2011
Itinanong Nga Ba Niya sa Akin Iyan?
Agosto 2011


Itinanong Nga Ba Niya sa Akin Iyan?

Nakaupo ako at nakatitig at hindi makapaniwala habang hinihintay ni Brother Jarman, miyembro ng branch presidency, ang sagot ko.

Siguro ang gusto niyang sabihin ay titser o tagapayo. Pero hindi. Tama ang narinig ko; tinawag niya ako bilang Relief Society president sa maliit naming branch.

Matagal-tagal akong nakaupo nang walang kakilus-kilos at pinag-iisipan ang aking sitwasyon. Ako ay 27 taong gulang lamang at wala pang asawa. Kalilipat ko lang sa lugar at kasisimula sa bagong trabaho bilang journalist o mamamahayag. Limitado ang karanasan ko sa pamumuno. Naglingkod ako sa ilang tungkulin sa nakalipas na mga taon pero hindi katulad nito.

Tahimik kong tinanong ang aking sarili kung sapat na nga ang edad o kaalaman ko o kung may kakayahan nga akong maglingkod. Ano ang maibibigay ko sa kababaihan ng branch?

Umuwi ako noong gabing iyon, lumuhod sa panalangin, at humingi ng patnubay sa Ama sa Langit. Pagkatapos kong manalangin, agad akong nahikayat na tingnan ang aking patriarchal blessing. Nabasa ko ang pahayag na ito: “Gagampanan mo ang isang gawaing itinalaga sa iyo ngayon, kahit bata ka pa.”

Nang mabasa ko ang mga salitang iyon, naunawaan ko na hindi ito tungkol sa pagiging dalaga, sa edad, o sa magagawa ko. Ito ay tungkol sa kailangang ipagawa sa akin ng Panginoon. Tinanggap ko ang tungkulin.

Sa pamamagitan ng aking tungkulin natulungan ko ang mga tao sa kabila ng pagkakaiba ng aming mga pinagmulan. Ang isang babaeng partikular na itinuro sa akin ng Diyos na paglingkuran ay lagpas na sa 25 ang edad, isang inang walang asawa na may dalawang anak. Agad kong nalaman na magkaiba ang uri ng aming pamumuhay. Hindi ko tiyak kung paano ko siya kakaibiganin, ngunit sa huli ay naging magkaibigan kami.

Sa isa pang pagkakataon nakilala ko ang isang babaeng di-gaanong aktibo. Naalala ko na pumasok ako sa kanyang tahanan sa kauna-unahang pagkakataon kasama ang mga misyonero at batid na mayroon siyang patotoo; kailangan lang niya ng kaunting “paghikayat” para mapalakas ito. Habang nakaupo kami sa sala at nakikinig sa kanya, malakas ang Espiritu at hinikayat kaming magpatotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Nang sumunod na mga buwan nagsimba siya paminsan-minsan. Ngunit patuloy akong inakay ng Espiritu at ibinahagi ko sa kanya ang aking patotoo. Ngayo’y aktibo na siya at naglilingkod sa branch.

Iyon ang ilan sa magagandang pangyayari sa tungkulin, ngunit napakaraming hamon. Mahirap madama na sapat na ang ginagawa ko, na mabalanse ang oras para sa simbahan at trabaho, at madaig ang damdamin ng kakulangan.

Sa huli natanto ko na marami akong nagawa dahil sa tulong ng Espiritu. Na-release na ako sa tungkuling iyon at nakalipat sa ibang lugar na malayo sa lungsod na iyon. Ngunit madalas kong pagnilayan kung paano nakaimpluwensya ang tungkuling iyon sa kababaihan—at sa akin. Dahil dito nalaman ko, bilang isang dalagang miyembro, na may maitutulong ako sa iba habang sama-samang kaming umuunlad sa ebanghelyo. Bagama’t dama ko na hindi ako karapat-dapat para sa tungkulin, masigasig kong ginampanan ito. At nang gawin ko ito, nadama ko ang patnubay ng Diyos at naging karapat-dapat ako sa Kanyang gawain.

Bagama’t maaari tayong mag-alinlangan sa mga kakayahan nating maglingkod sa isang tungkulin sa Simbahan, kilala tayo ng Panginoon. Kung handa tayong maglingkod, gagawin Niya tayong karapat-dapat para sa Kanyang gawain.

Mga paglalarawan ni Bryan Beach

Kapag tinanggap natin ang mga oportunidad na makapaglingkod, makikita natin, tulad ng ipinangako ni Pangulong Monson, na “banal na kabutihan ang darating sa kanila na [mapag]pakumbabang hinahangad ito.”