2012
Ang Kapangyarihan ng Priesthood
Hulyo 2012


Mga Kuwento mula sa Kumperensya

Ang Kapangyarihan ng Priesthood

President Thomas S. Monson, “Handa at Karapat-dapat na Maglingkod,” Liahona, Mayo 2012, 67, 68.

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa mga unang buwan ng 1944, isang karanasan tungkol sa priesthood ang nangyari [at] ito ay inulat ng isang reporter—na hindi miyembro ng Simbahan—na nagtatrabaho sa isang pahayagan sa Hawaii. … Siya at ang iba pang [mga] reporter ay nasa pangalawang grupong sumunod sa mga marino sa Kwajalein Atoll. Habang papalapit sila, napansin nila ang isang batang marino na nakadapang lumulutang sa tubig, na malubhang nasugatan. Ang mababaw na tubig sa palibot niya ay pulang-pula dahil sa kanyang dugo. Pagkatapos ay napansin nila ang isa pang marino na papunta sa kasamahang sugatan. May sugat din ang pangalawang marino, nakalaylay ang kaliwang kamay sa kanyang tagiliran. Iniangat niya ang ulo ng kasama na palutang-lutang para hindi ito tuluyang malunod. Balisa siyang humingi ng tulong. Tiningnang muli ng mga reporter ang lalaking kanyang inaalalayan at sinabi, “Iho, wala na tayong magagawa sa binatang ito.”

“Pagkatapos,” ayon sa isinulat ng reporter, “may nasaksihan ako na noon ko lang nasaksihan.” Ang lalaking ito, na malubha ring nasugatan, ay nakabalik sa baybayin akay-akay ang tila wala nang buhay na kasamahan. “Ipinatong niya sa kanyang tuhod ang ulo ng kasamahan. … Kamangha-mangha ang tagpong ito—dalawang kabataang malubhang nasugatan—parehong … marangal at kalugud-lugod pagmasdan sa kabila ng kalunus-lunos na kalagayan. At nagyuko ng ulo ang isa at sinabing, ‘Iniuutos ko sa iyo, sa pangalan ni Jesucristo at sa kapangyarihan ng priesthood, na manatili kang buhay hanggang sa makakuha ako ng tulong.’” Ganito tinapos ng reporter ang kanyang artikulo: “Kaming tatlo, [ang dalawang marino at ako] ay narito ngayon sa ospital. Hindi alam ng mga doktor [kung paano sila nakarating nang buhay], pero alam ko.”

Mga Tanong na Pag-iisipan

  • Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga Banal sa mga Huling Araw sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood?

  • Paano nagkakaugnay ang pananampalataya at priesthood—para sa mga mayhawak ng priesthood at sa mga tumatanggap ng mga pagpapala?

Isiping isulat ang inyong mga ideya sa inyong journal o talakayin ang mga ito sa iba.