2009
Hindi Madali
Pebrero 2009


Hindi Madali

… ang maging tanging miyembro ng Simbahan sa aking pamilya. Ngunit talagang hindi ako nag-iisa.

Lumaki ako sa Simbahang Methodist. Kahit karaniwan ay nagsisimba lang ang pamilya namin tuwing Pasko at Linggo ng Pagkabuhay, noon ko pa alam na mayroon akong Ama sa Langit. Dati’y kasama namin ng kapatid kong lalaki si Inay sa pagdarasal. Ang turo sa akin ng mga magulang ko noong bata ako ang naghanda sa akin sa matututuhan ko sa hinaharap.

Noong nasa ikaanim na grado ako nalaman ko na magdidiborsyo ang mga magulang ko. Nalungkot ako nang husto at nadama kong nag-iisa ako. Alam ng kaibigan kong si Courtney ang nadarama ko dahil nagdiborsyo ang mga magulang niya noong maliit pa siya. Naging pinakamatalik ko siyang kaibigan.

Nakaupo kami ni Courtney sa kama ko at nag-uusap nang una niyang banggitin sa akin ang Simbahan. Hindi siya nagdetalye tungkol dito. Tinanong lang niya ako kung gusto kong sumama sa kanyang magsimba sa Linggo. Sumama ako sa kanyang magsimba paminsan-minsan, pagkatapos ay nagsimba na ako tuwing Linggo. Nang mag-12 anyos ako, dumalo pa ako sa Mutual. May nadama akong kakaiba sa simbahan. Hindi ko alam kung ano, pero nasiyahan ako.

Sa ikapitong grado ipinakilala ako ni Courtney at ng isa pang mabuting kaibigan, si Aubrey, sa mga misyonero. Di nagtagal nalaman ko ang ibig sabihin ng mga misyonero kapag binabanggit nila ang pagdama sa Espiritu. Alam kong totoo ang Simbahan pagkaraan ng ikalawang talakayan.

Sa kabila ng patotoo ko sa ebanghelyo, takot na takot akong itanong sa mga magulang ko kung puwede akong magpabinyag. Patuloy akong nagsimba at nagkaroon ng mga pambihirang karanasang nagpapatibay ng patotoo, ngunit ipinagpaliban ko ang “malaking katanungan” nang dalawang taon.

Sa unang taon ko sa hayskul, nag-enrol ako sa seminary, at pagsapit ng Nobyembre alam kong dapat ko na silang tanungin. Kinausap ko si Inay. Sinabi niya sa akin na maganda ang mga pagbabagong nagawa sa akin ng Simbahan, at kung gusto ko talagang magpabinyag, dapat lang na ituloy ko ito. Agad kong naisip na, “Bakit pa ba ako naghintay nang napakatagal?”

Pagkatapos ay tinawagan ko si Itay, pero hindi siya gaanong natuwa. Nang tanungin ko siya kung puwede akong magpabinyag, sumagot siya ng hindi. Gusto raw niyang dumalo muna ako sa iba pang mga simbahan. Kaya dumalo nga ako sa iba pang mga simbahan, at nakilala ko ang ilang kahanga-hangang mga tao—mga taong matwid ang pamumuhay. Ngunit walang nakapagpabago sa nadama ko nang pumasok ako sa kapilya ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noong Pebrero tinawagan ko si Itay at sinabi kong, “Bibinyagan na po ako sa Marso 7. Sana po makapunta kayo.”

Nagpunta ang buong pamilya ko, pati si Itay. Napakahalaga sa akin ng pagdalo ng pamilya ko. Iyon ang pinakapambihirang araw sa buhay ko.

Kung minsan tinatanong ako ng mga tao: “Paano mo ito ginagawa? Paano ka nananatiling matatag sa Simbahan kahit mag-isa ka lang? Walang gumigising sa iyo at pumipilit na magsimba ka o mag-seminary. Mag-isa ka lang.”

Naku, simple lang ang sagot. Hindi ako nag-iisa. Nahirapan ako mula nang mabinyagan ako—hindi madali na ako lang ang miyembro ng Simbahan sa aking pamilya. Ngunit nangako ang Panginoon na hindi Niya tayo iiwang mag-isa (tingnan sa Juan 14:16–18). Mahal na mahal tayo ng Ama sa Langit kaya Niya isinugo si Cristo upang mamatay para sa atin. Paano Niya tayo malilimutan?

Mahirap ang buhay, at naranasan na nating lahat ang mga panahong nadama natin na wala na tayong lakas at mahina ang ating pananampalataya. Ngunit kung kakapit tayo sa Diyos na lubos na nagmamahal sa atin—ang Ama sa Langit—at patatatagin natin ang ating relasyon sa Kanya sa pag-aaral at panalangin, malalampasan natin ito. Nangako ang Panginoon: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).

Detalye mula sa Ang Ikalawang Pagparito, ni Grant Romney Clawson; paglalarawan ni Daniel Lewis