2012
Huwag Kang Susuko
Hulyo 2012


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Huwag Kang Susuko

Ikinuwento ng isang mag-asawa ang kanilang pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo—na 35 taon ang pagitan.

Ang Kuwento ng Babae

Sa loob ng 35 taon umasa ako at naghintay na maging miyembro ng Simbahan ang aking asawa. Ang matagal na panahong iyon ay puno ng mga taimtim na panalangin, ngunit may tatlong hindi malilimutang panalanging nagpabago sa aking karanasan.

Ikinasal kami ni Al noong 1959. Pagkaraan ng sampung taon may tatlong anak na kami at nakatira sa isang munting bayan sa Canada. May construction business si Al noon, at ako naman ay nasa bahay lang at tumutulong sa negosyo paminsan-minsan. Tuwing Sabado’t Linggo, nagpa-party kami ni Al kasama ang aming mga kaibigan, at laging may inuman. Lasenggo ang tatay ko noon, kaya nainis ako na naging malaking bahagi ng buhay namin ang pag-inom ng alak, pero iyon na ang naging paraan namin sa pakikihalubilo.

Noong taong iyon, 1969, natanto kong walang patutunguhan ang aking buhay at na higit pa sa naibibigay namin ang dapat na matanggap ng aming mga anak. Isang gabi pagkatapos ng isa pang pag-iinuman, lumuhod ako at nagdasal, “Mahal na Diyos, kung nariyan po Kayo, pakitulungan po Ninyo akong baguhin ang aking buhay.” Nangako ako sa Kanya na hindi na ako muling iinom ng alak, isang tapat na pangakong iginalang ko na mula noon.

Iyon ang unang hindi malilimutang panalangin, at mabilis iyong nasagot. Ang anak na babae ng hipag ko, na pamangkin ko, ay inanyayahang dumalo sa Primary kasama ang isang kaibigang Banal sa mga Huling Araw. Habang nadaragdagan ang kaalaman ng hipag ko tungkol sa Simbahan, nadama niya na dapat niya akong padalhan ng suskrisyon sa mga magasin ng Simbahan, na dumating sa loob ng isang buwan matapos kong bigkasin ang unang panalanging iyon. Hindi ko alam noon kung ano ang isang Mormon, ngunit nagustuhan ko ang mga mensaheng nilalaman ng mga magasin at binasa ko nang buo ang mga ito. Nagpasiya akong siyasatin ang Simbahan at doon ko natagpuan ang kasagutan. Talagang nagbagong-buhay ako, at nabinyagan ako noong Hunyo 19, 1970.

Hindi magkatulad ang mga hangarin namin ni Al. Gusto niya ang dati naming pamumuhay at ipinagpatuloy niya ito. Patuloy siyang naging mabuting asawa, ama, at tagatustos ng aming mga pangangailangan, ngunit nang sumunod na 35 taon, kapag ebanghelyo ang pag-uusapan, mag-isa lang ako.

Pinalalaki ko noon ang aming mga anak sa Simbahan, ngunit sa loob ng ilang taon, nagpasiya ang aming mga anak na gugulin ang kanilang mga Linggo sa pamamangka kasama ng kanilang ama sa halip na sumama sa aking magsimba. Nanlumo ako. Isang araw noong 1975 kinausap ko ang aking stake president at sinabi sa kanya na kailangan kong iwan ang Simbahan dahil winawasak nito ang aming pamilya. Matiyaga siyang nakinig at sinabi niya, “Gawin mo ang kailangan mong gawin, ngunit tiyakin mong papayag ang inyong Ama sa Langit sa gagawin mo.” Kaya’t umuwi ako at nag-ayuno at nanalangin. Iyon ang ikalawang hindi malilimutang panalangin. Ang naging sagot ay ako ang kawing na nag-uugnay sa ebanghelyo sa aking pamilya; kung sisirain ko ang kawing na iyon, lahat kami ay maliligaw. Alam kong galing sa Diyos ang sagot na iyon, kaya’t nangako ako na hindi ko iiwan kailanman ang Simbahan. At hindi ko nga ito iniwan.

Hindi madali ang manatiling tapat, ngunit may ilang bagay na nakatulong sa akin upang mapanatili ang aking pananampalataya at matiyagang umasa sa araw na muling isasaalang-alang ni Al ang ebanghelyo:

  • Noon pa man ay mahal na mahal ko na si Al at ginawa ko ang lahat para alagaan siya at maging isa akong mapagtaguyod at tapat na asawa.

