Ang Tekstong Ito ay Hebreo
Derk Palfreyman, Utah, USA
Pagkatapos mabasa ang Lumang Tipan ilang taon na ang nakararaan, naging interesado ako sa mga turo nito, lalo na sa mga isinulat ni Isaias, at patuloy kong pinag-aralan ito. Noong 2010, nakatabi ko sa upuan sa eroplano ang isang Jewish rabbi. Kinausap ko siya sa pamamagitan ng pagtatanong tungkol sa ilang talata sa Aklat ni Isaias. Habang patuloy kaming nag-uusap, natalakay namin ang kahalagahan ng awtoridad ng priesthood ayon sa Lumang Tupan.
Itinanong sa akin ng rabbi kung saan nakuha ng mga miyembro ng aking simbahan ang kanilang awtoridad ng priesthood. Sinamantala ko ang pagkakataong sabihin sa kanya ang tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith at ang panunumbalik ng Aaronic at Melchizedek Priesthood. Tinalakay namin ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon at ang layunin nito bilang “Isa Pang Tipan ni Jesucristo.”
Naging interesado ang rabbi. Itinanong niya kung ilang taon si Joseph nang matanggap nito ang Unang Pangitain. Nang sabihin ko sa kanya na 14 na taong gulang si Joseph, halos kaedad ni Samuel sa Lumang Tipan, tumugon siya na maraming propeta ang tinawag sa kanilang kabataan. Sinabi niya na naaayon lamang na tawagin ng Diyos si Joseph Smith sa kanyang kabataan.
Binuklat ko ang aking mga banal na kasulatan, at sabay naming binasa ang mga patotoo ng Tatlo at Walong Saksi. Sinabi ko sa kanya na ilan sa mga saksi ay umalis sa Simbahan ngunit wala ni isa man sa kanila ang nagkaila na nakita nila ang mga laminang ginto.
“Paano nila nagawang umalis sa Simbahan matapos makita ang isang anghel at ang mga lamina?” tanong niya.
“Naalala kong gumawa ang mga anak ni Israel ng isang ginintuang guya di-kalaunan matapos nilang masaksihan ang paghati sa Red Sea,” sagot ko.
Binuklat niya ang 1 Nephi at binasa ito. Tumigil siya at sinabing, “Ang tekstong ito ay Hebreo.”
Ipinaliwanag niya kung bakit ang teksto ay parang Hebreo na isinalin sa wikang Ingles. Sinabi ko sa kanya na ang aklat ay isinulat ng isang lipi ng Israel. Tinukoy ko ang Ezekiel 37:15–20, na bumabanggit sa tungkod ng Juda at sa tungkod ng Jose. Sumang-ayon kami na ang tungkod ng Juda ay kumakatawan sa Biblia, at ipinaliwanag ko na ang tungkod ng Jose ay ang Aklat ni Mormon.
Matapos ang tatlong oras naming pag-uusap, gusto ng rabbi na magkaroon ng kopya ng Aklat ni Mormon. Nang makauwi ako, pinadalhan ko siya ng kopya na sinulatan ko ng aking patotoo. Nagpapasalamat ako na dahil sa pagsisikap kong pag-aralan ang Lumang Tipan ay naging handa akong talakayin ang mga banal na kasulatan at ibahagi ang aking patotoo sa bago kong kaibigan, na isang rabbi.