2012
Isang Ilog ng Kapayapaan
Hulyo 2012


Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo

Isang Ilog ng Kapayapaan

Sa kabila ng aking pagdadalamhati, sumusulong ako na nakataas ang aking ulo na may pananampalataya at pag-asa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Noong araw na namatay ang aming panganay na anak na lalaki sa isang aksidente, nagdulot ito ng malaking sugat sa aking kaluluwa. Gayunman alam kong makaaasa ako sa kapangyarihan ng pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na tutulong sa akin na makayanan ang mabigat na pasanin ng kalungkutan at sakit ng kalooban. Hiniling naming mag-asawa sa aming mga home teacher na bigyan kami ng basbas. Alam namin na bibigyan kami nito ng dagdag na lakas. Ipinangako ng ating Tagapagligtas na hindi Niya tayo iiwang mag-isa (tingnan sa Juan 14:18). Mahigpit kong pinanghawakan ang pangakong iyon at pinatototohanan ko na ginawa rin Niya iyon.

Itinuro ni Isaias na ang Tagapagligtas ay “isang taong sa kapanglawan, at bihasa sa karamdaman” (Isaias 53:3). Kung mayroon mang makatutulong sa atin, alam kong Siya iyon, sa napakapersonal na paraan. Ngunit alam ko rin na kung bigla Niyang kukunin ang ating mga dalamhati, hindi magkakaroon ng pag-unlad, hindi magsisimula ang pag-unawa.

Sa kabila ng sakit ng kalooban, lagi akong nakadarama ng kapayapaan na nagmumula sa Tagapagligtas (tingnan sa 1 Nephi 20:18). Sa mahihirap na mga sandali, mga araw, o kahit mga linggo, napawi ng Kanyang kapayapaan ang aking kalungkutan. Kailangan ko lang hilingin iyon. Ayaw ng Ama sa Langit na mag-isa tayong maglakbay sa mortalidad.

Kapag naiisip ko ang aksidenteng kumitil sa buhay ng aking anak, isang kuwento sa Lumang Tipan ang pumapasok sa aking isipan:

“Ang aming Dios na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin sa mabangis na hurnong nagniningas, at ililigtas niya kami sa iyong kamay, Oh hari.

Ngunit kung hindi, talastasin mo, Oh hari, na hindi kami mangaglilingkod sa iyong mga dios” (Daniel 3:17–18; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang mahalagang bahagi ay “Ngunit kung hindi.” Kailangan tayong manatiling sumasampalataya anuman ang mangyari. Maaari sanang magpadala ng mga anghel ang Ama sa Langit upang buhatin ang aking anak at ilayo sa kapahamakan, ngunit hindi Niya ginawa iyon. Alam Niya kung ano ang makapagpapadalisay sa amin upang maging handa kami sa pagbalik sa Kanya. Magiging maayos ang lahat. Ngunit hindi ibig sabihin niyan ay hindi na tayo muling magdadalamhati o iiyak kailanman. Ang ating pagdadalamhati ay bunga ng ating pagmamahal, ngunit hindi dapat mabagabag ang ating puso.

Ang pinakadakilang regalong maibibigay natin sa mga nasa magkabilang panig ng tabing ay ang sumulong taglay ang napalakas na pananampalataya at pag-asa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, kahit na sa bawat hakbang ay may luhang dumadaloy sa ating mukha. Sapagkat pinangakuan tayo na “hindi nagtagumpay ang libingan, at ang tibo ng kamatayan ay nalulon kay Cristo” (Mosias 16:8). Balang araw “papahirin ng Panginoong Dios ang mga luha sa lahat ng mga mukha” (Isaias 25:8).

Larawang kuha ng © Getty Images