Patotoo ni Thomas
“Ako, ang Panginoon, ay nagbibigay sa inyo ng isang patotoo sa katotohanan” (D at T 67:4).
Family home evening iyon, at may bahaging gagawin ang bawat isa. Si Inay ang conducting. Si Itay ang magbibigay ng lesson. Ang mga bata ang bahala sa panalangin, awitin, at aktibidad—maliban kay Thomas. Sa linggong iyon si Thomas ang nakatakdang magpatotoo, at parang nahihiya siya.
Nakapagpatotoo na noon si Thomas, pero matagal na iyon, at hindi na niya gaanong maalala ang dapat niyang sabihin. Kaya nang matapos ang pambungad na awitin at nakapagdasal na, sumimangot si Thomas.
“Ikaw na,” paalala ni Inay.
Tiningnan ni Thomas sa labas ng bintana ang kanilang punong evergreen, na parang hinihiling na sabihin nito sa kanya ang dapat gawin.
Tinabihan ni Itay si Thomas at itinanong sa kanya kung ano ang problema.
“Hindi ko po alam kung ano ang patotoo,” marahang sagot ni Thomas.
“Sige, tuturuan kita,” sabi ni Itay. “Pagsasabi ito sa amin ng ilang bagay na alam mong totoo o pinaniniwalaan. Puwede mong sabihin kung bakit gusto mong magbasa ng mga banal na kasulatan. Laging nakatutulong iyan na madama mo ang Espiritu.”
Pero hindi ramdam ni Thomas na handa na siya. Nakatingin sa kanya ang lahat, hinihintay ang anumang gagawin niya. Umiling siya. “Hindi ko po kaya. Hindi ko alam kung ano iyon.”
Tinapik-tapik ni Itay si Thomas sa braso. “Ayos lang iyan. Sa susunod na lang.”
Nang gabi ring iyon naupo si Thomas sa kama hawak ang kanyang Aklat ni Mormon. Tama si Itay—ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay talagang laging nagpapaganda ng pakiramdam niya. Sinikap niyang magbasa ng isang kabanata kada araw, pero pahaba nang pahaba ang mga kabanata. Binuklat niya ang kanyang mga banal na kasulatan sa 1 Nephi 17.
“Ang haba nito!” bulong ni Thomas. Nagdasal siya sa Ama sa Langit na tulungan siya. At nagulat siya na napakabilis lumipas ng oras.
Bago pa man pinatay ni Thomas ang ilaw, pumasok si Itay para magsabi ng good night.
“Alam ninyo, Itay?”
“Ano ‘yon, anak?”
“Hindi po ako nagbasa ng mga banal na kasulatan sa buong linggo kasi ang hahaba ng mga kabanata. Pero nito pong gabi gusto ko talagang magbasa, kaya nagdasal ako, at tinulungan ako ng Ama sa Langit. Binasa ko ang buong kabanata. at parang limang minuto lang iyon. Nakatulong po ang pagdarasal.”
“Thomas, alam mo ba kung ano ang kasasabi mo lang?” nakangiting tanong ni Itay. “Nagbahagi ka ng patotoo mo!”
“Talaga po?” tanong ni Thomas. “Ano po ang ibig ninyong sabihin?”
“Nang magsalita ka tungkol sa pagdarasal at paano ito nakatulong sa iyo—nagpapatotoo ka tungkol sa pagdarasal.”
Napanganga si Thomas sa pagkagulat. Inisip niya ang lahat ng pagkakataong naturuan siya ng mga tao tungkol sa patotoo. Natanto niya na nagawa niyang magpatotoo!
Napakasaya ni Thomas na parang gusto niyang tumawa. Niyakap niya si Itay.
“Wow, nagawa ko rin!” sabi ni Thomas. “Itay, puwede po ba akong magpatotoo sa family home evening sa susunod na linggo? Alam ko pong hindi ako ang nakaiskedyul, pero gusto ko pong magsalita tungkol sa panalangin.”
“Palagay ko magandang ideya iyan,” sabi ni Itay.
Pag-alis ni Itay ng silid, inisip ni Thomas ang lahat ng nangyari sa araw na iyon. Ipinagpasalamat niya ang pamilya, mga banal na kasulatan, panalangin, at marami pang iba. Noon mismo, lubos niyang ipinagpasalamat na mayroon siyang patotoo. Alam niya kung paano magbahagi nito at ano ang ibig sabihin nito.