Ang Lakas ng Ating Pamana
Mula sa mensahe sa isang fireside na ibinigay noong Agosto 3, 1980, sa Brigham Young University. Para sa buong teksto sa Ingles, bisitahin ang speeches.byu.edu.
Ang pananampalatayang tulad ng sa mga pioneer ay kailangan din sa mundo ngayon tulad sa anumang panahon.
Noon pa man ay sabik na akong makinig sa mga kuwento tungkol sa mga pioneer. Kapitbahay lang namin ang lola ko noong bata pa ako. Sa edad na walo halos buong kapatagan ay nilakad niya patawid. Marami siyang naaalalang mga karanasan ng mga pioneer para manatili akong namamangha nang ilang oras habang nakaupo ako at nakikinig sa kanya.
Noon pa man ay isa na si Pangulong Brigham Young (1801–77) sa mga hinahangaan ko. Ang mga sagot niya sa mga problema ay simple at mahalaga at napakinabangan ng mga tao. Hangang-hanga ako sa kanyang kasigasigan at sigla nang pamunuan niya ang mga Banal pakanluran.
Nang makita na napakalaking gastos nang ilipat sa Utah ang mga bagong binyag sa Simbahan mula sa Europa, inilahad ang ideya kay Pangulong Young na gumamit sila ng mga kariton para tawirin ang kaparangan. Agad nakita ni Pangulong Young ang buting idudulot nito, hindi lamang sa halagang matitipid kundi maging sa pisikal na pakinabang nito sa mga tao na lalakad nang ganoon kalayo at darating sa Salt Lake Valley na malakas at masigla pagkatapos ng gayong karanasan. Sabi niya:
“Kami’y umaasa [tiwala] na ang gayong paglalakbay ay magiging mas mabilis kaysa ibang paraan. Dapat ay mayroon silang ilang magagandang bakang gagatasan, at ilang bakang madadala at makakatay kapag kailangan. Sa ganitong paraan ang gastos, panganib, pagkawala at pagkalito ng mga grupo ay mahahadlangan [maiiwasan], at ang mga banal ay mas hindi mababagabag, magdadalamhati at mangamamatay na siyang sanhi ng pagkakalibing ng napakarami sa ating mga kapatid sa alabok.
“Iminumungkahi namin na magpadala ng kalalakihang may pananampalataya at karanasan, na naturuan nang wasto, sa isang lugar kung saan mabibigyan sila ng mga gamit upang maipatupad ang mga mungkahi sa itaas; kung gayon, ipaunawa sa mga banal, na nagbabalak mandayuhan sa susunod na taon, na inaasahan silang maglakad at hilahin ang kanilang mga bagahe patawid sa kapatagan, at na sa ganitong paraan lamang sila tutulungan ng [Perpetual Emigrating] fund.”1
Sa pagitan ng 1856 at 1860 matagumpay na nalakbay ng ilang libong Banal ang 1,300-milya (2,090 km) sa pamamagitan ng kariton. Ang tagumpay ng kanilang paglalakbay ay pinalungkot lamang ng dalawang nakamamatay na mga paglalakbay ng Willie at Martin handcart companies, na lubhang natagalan sa pag-alis kaya inabutan ng maagang pag-ulan ng niyebe sa taglamig. Muli, pansinin ang kahusayan ni Pangulong Young. Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1856, inilaan niya ang buong kumperensya sa pag-organisa ng mga bagay na magdudulot ng ginhawa sa naghihirap na mga Banal. At inutusan niya ang mga kapatid na huwag nang maghintay pa ng isang linggo o isang buwan bago sila umalis. Nais niyang nakahanda na ang ilang grupong binubuo ng apat na kabayo nang sumunod na Lunes upang magpunta at bigyang-ginhawa ang nagdurusang mga Banal na inabutan ng pag-ulan ng niyebe. At iyon mismo ang nangyari.
Ang unang grupong may dalang pagkain at kagamitan ay lumisan pagsapit ng Lunes. Halos mag-umapaw sa kagalakan ang Willie company nang matanggap ang unang grupong nagdala ng tulong. Iniwan ni Captain Willie ang maliit niyang grupo at nagsama siya ng isang tao sa paghahanap sa grupo ng mga sasagip na bagon.
Nakatala sa kasaysayan: “Sa gabi ng ikatlong araw matapos lumisan si Captain Willie, habang papalubog ang magandang araw sa likod ng malayong kaburulan, sa isang maliit na burol, sa kanluran lang ng aming kampo, ilang bagon na may trapal, na bawat isa ay hila ng apat na kabayo ang nakitang papalapit sa amin. Kumalat ang balita sa kampo na parang malaking sunog, at lahat ng nakabangon mula sa kanilang higaan ay sabay-sabay na naglabasan para makita sila. Ilang minuto pa ay nakita na nila ang kanilang matapat na kapitan na nauuna nang kaunti sa grupo ng mga bagon. Narinig sa ere ang mga sigaw ng kagalakan; umiyak ang matitipunong kalalakihan hanggang sa dumaloy ang mga luha sa kanilang mga pisngi na nasunog sa sikat ng araw, at nakibahagi ang maliliit na bata sa kagalakan na halos hindi pa nauunawaan ng ilan sa kanila, at masayang nagsayawan. Nalimutan ang pagtitimpi sa kagalakan ng lahat, at habang papasok sa kampo ang kalalakihan niyakap sila ng kababaihan at pinaghahagkan. Hindi makapaniwala ang kalalakihan kaya’t halos hindi sila makapagsalita, at sa tahimik na pagluha ay pinigilang magpakita ng … damdamin. … Gayunman, hindi nagtagal at naibsan na ang gayong damdamin, at sila ay nagkamayan, nagbatian, at nagsumamo ng pagpapala sa Diyos sa paraang bihirang masaksihan!”2
Pagbubuo ng Matatag na mga Pamilya
Mula sa matatag na mga pioneer na iyon ay lumitaw ang mga tradisyon at isang pamana na bumuo ng matatag na mga pamilya na nakapag-ambag nang malaki sa kanlurang Estados Unidos at sa iba pang panig ng mundo.
