Komentaryo
Lalong Nadarama ang Espiritu
Ako ay isang ina na may dalawang mababait na anak at isang matulunging asawa. Sa mundong ito ng kawalang-katiyakan, talagang makabagong kompas ng pamilya namin ang Liahona. Kapag binabasa namin ang Mensahe ng Unang Panguluhan at iba pang inspiradong mga artikulo sa aming mga family home evening, lalong nadarama ang Espiritu ng Panginoon sa aming tahanan. Dama namin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo at napapanatag at napapayapa kami.
Crisanta Estayo Padilla, Pilipinas
Pagpapakumbaba at Pagpapatawad sa Pagitan ng Mag-asawa
Ang artikulong “Higit na Pagpapahalaga sa Aking Asawa Kaysa sa Aking Sarili” (Ene. 2008) ay nakatulong upang higit kong maunawaan ang aking responsibilidad sa tipan ng kasal. Binasa namin ng nobyo ko ang artikulo, at nagtakda kami ng mga mithiing gawing mahahalagang tuntunin sa aming relasyon ang pagpapakumbaba at pagpapatawad. Naisip kong ikuwadro ang artikulo para maisabit sa magiging bahay namin para lagi naming maalala ang lugod na nadama namin nang basahin namin ang mensaheng ito at pinatibay ang aming pag-iibigan.
Clébi Nascimento, Brazil
Ang Impluwensya ng Liahona
Nabinyagan ako sa Simbahan dahil sa nagbibigay-inspirasyong mga mensahe sa Liahona. Natuklasan ko na nakakaugnay ako sa sinasabi sa atin ng ating mga lider, at sinunod ko ang kanilang payo. Sa ganito nagsimulang lumago ang aking patotoo. Masigla kong binasa ang magasin, na ipinagdarasal na higit na mapasaakin ang Espiritu at makatanggap ako ng tagubilin mula sa itaas.
Sa aking misyon, may dala akong ilang kopya ng magasin at ipinamigay ko ito sa mga investigator at di-gaanong aktibong mga miyembro. Kamakailan ay namigay ako ng mga kopya sa ilang kaibigang gustong magbasa tungkol sa ating mga pinaniniwalaan.
Ako ngayon ang natawag na kinatawan ng Liahona. Mithiin naming magkaroon ng kopya ang bawat miyembro ng aming branch. Ibinibigay namin sa mga bagong binyag ang mga magasing natatanggap namin mula sa distribution center, at lumalago sila sa ebanghelyo at napapamahal sa kanila ang Liahona. Alam ko na itinuturo ng Liahona ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang tungkol sa mapagmahal nating Ama sa Langit. Nagpapasalamat kami sa inspirasyon, katapatan, kasimplihan, at mabuting payo na natatanggap namin sa bawat isyu.
Edison Geovanny Zapata Heredia, Ecuador