2012
Ang Kahalagahan ng mga Basbas ng Priesthood
Hulyo 2012


Ang Kahalagahan ng mga Basbas ng Priesthood

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1987.

Elder Dallin H. Oaks

Ang basbas ng priesthood ay pagkakaloob ng kapangyarihan sa mga bagay na espirituwal.

Sa isang basbas ng priesthood ginagamit ng isang lingkod ng Panginoon ang priesthood, ayon sa panghihikayat ng Espiritu Santo, upang tawagin ang mga kapangyarihan ng langit para sa kapakanan ng taong binabasbasan. Ang gayong mga pagbabasbas ay iginagawad ng mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood, na humahawak ng mga susi ng lahat ng pagpapalang espirituwal ng Simbahan (tingnan sa D at T 107:18, 67).

Mga Halimbawa ng mga Basbas ng Priesthood

Maraming uri ng basbas ng priesthood. Kapag ibinigay ko ang iba’t ibang halimbawa, alalahanin lamang na ang mga basbas ng priesthood ay makakamtan ng lahat ng nangangailangan nito, ngunit ibinibigay lamang ito kapag hiniling.

Ang mga basbas para sa pagpapagaling ng maysakit ay kasunod ng pagpapahid ng langis, tulad ng nakasaad sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Santiago 5:14–15; Marcos 6:13; D at T 24:13–14; 42:43–48; 66:9). Ang mga patriarchal blessing ay iginagawad ng isang inorden na patriarch.

Ang mga taong naghahangad na magabayan sa isang mahalagang desisyon ay maaaring tumanggap ng basbas ng priesthood. Ang mga taong nangangailangan ng dagdag na espirituwal na lakas para makayanan ang mga personal na pagsubok ay maaaring tumanggap ng basbas. Madalas hilingin ang basbas ng priesthood mula sa mga ama bago lumisan ng tahanan ang mga anak para sa iba’t ibang layunin, tulad ng pag-aaral, paglilingkod sa militar, o mahabang biyahe.

Ang mga basbas na ibinibigay sa mga pagkakataong kalalarawan ko ay tinatawag kung minsan na mga basbas ng kapanatagan o payo. Ang mga ito ay karaniwang ibinibigay ng mga ama o asawa o iba pang mga elder sa pamilya. Maaaring isulat at itago ang mga ito sa mga talaan ng pamilya para sa pansariling espirituwal na patnubay ng mga taong binasbasan.

Ang mga basbas ng priesthood ay ibinibigay rin kaugnay ng ordinasyon sa priesthood o pagtatalaga sa isang lalaki o babae para sa isang katungkulan sa Simbahan. Ito na marahil ang pinakamadalas na mga pagkakataon para magbigay ng basbas ng priesthood.

Marami sa atin ang humihiling ng basbas ng priesthood bago tayo gumanap sa isang bagong responsibilidad sa trabaho. Nakatanggap ako ng gayong basbas maraming taon na ang nakararaan at agad akong napanatag at matagal akong pinatnubayan.

Ang Kahalagahan ng mga Basbas ng Priesthood

Ano ang kahalagahan ng isang basbas ng priesthood? Isipin ang isang binatang naghahandang lisanin ang tahanan upang hanapin ang kanyang kapalaran sa mundo. Kung bibigyan siya ng kanyang ama ng kompas, maaari niyang gamitin ang makamundong kasangkapang ito para mahanap ang daraanan niya. Kung bibigyan siya ng kanyang ama ng pera, maaari niyang gamitin ito para magkaroon siya ng kapangyarihan sa mga makamundong bagay. Ang basbas ng priesthood ay pagkakaloob ng kapangyarihan sa mga bagay na espirituwal. Bagama’t hindi ito nahahawakan o natitimbang, malaki ang maitutulong nito upang madaig natin ang mga hadlang sa landas patungo sa buhay na walang hanggan.

Napakasagradong responsibilidad para sa isang maytaglay ng Melchizedek Priesthood na mangusap para sa Panginoon sa pagbibigay ng basbas ng priesthood. Tulad ng sinabi ng Panginoon sa atin sa makabagong paghahayag, “Ang aking salita ay … matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38). Kung ang lingkod ng Panginoon ay nangusap kapag siya ay pinakikilos ng Espiritu Santo, ang mga salita niya ay “magiging kalooban ng Panginoon, … magiging kaisipan ng Panginoon, … magiging salita ng Panginoon, … [at] ang magiging tinig ng Panginoon” (D at T 68:4).

Ngunit kung ang mga salita sa isang basbas ay kumakatawan lamang sa sariling mga hangarin at opinyon ng maytaglay ng priesthood, at hindi binigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo, kung gayon ay nakadepende ang basbas sa kung kinakatawan ba nito ang kalooban ng Panginoon.

Ang mga karapat-dapat na maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay makapagbibigay ng basbas sa kanilang mga inapo. Nakatala sa mga banal na kasulatan ang maraming gayong pagbabasbas, kabilang na ang kay Adan (tingnan sa D at T 107:53–57), kay Isaac (tingnan sa Genesis 27:28–29, 39–40; 28:3–4; Sa Mga Hebreo 11:20), kay Jacob (tingnan sa Genesis 48:9–22; 49; Sa Mga Hebreo 11:21), at kay Lehi (tingnan sa 2 Nephi 1:28–32; 4).