  • Nagdasal ako palagi. Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ang naging mga kasama ko sa ebanghelyo. Nang mahirapan akong pakisamahan si Al dahil hindi niya ipinamumuhay ang mga pamantayan ng ebanghelyo, nakipag-usap ako sa Ama sa Langit at nakilala ko ang aking Tagapagligtas.

  • Regular kong binasa ang aking mga banal na kasulatan at bawat lathalain ng Simbahan na mahawakan ko, kabilang na ang Ensign. Dalawang talata sa banal na kasulatan, ang 3 Nephi 13:33 at Doktrina at mga Tipan 75:11, ang lalong naging makahulugan at umantig sa akin. Binigyan ako nito ng lakas at tiyaga habang naghihintay sa pagbabago ng puso ng aking asawa at mga anak.

  • Tapat akong nagsimbang mag-isa hanggang sa magbalik ang bawat isa sa aming mga anak. Aktibo silang lahat ngayon. Noong malaki na sila at umalis na sa aming tahanan, patuloy akong nagsimbang mag-isa.

  • Nagdaos kami ng mga family home evening nang hindi nalalaman ni Al na iyon na ang ginagawa namin. Nagbabanggit ako ng isang paksa habang kumakain kami, at iyon na ang pag-uusapan ng aming pamilya.

  • Sinikap kong maging masunurin at gawin ang tama sa tuwina.

  • Nagkaroon ako ng dagdag na kapangyarihan sa paghiling ng mga basbas ng priesthood.

  • Humingi ako ng payo sa mga lider ng priesthood.

  • Itinuring kong pamilya ang mga kaibigan ko sa Simbahan.

  • Pumasok ako sa templo at tumanggap ng aking endowment. Maraming taon ang lumipas bago ko nagawa ang desisyong iyon; natakot ako na baka lalo akong mahirapang pakisamahan si Al. Sa huli, nalaman kong iyon ang pinakamainam na desisyon para sa akin. Sinuportahan iyon ni Al, naging maligaya ako dahil dito, at matapos matanggap ito, hindi ko na maidahilan si Al para hindi ako magpunta sa templo. Kapag nakikibahagi ako sa pagsamba sa templo, madalas kong ilagay ang pangalan ni Al sa prayer roll.

Sa kabuuan, patuloy akong namuhay bilang tapat na miyembro ng Simbahan. Naghanap ako ng maliliit na paraan upang maibahagi sa kanya ang ebanghelyo, kahit na karaniwan ay ayaw niyang marinig ito. Ngunit nalaman ko na bibigyang-inspirasyon ako ng Espiritu Santo na sabihin ang nararapat sabihin at ang tamang paraan at pagkakataong ibahagi ang mga ito. Nalaman ko kalaunan na dahil sa aking katapatan at pangako sa kanya, paulit-ulit na inantig ng Espiritu si Al.

Pumayag pa siyang makinig sa mga ituturo ng misyonero sa ilang pagkakataon. Ngunit sa bawat pagkakataon, nasasaktan ako dahil lagi siyang bumabalik sa dati niyang pamumuhay. Gayunman, kahit sa nakapanghihinang mga sandaling tulad nito, binantayan ako ng Ama sa Langit at ibinigay ang hindi napasaakin sa iba pang mga pagpapala. Alam ko noon pa man na may isang bagay sa kalooban ni Al na sulit hintayin.

Unti-unting nagbago si Al. Tumigil na siya sa pagsasalita ng masama. Tumigil na siya sa pag-inom ng alak. Mas maganda na siyang makitungo sa akin kaysa rati. Nagsimula na siyang magsimba.

At patuloy akong nagdasal.

Ang pambihirang sagot sa ikatlo kong panalangin na hindi malilimutan ay dumating noong Abril 2005. Inisip ko noon kung tatanggapin nga ni Al ang ebanghelyo ni Jesucristo—medyo nawawalan na ako ng pag-asa. Nagsumamo ako sa Ama sa Langit at humingi ng tulong sa Kanya. Iyon na nga siguro ang tamang sandali dahil pagsapit ng Hulyo 9, nabinyagan si Al.