Inanyayahan ako sa isang pananghalian ilang taon na ang nakalilipas na inisponsor ng isang retail firm na nagbalita noon na magbubukas sila ng apat na tindahan sa Salt Lake City area. Dahil may karanasan ako sa retail, tinanong ko ang pangulo habang nakaupo akong kasama niya sa mesa kung bakit gayon kalakas ang kanyang loob na sabay-sabay na buksan ang apat na tindahan sa isang bagong bukas na lugar. Ang sagot niya ay tulad ng inasahan ko. Sinabi niya na nagsagawa ang kanyang kumpanya ng demographic study ng lahat ng pangunahing lungsod sa Estados Unidos. Interesado ang kumpanya na malaman kung alin sa mga lugar na ito ang may pinakamalaking potensyal para sa isang department store na magiging kaakit-akit sa mga bata pang pamilya. Ang Salt Lake area, na destinasyon ng mga pioneer noong una, ang nanguna sa bansa.
Napag-alaman din ng kumpanya batay sa isinagawang pag-aaral nito na ang puwersa ng mga manggagawa sa Salt Lake ay bantog sa kanilang katapatan at kasipagan. Alam ninyo, bakas pa rin ang pamana ng mga pioneer hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon sa lugar na iyon.
Gayunman, nagulat ako sa isang estadistikang inilagay sa mesa ko kamakailan. Nakasaad doon na 7 porsiyento lamang ng mga batang lumalaki sa Estados Unidos ngayon ang nagmumula sa tradisyonal na mga tahanan kung saan ang ama ang nagtatrabaho, nasa bahay lang ang ina, at may isa o higit pang mga anak.3 Bawat araw ay nakikita natin ang mga epekto ng pagkakawatak ng tradisyonal na tahanan. Nakatatakot ang pagdami ng mga babaeng sinasaktan, mga batang pisikal at seksuwal na inaabuso, bandalismo sa mga paaralan, mga krimeng kinasasangkutan ng mga tinedyer, pagbubuntis ng mga tinedyer na walang asawa, at matatandang hindi kinakalinga ng kamag-anak.
Binalaan tayo ng mga propeta na ang tahanan ang lugar para maligtas ang lipunan.4 Ang angkop na tahanan, mangyari pa, ay hindi basta nalilikha o nabubuo kapag nagkaibigan at nagpakasal ang isang babae at isang lalaki. Kailangan ang mga kabutihang itinuro noon sa tahanan ng mga pioneer—pananampalataya, lakas ng loob, disiplina, at dedikasyon—upang maging matagumpay ang pagsasama ng mag-asawa. Kung paano pinamulaklak ng mga pioneer ang disyerto na tulad sa isang rosas, gaganda rin ang ating buhay at pamilya kung susundan natin ang kanilang halimbawa at yayakapin ang kanilang mga tradisyon. Oo, ang pananampalatayang tulad ng sa mga pioneer ay kailangan din sa mundo ngayon tulad sa anumang panahon. Minsan pa, kailangan nating malaman ang pamanang iyon. Kailangan natin itong ituro, kailangan natin itong ipagmalaki, at kailangan natin itong pangalagaan.
Napakapalad natin. Kaybigat ng responsibilidad natin dahil sa ating kaalaman at pagkaunawa. Sinabi raw ni Arnold Palmer, isang mahusay na Amerikanong manlalaro ng golf na, “Hindi ang manalo ang pinakamahalaga, kundi ang paghahangad na manalo.” Napakagandang pahayag: “Ang paghahangad na manalo [ang pinakamahalaga].”
Ipagkaloob nawa sa atin ng Diyos ang hangaring mapanalunan ang lahat ng kaloob na ibinigay Niya sa Kanyang mga anak—ang kaloob na buhay na walang hanggan. Nawa’y pagpalain tayo ng Diyos na maunawaan natin ang ating potensyal, na matuto tayo at umunlad at maunawaan natin ang ating pamana at magpasiya tayong pangalagaan ang mga dakilang kaloob na iyon na ibinigay sa atin bilang Kanyang mga anak. Taos kong pinatototohanan na ang Diyos ay buhay, na si Jesus ang Cristo, at na ang Kanyang landasin ay aakayin tayo tungo sa buhay na walang hanggan.