Elders, Gusto Ninyong Makisakay?
Matapos ang mahabang araw ng pagmamaneho ng aking bus sa Victoria, Australia, huling biyahe ko na sa gabi, pauwi. Sa daan nakita kong naglalakad ang dalawang binatang bihis-na-bihis. Nagpasiya akong ihinto ang bus at tinanong ko kung gusto nilang makisakay.
Tinanong ko kung bakit sila nakasuot ng mga name tag, puting polo, at kurbata. Ipinaliwanag ng isa sa kanila na sila ay mga misyonero para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nang magtanong ako tungkol sa kanilang gawain, may nadama ako sa bus na kalaunan ay natanto kong Espiritu Santo pala. Nang hilingin kong kuwentuhan pa nila ako tungkol kay Jesucristo, hindi ko maiwasang masabik sa kanilang mga sagot.
Kaya lang ay gabing-gabi na, kaya ibinaba ko ang mga misyonero sa Dandenong. Pagkaraan, nalungkot ako nang matanto ko na hindi ko nakuha ang numero ng telepono nila. Ilang linggo kong ipinagdasal na makita ko silang muli. Nang magmaneho ako ng bus, hinanap ko pa sila. Nagdaan ang mga buwan, at pagkatapos ay may nangyaring di kapani-paniwala noong kaarawan ko, Agosto 19, 2002.
Habang nanananghali kami ng asawa kong si Camelia, may kumatok sa pintuan. Nang buksan niya ito, narinig ko ang pamilyar na mga boses. Iyon ang mga misyonerong nakilala ko sa bus! Pare-pareho kaming nagulat na magkakita-kita. Nagbabahay-bahay sila noon sa kalye namin at humantong sa bahay namin. Nasagot ang aking mga dalangin.
Agad nagsimulang magturo sa amin sina Elder Jason Frandsen at Elder James Thieler. Bago sa amin ang Aklat ni Mormon at si Propetang Joseph Smith, pero madali naming naunawaan ang ebanghelyo dahil Kristiyano naman kami. Hiniling ng mga misyonero na ipagdasal at pagnilayin namin ang pinag-aaralan namin. Nang gawin namin ito, nadama namin ang Espiritu, ang hangaring magsimba, at magpabinyag. Napagpala na kami mula noon.
Ngayon, pagkaraan ng ilang taon, nagmamaneho pa rin ako ng bus, at nagpapasakay ng mga misyonero. Pero ngayon tinutulungan ko na sila sa gawaing misyonero sa pagpapakilala ng mga tao sa kanila at pamimigay ng Aklat ni Mormon at iba pang mga materyal ng Simbahan sa aking mga pasahero.
Hindi maiwasang mapansin ng mga pasahero na napakasaya ko. Kapag nagtatanong sila kung bakit, sinasabi ko lang na, “Ang Panginoon ang dahilan nito. Babaguhin din Niya ang buhay ninyo.”