Bagaman hindi madali ang umabot sa puntong ito, nagpapasalamat akong masaksihan ang kagila-gilalas na kapangyarihan ng Diyos na turuan ang pusong hindi naniniwala na matutong maniwala. Alam ko na dininig Niya at sinagot ang maraming panalangin ko sa loob ng mahigit 35 taon. Dahil sa Kanyang mga sagot, kapiling ko ngayon ang isang taong nagbago, isang taong nagmamahal sa ating Ama sa Langit na katulad ko. At mas mahal namin ang isa’t isa ngayon kaysa noon.

Alam kong may iba pang mga miyembro ng Simbahan na naghihintay, umaasa, at nagdarasal na sumapi sa Simbahan ang isang mahal sa buhay. Nais kong hikayatin ang mga kapatid na ito na tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas na “lumapit sa akin” (Alma 5:34) para sa kanilang sarili at hindi lamang para sa kanilang mga mahal sa buhay. Alam ko batay sa karanasan na ang paggawa nito ay magbibigay ng lakas na hindi maibibigay ng iba. Ang pananatiling malapit sa Ama sa Langit, pagsunod sa Kanyang mga kautusan, at pagtatamasa ng mga pagpapala sa kasalukuyan ay naghahatid ng kaligayahan at tinutulutan Siyang kumilos sa pamamagitan natin.

Pinatototohanan ko na dinirinig ng Diyos ang ating mga panalangin. Ang paghihintay sa Panginoon at pagtanggap sa Kanyang takdang panahon nang may pananampalataya ay hindi madali, ngunit alam ko na laging tama ang Kanyang takdang panahon.

Ang Kuwento ng Lalaki

Sa loob ng 35 taon maraming tao ang nagtalakay ng ebanghelyo sa akin. Hindi pinalampas ng aking asawa ang mga pagkakataong pag-usapan ito, at buong talino niyang iniiwan ang Aklat ni Mormon at magasing Ensign sa lugar na madali ko itong makita. Siyempre, hindi ko dinampot ang mga ito kahit kailan. Maraming beses niyang inanyayahan ang mga misyonero; mga dalawa o tatlong magkompanyon pa nga ang nagturo sa akin ng mga missionary lesson.

Kung gayon, ano ang humahadlang sa akin noon na magpabinyag?

Lagi akong may dahilan noon. Ginagabi ako sa trabaho. Hindi ko nakita na magkakaroon pa ako ng panahon para sa ebanghelyo. Masyado akong abala sa paghahanapbuhay. Kaya’t sinabi ko kay Eva, “Kapag hindi na ako masyadong abala at marami na akong oras, babasahin ko ang Aklat ni Mormon.”

Pero hindi ko ginawa iyon kahit kailan. Bukod pa rito, hindi naman ako palabasa, at nang subukan kong basahin ang Biblia, wala akong maintindihan. Kaya’t doon nagtapos iyon.

May isa pang humadlang sa akin sa pagsapi sa Simbahan, na mas mabigat: ang makasalanan kong pamumuhay. Itinuro sa atin ni Haring Benjamin na “ang likas na tao ay kaaway ng Diyos … maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu” (Mosias 3:19). Hindi ko iyon binigyan ng daan—hindi ako makapagdesisyon. Sinabi ng Tagapagligtas, “Ang hindi sumasa akin ay laban sa akin” (Mateo 12:30). Natanto ko ngayon na dahil sa uri ng aking pamumuhay, kinakalaban ko Siya. Kinailangan kong magbago.

Iniikutan ko lang ang ebanghelyo pero hindi ko talaga ipinamumuhay ito, at sa paglipas ng panahon, nadarama ko na ang Espiritu. Tumigil ako sa pagdalo sa mga party at pag-inom ng alak. Nang gawin ko ang pagbabagong iyon, mas madalas ko nang nadarama ang Espiritu. Wala pa rin ako sa dapat kong kalagyan—hindi maganda ang pananalita ko at may ilan akong pag-uugali na kailangan kong alisin—pero nagbabago na ako.

At isang araw nakatanggap ako ng isang pakete. Galing iyon sa isa sa mga anak ko, si Linda. Naglalaman iyon ng Aklat ni Mormon at Biblia na maraming minarkahang mga talata. Sinulatan din niya ako kung saan sinabi niya sa akin kung gaano niya ako kamahal at gusto niyang malaman ko ang nalalaman niya.

