Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na magagamit sa family home evening. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa.
“Ang Lakas ng Ating Pamana,” pahina 16: Basahin ang artikulo sa inyong pamilya. Bigyang-diin ang pahayag na ito ni Elder L. Tom Perry: “Kung paano pinamulaklak ng mga pioneer ang disyerto na tulad sa isang rosas, gaganda rin ang ating buhay at pamilya kung susundan natin ang kanilang halimbawa at yayakapin ang kanilang mga tradisyon.” Isiping itanong kung paano higit na masusunod ng inyong pamilya ang halimbawang ipinakita ng mga pioneer noong araw. Maaari kayong magtapos sa pagkanta ng “Mga Banal, Halina” (Mga Himno, blg. 23).
“Pagharap sa Kinabukasan nang May Pag-asa,” pahina 35: Maaari ninyong ibuod ang kuwento tungkol kay Brother Grilo o maglahad ng personal na kuwento kung paano ninyo hinarap o ng isang kakilala ninyo ang kinabukasan nang may pag-asa. Tulungan ang mga miyembro ng pamilya na ipamuhay ang mensahe sa pagtatanong ng “Ano ang ilang hamon na nagpapahirap sa inyo na manalig sa kinabukasan? Ano ang magagawa ninyo para manatiling positibo ang inyong pananaw kapag nahaharap kayo sa mga hamong ito?” Isiping magtapos sa pagbasa sa huling dalawang talata ng artikulo.
“Ano ang Dalisay na Patotoo?” pahina 54: Simulan ang inyong aralin sa pagbabahagi ng itinuturo ng artikulo tungkol sa kung ano ang patotoo. Pagkatapos ay isiping ibuod ang mga tanong tungkol sa pagpapatotoo (tingnan sa mga pahina 56–57). Kung mahiwatigan, anyayahang magpatotoo sa isa’t isa ang mga miyembro ng pamilya sa family home evening o ipasulat ang kanilang patotoo sa kanilang journal.
“Isang Bulong ng Kabaitan,” pahina 59: Basahin ang Lucas 6:27. Pagkatapos ay ikuwento sina James at Carson, na tumitigil para pasagutan sa mga bata ang mga tanong na nasa ibaba ng unang pahina. Hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na maging mabait sa iba.
Mga Family Home Evening “sa Labas ng Bahay”
Noong 10 taong gulang ako, nabinyagan ako kasabay ng aking mga magulang at mga kapatid. Masayang-masaya ako na lumaki ako na nagdaraos kami ng regular na family home evening. Family home evening ang nagpatatag sa aming pamilya.
Mahigit 45 taon na akong miyembro ng Simbahan. Sa lima kong anak, patuloy pa rin ang tradisyon. Nakareserba ang mga Lunes ng gabi para sa pamilya.
Sa huling Lunes ng buwan, mas matagal ang aktibidad namin na tinatawag naming family home evening “sa labas ng bahay.” Nanonood kami ng sine, bumibisita sa maysakit, naglalaro sa park, dumadalaw kina Lola at Lolo, at iba pa.
Ang hinding-hindi ko malilimutang karanasan namin sa labas ng bahay ay kapag naglilingkod kami sa mga batang kalye. Hindi namin maipaliwanag ang kagalakan at kaligayahang nadarama namin sa pagtulong sa mga taong nangangailangan. Sinisikap namin, sa aming hamak na paraan, na pasayahin ang mga batang iyon at ipaalam sa kanila na may nagmamalasakit sa kanila at nakakaalam na lahat tayo ay mga anak ng Diyos.
Tita Mabunga Obial, Philippines