Sa makabagong paghahayag, iniutos sa mga magulang na miyembro ng Simbahan na dalhin ang kanilang mga anak “sa harapan ng simbahan,” kung saan ang mga elder ay “magpapatong ng kanilang mga kamay sa kanila sa pangalan ni Jesucristo, at babasbasan sila sa kanyang pangalan” (D at T 20:70). Ito ang dahilan kaya dinadala ng mga magulang ang mga sanggol sa sacrament meeting, kung saan binibigyan sila ng isang elder—na karaniwan ay ang ama—ng pangalan at basbas.

Ang mga basbas ng priesthood ay hindi limitado sa mga basbas na sinasambit kapag ipinatong ang mga kamay sa ulo ng isang tao. Ang mga basbas kung minsan ay hayagang ibinibigay sa mga grupo ng mga tao. Binasbasan ng propetang si Moises ang lahat ng anak ni Israel bago siya pumanaw (tingnan sa Deuteronomio 33:1). Si Propetang Joseph Smith ay “nagpahayag ng isang basbas sa kababaihan” na nagtatrabaho sa Kirtland Temple. Binasbasan din niya “ang kongregasyon.”1

Binabasbasan din ng priesthood ang mga lugar. Ang mga bansa ay binabasbasan at inilalaan para sa pangangaral ng ebanghelyo. Ang mga templo at bahay-sambahan ay inilalaan sa Panginoon sa pamamagitan ng isang basbas ng priesthood. Ang iba pang mga gusali ay inilalaan kapag ginagamit ang mga ito sa paglilingkod sa Panginoon. “Maaaring ilaan ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang tahanan bilang sagradong gusali kung saan makakatahan ang Banal na Espiritu.”2 Maaaring mag-iwan ng basbas ng priesthood ang mga misyonero at iba pang maytaglay ng priesthood sa mga tahanang tumanggap sa kanila (tingnan sa Alma 10:7–11; D at T 75:19). Mga kabataang lalaki, hindi magtatagal at mahihilingan kayong magbigay ng gayong basbas. Umaasa ako na espirituwal ninyong inihahanda ang inyong sarili.

Mga Karanasan sa mga Basbas ng Priesthood

Magbabanggit ako ng ilang iba pang halimbawa ng mga basbas ng priesthood.

Mga isandaang taon na ang lumipas, si Sarah Young Vance ay nakapasa sa pagiging komadrona. Bago siya nagsimulang maglingkod sa kababaihan ng Arizona, binasbasan siya ng isang lider ng priesthood na “lagi niyang gagawin ang tama at pinakamabuti para sa kapakanan ng kanyang mga pasyente.” Sa loob ng 45 taon, nakapagpasilang si Sarah ng mga 1,500 sanggol na wala ni isang ina o anak ang nasawi. “Tuwing may mahirap akong problema,” paggunita niya, “may isang bagay na tila laging nagbibigay ng inspirasyon sa akin at kahit paano nalalaman ko ang dapat kong gawin.”3

Noong 1864, tinawag si Joseph A. Young sa isang espesyal na misyon para pangasiwaan ang gawain ng Simbahan sa Silangan. Binasbasan siya ng kanyang ama, si Pangulong Brigham Young, na humayo at bumalik nang ligtas. Sa kanyang pagbalik, nadamay siya sa isang malagim na aksidente sa tren. “Nawasak ang buong tren,” pag-ulat niya, “pati na ang bagon na kinaroroonan ko hanggang sa isang upuan lang na layo sa kinauupuan ko, [ngunit] nakaligtas ako nang walang anumang galos.”4

Kapag binabanggit ko ang mga basbas ng priesthood, napupuno ng alaala ang aking isipan: naaalala ko ang mga anak kong lalaki at babae na humihiling ng mga basbas upang matulungan sila sa pinakamahihirap nilang karanasan sa buhay. Nagagalak ako kapag naaalala ko ang mga pangakong binigyang-inspirasyon at ang lumakas na pananampalataya nang matupad ang mga ito. Nakadarama ako ng pagmamalaki sa pananampalataya ng isang bagong henerasyon kapag naiisip ko ang isang anak, na nag-aalala sa professional examination niya at hindi makapunta sa kanyang ama na nasa malayo, na humiling ng basbas sa pinakamalapit na maytaglay ng priesthood sa kanyang pamilya, ang asawa ng kanyang kapatid. Naaalala ko ang isang nagugulumihanang bata na bagong binyag sa Simbahan na humihingi ng basbas na tulungan siyang baguhin ang masamang takbo ng kanyang buhay. Tumanggap siya ng di-pangkaraniwang basbas na ikinamangha ko nang marinig ko ang mga salitang sinambit ko.

Huwag mag-atubiling humiling ng basbas ng priesthood kapag kailangan ninyo ng espirituwal na lakas.

Mga Tala

  1. Joseph Smith, sa History of the Church, 2:399.

  2. Handbook 2: Administering the Church (2010), 20.11.

  3. Tingnan sa Leonard J. Arrington and Susan A. Madsen, Sunbonnet Sisters: True Stories of Mormon Women and Frontier Life (1984), 105.

  4. Joseph A. Young, sa Letters of Brigham Young to His Sons, inedit ni Dean C. Jessee (1974), 4.

Mga paglalarawan ni Keith Larson