Gusto Kong Maupo sa Kandungan ni Jesus
Hindi ibinigay ang pangalan
Apat na taong gulang pa lamang ang aming apong lalaki nang mapulot siya ng isang pulis sa gilid ng kalsada. Sinabi niya na papunta siya sa bahay ni Lola, mga limang milya (8 km) ang layo.
Ito ang pangalawang pagkakataon na tinakasan niya ang kalungkutan sa kanilang tahanan, at sinubukang makapunta sa akin. Sa sumunod na ilang buwan, natanto ko na malamang na magiging responsibilidad kong palakihin ang aking apong lalaki at ang kanyang dalawang nakababatang kapatid na babae—isang ideyang hindi ko madaling natanggap.
Ginawa naming mag-asawa ang lahat ng makakaya namin para mapalaki ang aming mga anak sa mga alituntunin ng ebanghelyo, ngunit sa huli ay tinanggihan nila ang mga alituntuning iyon. Mahigit 50 anyos na ako at nadama ko na karapatan ko namang gawin ang nais ko. Itinangi ko ang mithiin naming mag-asawa na maglingkod sa misyon nang magkasama kapag nagretiro na siya. Naiyak ako nang maisip ko na mamimili ako kasama ang maliliit na bata, maghahanda ng pagkain, maglalaba ng maraming damit, at balang-araw ay mag-aalagang muli ng mga tinedyer.
Gayunman, isang hapon ay may nagpabago sa puso ko. Isang maliit na bagay ang nagpaiyak sa aking apo, kaya kinandong ko siya at pinahiran ang kanyang luha. Habang yakap-yakap ko siya, pinag-usapan namin kung gaano siya kamahal ni Jesus. Sa kalapit ay may kalendaryong nakasabit sa dingding na may mga larawan ng Tagapagligtas, kaya isa-isa naming tiningnan ang magagandang larawang iyon.
Nagustuhan ng apo ko, lalo na, ang larawan ng Tagapagligtas na nakaupo sa isang pintuan na yari sa bato na kalung-kalong ang isang batang babaeng brown ang buhok. Sa larawan, mababanaag ang kapayapaan sa Tagapagligtas at sa bata. Tiningnan itong mabuti ng apo ko, itinuro ang batang babae, at tinawag ito sa pangalan ng kanyang kapatid.
“Paano pong nakaupo si Katie sa kandungan ni Jesus, Lola?” tanong niya. “Gusto ko ring maupo sa Kanyang kandungan!”
“Hindi ka makakaupo sa kandungan ni Jesus ngayon, apo ko, pero makakaupo ka sa kandungan ko,” sabi ko. “Binigyan ni Jesus ng mga lola ang maliliit na bata para mahalin at yakapin sila at alagaan sila kapag kailangan nila ito.”
Agad tinanggap ng puso ko na mahalin—tulad ng mamahalin ng Tagapagligtas—ang tatlong batang nangangailangan sa akin. Hindi na sila pabigat kundi isang magandang biyaya at pagkakataong mapaglingkuran ang ating Panginoon.
Walang hanggan ang pasasalamat ko sa magiliw na awa ng Panginoon sa akin noong hapong iyon. Binago nito ang buhay ko at patuloy nitong pinatatatag at pinagpapala ang aming tahanan.