Isinulat niya, “Ang tanging paraan para malaman kung totoo ang ebanghelyo ni Jesucristo ay magtanong nang may tapat na puso at tunay na layunin.”

At nagbahagi si Linda ng mga talata ng banal na kasulatan na umakay sa akin tungo sa panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

“Ang tanging paraan na nakilala ko ang aking Tagapagligtas at Ama sa Langit,” pagsulat niya, “ay sa pananalangin at pagbabasa tungkol sa Kanila sa mga banal na kasulatan.”

At inilarawan niya kung gaano kahalaga ang magpakumbaba, at kung paanong hindi siya mapapayapa kung wala ang Diyos sa kanyang buhay. Sa huli, isinulat niya, “Huwag na po kayong magpaliban pa. Marami na pong naibigay sa inyo. Panahon na para kayo naman ay magbigay sa Ama sa Langit. Ito lang po ang paraan para tunay na lumigaya.”

Wala na akong maidahilan pa. Kakaunti na ang trabaho, at may libre na akong oras. Kaya’t sinimulan kong basahin at pag-aralan ang mga banal na kasulatang ibinigay niya sa akin, na nagbigay sa akin ng hangaring basahin ang buong Aklat ni Mormon. Ngunit napakaraming bagay pa ring hindi ko naunawaan.

Sa panahong ito ay dumadalo na ako sa sacrament meeting dahil sinabi ng asawa ko na maganda kung sasama ako at uupo sa kanyang tabi. Iminungkahi rin niyang basahin ko ang Doktrina at mga Tipan. Ginawa ko, at mas naunawaan ko ito. Pagkatapos, sa tulong ng aking asawa, binasa ko ang Aklat ni Mormon at nadama kong parang buhay ang mga tauhan sa mga banal na kasulatan. Sa pamamagitan ng maraming panalangin, nadama ko na ang impluwensya ng Espiritu.

Ano ang nagpabago sa akin? Ang Banal na Espiritu at ang kaalaman tungkol sa mga banal na kasulatan. Kapwa ito nagbigay sa akin ng lakas ng loob na baguhin ang aking buhay at hilingin sa Diyos na patawarin ang aking mga kasalanan, na siyang pumigil sa akin talaga sa pagsapi sa Simbahan sa nagdaang mga taon.

Nahirapan akong mabuti na ipagtapat ang aking mga kasalanan. Nagdulot ito ng matinding sakit sa akin kaya’t tatlong araw akong nakahiga sa kama na puno ng dalamhati. Ngunit sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ako ay napatawad. Pagkatapos ay binigyan ako ng Ama sa Langit ng lakas na bumangon at magbagong-buhay.

Bininyagan ako ng anak kong si Kevin noong Hulyo 9, 2005. Dumalo ang isa sa mga misyonerong nagturo noon sa asawa ko. Pagkaraan ng dalawang taon dinala ko ang pamilya ko sa San Diego California Temple upang mabuklod para sa panahong ito at sa kawalang-hanggan.

Ang huling pitong taon ang pinakamaliligayang taon ng aking buhay. Sa wakas ay mapamumunuan ko ang aming pamilya bilang patriarch at espirituwal na lider at maibabahagi ko ang ebanghelyo sa aking asawa, sa aming mga anak, at sa aming siyam na apo. Ang pagkakaisa ng pamilya ay nagbigay ng espirituwal na lakas sa bawat isa. Isang manugang na lalaki ang sumapi sa Simbahan, at apat sa aming mga apo ang nakapagmisyon na o kasalukuyang nasa misyon. Ang bagong buhay ko sa Simbahan ay isang himala. Wala akong kaalam-alam na malaking kaligayahan at pag-unlad ang idudulot nito sa akin.

Lubos ang pasasalamat ko sa ikalawang pagkakataong ito. Nagpapasalamat akong makabawi sa mga taon na nawala sa pamamagitan ng paggawa ng gawain ng Diyos.

Habang binabasa ko ang liham ng aking anak, natanto kong wala na akong maidahilan pa.

Malaking kaligayahan ang dumating sa aming buhay dahil nagkakaisa kami sa ebanghelyo.

Mga paglalarawan ni Craig Dimond