2012
Isang Pangako at Isang Panalangin
Hulyo 2012


Mula sa Misyon

Isang Pangako at Isang Panalangin

woman praying

Ang Aklat ni Mormon ay may kapangyarihang tulungan ang sinumang gustong malaman kung ito ay totoo.

Ang nakamamangha sa akin sa Aklat ni Mormon ay ang malaki at walang-hanggang pagbabagong dulot nito sa mga tao bago pa man sila naging miyembro ng Simbahan. Bilang misyonero sa Mexico Cuernavaca Mission, nakita ko mismo ang malaking pagbabagong ito.

Noong anim na buwan na ako sa misyon, pinaturuan ng isang miyembro ng branch sa aming magkompanyon ang isang 20-taong-gulang na babae at kanyang pamilya. Hindi naunawaan ng dalaga kung ano ang paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw at marami siyang tanong. Batid na sinasagot ng Aklat ni Mormon ang mga tanong ng kaluluwa, ibinigay namin sa kanya ang aklat at ibinahagi ang pangakong nakasaad dito tungkol sa taimtim na panalangin upang malaman kung ito ay totoo.

Tatlong Linggo siyang nagsimba, at patuloy namin siyang tinuruan. Hindi namin alam na nagawa na niya ang isang mahalagang hakbang: nanalangin na siya tungkol sa Aklat ni Mormon. Sa isang partikular na aralin, ikinuwento niya sa amin ang kanyang karanasan. Pinag-isipan niyang mabuti ang mga araling itinuturo namin, at hinangad niyang manalanging mag-isa. Lumuhod siya at itinanong niya sa Diyos kung totoo ang Aklat ni Mormon. Ang kapayapaang nadama niya matapos manalangin ay humimok sa kanya na basahin pa ang aklat. Habang nagbabasa, nadama niya ang Espiritu.

Nang gunitain niya ang kanyang naranasan, sinabi niya sa amin, “Nadama ko na ako ay espesyal at hindi ko pa ito nadama kailanman. May nagsimulang pumuno sa buong kahungkagan ng buhay ko na walang ibang makapupuno. Napakasaya ko kaya napaiyak ako. Hindi ako makapaniwala sa nadama ko, ngunit alam kong sinagot ako ng aking Ama sa Langit, na kilala Niya ako, at mahal Niya ako nang sapat para pakinggan ako at sagutin ang aking dalangin.”

Tuwang-tuwa ako nang ikuwento niya ang kanyang karanasan. Alam ko na ako ay nasa sagradong lugar sa pagkakataong iyon. Pinagtibay sa akin ng Espiritu Santo na totoo ang kanyang mga sinabi. Mula sa kanyang patotoo napaalalahanan ako ng dakilang pagmamahal sa atin ng ating Ama sa Langit; mahal na mahal Niya tayo kaya ibinigay Niya sa atin ang Aklat ni Mormon bilang kasangkapan upang makilala Siya at ang Kanyang katotohanan. Kapag sinunod natin ang mga alituntuning nasa Aklat ni Mormon, magbabago ang ating buhay.

Naaalala ko pa kung paano nagtapos ang araling iyon. Itinanong sa amin ng dalaga, “Ano ang mangyayari ngayong alam ko nang totoo ang Aklat ni Mormon?”

“Magpabinyag ka,” tugon namin.

Simple lang ang sagot niya pero ipinakita nito ang katatagan at kasimplehan ng kanyang patotoo: “Kung gayon magpapabinyag ako.”

Ang Aklat ni Mormon ay may kapangyarihang tulungan tayo na makatagpo ng kaligayahan at kapayapaan. Kapag binasa natin ito, magkakaroon tayo ng matatag na determinasyong ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, tulad ng dalagang ito na determinadong tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagpapabinyag.

Paglalarawan ni Kathleen Peterson