2012
Walang Bahid-Dungis mula sa Sanlibutan
Hulyo 2012


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Walang Bahid-Dungis mula sa Sanlibutan

Nagtaka ako kung bakit ako nasa templo para maglinis gayong wala namang marumi rito. Pero natanto ko kaagad na hindi naman paglilinis ang talagang dahilan.

Ilang taon na ang nakalilipas, dumating ako sa Bountiful Utah Temple para gawin ang tungkulin kong maglinis doon sa hatinggabi. Maraming dumating para maglinis, at sandali akong nag-isip kung pauuwiin ang ilan. Handang-handa akong magboluntaryong umuwi nang mas maaga. Pagkatapos ay pakutya kong sinabi sa sarili, “Siyempre hindi nila tayo pauuwiin nang maaga. Hahanap sila ng maipapagawa sa ating lahat, sa pag-aakalang tungkulin nilang panatilihin tayo rito nang buong dalawang oras.” Naalala ko ang dating ipinagawa sa akin na nagpunas ako ng alikabok nang mahigit isang oras, para lang isauli ang pamunas nang kasinglinis na tulad noong ibigay ito sa akin. Inihanda ko ang sarili ko na maglaan ng dalawang oras sa paglilinis ng mga bagay na mukhang hindi naman kailangang linisin. Malinaw na pumunta ako sa templo nang gabing iyon dahil sa tungkulin at hindi dahil sa hangaring maglingkod.

Dinala ang grupo namin sa isang maliit na chapel para sa isang debosyonal. May sinabi ang custodian na nangasiwa sa debosyonal na magpapabago magpakailanman sa pananaw ko sa mga atas na linisin ang templo. Matapos niya kaming malugod na tanggapin, ipinaliwanag niya na naroon kami hindi para linisin ang mga bagay-bagay na hindi na kailangang linisin kundi para hindi hayaang marumihan ang bahay ng Panginoon kailanman. Bilang mga tagapangalaga ng isa sa mga pinakasagradong lugar sa mundo, responsibilidad natin na panatilihin itong walang bahid-dungis.

Tumagos sa puso ko ang kanyang mensahe, at tumuloy na ako sa iniatas sa aking linisin nang may panibagong sigla na pangalagaan ang bahay ng Panginoon. Ginugol ko ang oras gamit ang malambot na brotsa, at pinalisan ko ng alikabok ang kasuluk-sulukan ng mga poste ng pintuan, mga gilid sa ibaba ng dingding, at mga paa ng mga mesa at silya. Kung naibigay sa akin ang atas na ito noong una akong pumunta, baka naisip ko pang pagpagan na lang nang pagpagan ang mga lugar para lang magmukha akong abala. Pero sa pagkakataong ito, siniguro kong nalinis ng brotsa ang pinakamaliliit na siwang.

Dahil hindi naman nakakapagod ni kailangan pang pag-isipan ang gawaing ito, nagkaroon ako ng panahong magnilay-nilay habang naglilinis. Una kong natanto na hindi ko kailanman binigyang-pansin ang gayon kaliit na mga detalye sa sarili kong tahanan kundi nililinis ko lang ang mga lugar na unang makikita ng iba, at nakaligtaan ko ang mga lugar na kami lang ng mga kapamilya ko ang nakakaalam.

Sumunod kong natanto na may mga pagkakataon na ipinamuhay ko ang ebanghelyo sa gayong paraan—ipinamumuhay ang mga alituntuning iyon at ginagampanan ang mga tungkuling pinakalantad sa mga nasa paligid ko samantalang binabalewala ko ang mga bagay na tila kami lang ng pamilya ko ang nakakaalam. Nagsimba ako, tumanggap ng mga tungkulin, ginampanan ko ang mga ito, bumisita ako sa mga miyembro—lahat ng ito ay kitang-kita ng mga miyembro ng aming ward—ngunit nakaligtaan kong dumalo sa templo nang regular, mag-aral ng mga banal na kasulatan at magdasal mag-isa at kasama ang pamilya, at magdaos ng family home evening. Nagturo ako ng mga aralin at nagsalita sa simbahan ngunit kung minsan ay kulang ang tunay na pag-ibig sa kapwa sa puso ko pagdating sa pakikipag-ugnayan sa iba.

Nang gabing iyon sa templo, sinuri ko ang brotsa sa aking kamay at itinanong ko sa sarili, “Ano ang maliliit na siwang sa aking buhay na kailangang mas pagtuunan ng pansin?” Nagpasiya ako na sa halip na planuhing paulit-ulit na linisin ang mga bahagi ng buhay ko na kailangang pagtuunan, mas pagsisikapan kong huwag hayaang marumihan ang mga ito.

Naaalala ko ang aral na natutuhan ko sa paglilinis ng templo tuwing pinapaalalahanan tayong panatilihin ang ating sarili na “walang bahid-dungis sa sanglibutan” (Santiago 1:27).