ninyong mag-asawa ang inyong mga pagsisikap sa oras ng pag-uusap-usap ng pamilya. Baka magulat pa kayo kung gaano kaepektibo ang inyong mabuting impluwensya.

Sa pamilyang nagtutulungan, aktibong mga guro ang mga magulang. Sina Adan at Eva ang pinakamagandang halimbawa ng mga magulang na mabubuting guro. Halimbawa, “[ipinaalam] nina Adan at Eva … ang lahat ng bagay sa kanilang mga anak na lalaki at babae” (Moises 5:12). Itinuro nila sa kanilang mga anak ang mga alituntunin ng ebanghelyo, tulad ng plano ng kaligtasan at kahalagahan at mga pagpapala ng pagsunod sa mga kautusan. May iisang responsibilidad tayo na ituro sa ating mga anak hindi lamang ang mga kasanayan sa buhay kundi pati na ang ebanghelyo. Kung ipauubaya natin ang espirituwal na pagkatuto ng ating mga anak sa kapalaran o sa ibang tao, malaki ang panganib na hindi nila matutuhan ang mga bagay na tunay na magpapaligaya sa kanila.

Ibig sabihin kailangan nating pag-isipan kung ano ang ating itinuturo at paano tayo nagtuturo. Halimbawa, sa oras ng pag-uusap-usap ng pamilya, maitatanong ninyo, “Ano ang nais nating ituro sa ating pamilya sa susunod na ilang buwan? Paano, kailan, at saan natin gustong ituro ito?” Isiping isulat ang mga sagot bilang mga mithiin ng pamilya at ipaskil ito sa lantad na lugar para maalala ninyo ito. Pagkatapos ay isagawa ang inyong mga mithiin.

Ano pa kaya ang maituturo ninyo? Kahit ano na inaakala ninyong dapat matutuhan ng inyong pamilya. Kabilang sa mga paksa ang paggalang, katapatan, panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, pananalapi at pag-ahon sa pagkakautang, respeto sa isa’t isa sa pamilya, epektibong paggamit ng oras, pagpipigil ng galit, kahalagahan ng edukasyon, at pangangailangang gawin ng lahat ng miyembro ng pamilya ang tungkulin nila sa bahay.

Ang epektibong pagtuturo ay nangyayari din sa labas ng klase o direktang pagtuturo. Ang hindi direktang pagtuturo ay nagaganap kapag nagtuturo kayo nang hindi nagsasalita. Katunayan, maaari ngang wala kayo sa pinangyayarihan ng “pagtuturo”! Halimbawa, nagsasabit ako ng mga larawang sumasagisag sa mga katangian na gusto kong pag-isipan ng aking mga anak, tulad ng larawan ng mga pioneer na naglalakbay sa gitna ng unos ng niyebe para ipahiwatig na huwag sumuko kapag mahirap ang sitwasyon. May 29 din kaming kani-kanyang retrato ng aming mga apo sa istante sa sala ng bahay namin. Kahit walang nakasulat na mga salita sa mga retratong ito, maraming pumupuna sa ipinahihiwatig nito. Talagang nakikita ito ng mga tao. Ipinararating ng mga retrato ang mensahe na ang aming mga apo ay mahalagang bahagi ng aming pamilya.

Sa pamilyang nagtutulungan, namumuno ang mga magulang sa pamamagitan ng halimbawa. Ang mga bata ay laging nakatingin at minamasdan ang ating kilos, alam man natin ito o hindi. Sa tungkulin ko bilang ama, palagi kong sinusuri ang kilos ko sa pagtatanong sa aking sarili, “Masasabi ko ba sa mga anak ko na sundan nila ang halimbawa ko nang hayagan at pribado ?” Kung ang sagot ay hindi, iwinawasto ko ang dapat iwasto.

Narito ang ilang itinatanong ko sa sarili:

  • Nais ko bang maging mapagpasensya ang mga anak ko? Oo, kaya sinisikap kong pagpasensyahan sila hangga’t kaya ko.

  • Nais ko bang mapanatag, magsaya, at maging maligaya sa buhay ang mga anak ko? Oo, dahil naniniwala ako na mahalaga ang mga katangiang ito sa pagkakaroon ng maganda at masayang relasyon. Sinikap kong makipagkatuwaan sa aking mga anak nang madalas hangga’t kaya ko.

  • Nais ko bang magbasa ang mga anak ko ng mga banal na kasulatan at makabuluhang mga aklat? Oo, kaya tinitiyak ko na nakikita nila akong nagbabasa, at binabasahan ko sila.

  • Nais ko bang pahalagahan ng mga anak ko ang relasyon namin sa pamilya? Oo, kaya sila ay aking hinahagkan at niyayakap, nginingitian, pinakikinggan, kinakalaro, at kinukuwentuhan ng mga personal kong karanasan.

Tandaan, nais ng ating mga anak na magpakita ang kanilang mga magulang ng mabuting halimbawa ng isang taong matino ang direksyon sa buhay gayundin sa mga bagay na espirituwal. Tayo bilang mga magulang ay kailangang mamuhay nang marapat sa patnubay ng Espiritu Santo sa lahat ng oras, lalo na kapag mahirap ang sitwasyon.

At sa huli, sa pamilyang nagtutulungan, tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na sumampalataya sa ating Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo. Ang pananampalatayang ito ang magtatatag ng tiyak at matatag na pundasyon sa buhay ng pamilya na hindi mapantayan sa anumang iba pang paraan. Ito ay isa ring utos ng ating Ama sa Langit. Patungkol sa tungkulin natin sa ating mga anak, itinuro ni Haring Benjamin na “tuturuan ninyo silang lumakad sa mga daan ng katotohanan at kahinahunan; tuturuan ninyo silang mahalin ang isa’t isa, at paglingkuran ang isa’t isa” (Mosias 4:15).

Marahil ang pinakamahalagang gagawin natin sa buhay ay ang ituro sa ating mga kapamilya na sumampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo at sundin ang mga kautusan. Nakasaad sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” na, “Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.”1 Turuan ang inyong mga anak ng mga tamang tuntunin sa salita, sa halimbawa, at sa pamamagitan ng Espiritu kapag nagpatotoo kayo sa kanila.

Alalahaning pagpasensyahan ang inyong sarili at ang inyong mga kapamilya. Karaniwa’y gumaganda ang mga relasyon nang paunti-unti, hindi sa loob ng magdamag. Ang pagpapatatag sa kanila ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap. Gayunman, sa pagpupunyagi ninyong magkaroon ng isang pamilyang nagtutulungan batay sa mga turo ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo at ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, mabibigyan ninyo ang inyong pamilya ng napakagandang oportunidad na lalo silang maging malapit sa isa’t isa at harapin ang mga hamon nang higit na nagkakaisa at maligaya.

Tala

  1. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49; Ensign, Nob. 1995, 102.

Turuan ang inyong mga anak ng mga tamang tuntunin sa salita, sa halimbawa, at sa pamamagitan ng Espiritu kapag nagpatotoo kayo sa kanila.

Kaliwa: paglalarawan ni Matthew Reier; kanan: paglalarawan ni Jan Friis, © Henrik Als

Kaliwa: Paglalarawan ni Jan Friis, © Henrik Als; kanan: paglalarawan ni Matthew Reier