Pagharap sa Kinabukasan nang May Pag-asa
Ang pag-uuna sa Panginoon, sa Kanyang kaharian, at sa ating mga pamilya ay magbibigay sa atin ng pag-asang kailangan natin sa pagharap sa mga hamon sa kasalukuyan at sa hinaharap.
Si Brother Arnaldo Teles Grilo ay naging isa sa pinakamatalik kong mga kaibigan noong mga 25 anyos ako. Sa edad na 62, si Brother Grilo, na isang retiradong inhinyero, ay tinawag na maging isa sa mga tagapayo ko sa panguluhan ng noon ay Oeiras Portugal District, kung saan magkasama kaming naglingkod sa loob ng ilang taon.
Ang kanyang karunungan at karanasan ay nagbigay sa akin, na isang batang lider ng priesthood, ng mahahalagang payo at pananaw. Positibo ang kanyang pananaw sa buhay; palagi niyang nakikita ang mabuti sa bawat sitwasyon at siya ay masayahing tao. Ang kanyang ugali ay malaking inspirasyon sa maraming nakapaligid sa kanya at lalo na sa akin dahil alam ko ang mabibigat na hamong kinakaharap niya noon.
Nang makapagtapos siya bilang inhinyero, si Brother Grilo ay sumapi sa National Agronomic Agency bilang researcher sa Portugal at kalaunan ay naglakbay sa isa sa mga kolonya ng mga Portuges sa Africa upang pamunuan ang isang cotton research project. Ang proyekto ang naghatid sa kanya sa isang matagumpay na trabaho bilang senior executive sa isang malaking pang-internasyonal na bangko sa bansang iyon. Sa loob ng halos 30 taon sa Africa, nagkaroon siya ng magandang pamilya at maganda ang naging buhay niya hanggang sa biglaan at sapilitang pabalikin ang kanyang pamilya sa Portugal dahil sa trahedya ng kaguluhan at digmaan.
Iniwan ni Brother Grilo at ng kanyang pamilya ang lahat ng pinaghirapan at naipundar nila—lahat ng kanilang ari-arian at personal na pag-aari—matapos masaksihan mismo ang pinsalang dulot ng digmaan sa isang bansang minahal nila.
Sa kabila ng kawalang-katiyakan at kaguluhang dulot ng digmaan na unti-unting pumawi sa kapayapaan at katatagan noong mga huling buwan niya sa Africa, sinagip ni Brother Grilo ang isa sa kanyang mga kaibigan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mamahaling sasakyan na binili niya sa Germany. Dahil sa kotse ay natakasan ng kanyang kaibigan at ina nito ang digmaan.
Ang saganang mga materyal na ari-ariang natamo ni Brother Grilo dahil sa kanyang kasipagan ay hindi nagpabago sa kanyang mga prayoridad. Mahigpit siyang kumapit sa matitibay na alituntunin at pagmamahal sa kanyang pamilya.
Pagbalik sa Portugal sa edad na 52, hinarap niya ang hamon na magsimulang muli. Sa gitna ng lahat ng kahirapan at trahedyang ito, ano ang nakagawa ng kaibhan sa kanyang buhay? Bakit masyado siyang positibo tungkol sa kasalukuyan at sa hinaharap? Bakit masyado siyang tiwala?
Si Brother Grilo ay nabinyagan noong bago pa lamang ang Simbahan sa Portugal at naging matatag na haligi at pioneer sa bansang iyon. Ilang beses niyang dinala ang kanyang pamilya sa templo sa Switzerland, at nilakbay niya ang 2,800 milya (4,500 km) nang balikan bilang pagpapakita ng pananampalataya at katapatan. Sa mga taon ng kanyang paglilingkod, si Brother Grilo at ang kanyang asawa ay nagdulot ng kagalakan sa kanilang mga anak at sa marami pang iba.
Ang pananampalataya ni Brother Grilo ay nakasentro kay Jesucristo at sa kaalaman na sa huli, si Jesucristo ang maghahari. Binigyan siya nito ng pag-asa sa kasalukuyan at sa hinaharap.
Ang Bagong Tipan ay nagtapos sa isang mensahe ng malaking pag-asa.1 Nakita ng mga propetang gaya ni Juan na Tagapaghayag ang mga bagay na paparating at sinabi sa atin ang mga pagpapalang matatanggap natin kung mananatili tayong matwid at magtitiis hanggang wakas.
Nakita ni Juan ang isang aklat na may pitong tatak, o mga kapanahunan, at inilarawan niya kung paano laging kinakalaban ni Satanas ang mabuti (tingnan sa Apocalipsis 5:1–5; 6). Ngunit nakita rin ni Juan na igagapos si Satanas at matagumpay na maghahari si Cristo (tingnan sa Apocalipsis 19:1–9; 20:1–11). Sa huli ay nakita niya na ang mabubuti ay makakapiling ang Diyos pagkatapos ng Huling Paghuhukom (tingnan sa Apocalipsis 20:12–15).
Isa sa mga pinakamalaking hamon ngayon ay ang pagkatutong labanan ang takot at pagkasiphayo upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok at tukso. Ilang minuto lamang ang kailangan upang buksan natin ang pahayagan, galugarin ang internet, o marinig ang balita sa radyo o telebisyon at maharap sa nakababagabag na mga salaysay ng krimen at mga kalamidad na dulot ng kalikasan na nangyayari sa araw-araw.
Ang pag-unawa sa mga pangako sa banal na kasulatan kung paano dadaigin ng Panginoon ang kasamaan at paano tatalunin ng katotohanan ang kamalian ay makatutulong sa atin na harapin ang kinabukasan nang may pag-asa at magandang pananaw. Sa mundo ngayon ay nakikita natin ang digmaan, mga kalamidad na dulot ng kalikasan, at krisis sa ekonomiya. Kung minsan ang mga pangyayaring ito ay hindi lamang mga bagay na namamasdan natin mula sa di kalayuan kundi mga bagay na nakaaapekto sa atin mismo.
Hindi tayo kailangang magdalamhati sa pagkawala ng mga ari-arian o magtuon sa temporal, sapagkat maaagaw ng mga bagay na iyon ang kagalakang dulot ng mga simpleng bagay sa buhay.
Nagpapasalamat ako sa halimbawa ni Brother Arnaldo Teles Grilo. Inuna niya ang mga espirituwal na bagay, mga bagay na “labis na mahalaga sa [atin] sa mga huling araw” (2 Nephi 25:8), kabilang na ang mga ugnayan ng pamilya at paglilingkod sa iba.
Dapat nating harapin lahat ang kinabukasan nang may pag-asa dahil alam nating madaraig ang mga puwersa ng masama. Dapat manatiling positibo ang ating pananaw habang nahaharap tayo sa mga hamon dahil nasa atin ngayon ang mga banal na kasulatan, mga turo ng mga buhay na propeta, awtoridad ng priesthood, mga templo, at suporta ng bawat isa bilang mga miyembro ng Simbahan. Lahat tayo ay dapat “magtagumpay” dahil sa panalangin (D at T 10:5). At higit sa lahat, dapat tayong umasa sa buhay na walang hanggan dahil sa sakdal na nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoon (tingnan sa Moroni 7:41).
Kapag tama ang ating mga prayoridad, mas yayaman at sasagana ang ating buhay. Ang pag-uuna natin sa Panginoon, sa Kanyang kaharian, at sa ating mga pamilya ay magbibigay sa atin ng pag-asang kailangan natin sa pagharap sa mga hamon sa kasalukuyan at sa hinaharap.