2012
Pagkukunwari sa Harap ng Ibang Tao
Hulyo 2012


Pagkukunwari sa Harap ng Ibang Tao

girl performing in front of youth

Ang buhay ko ay puro pagkukunwari hanggang sa magpasiya akong magbago.

Para sa akin bilang tinedyer, ang paaralan ay puno ng pagkukunwari. Alam n’yo na, ‘yun bang kontrabida sa pelikula na perpekto at magandang bumigkas ng mga linya at dahil dito ay nagiging kahanga-hanga siya? Gustung-gusto kong magawa iyon. Sinubukan kong maging sikat tulad ng pinakamahusay na mga kontrabida. Nagkunwari akong mababa ang mga pamantayan ko dahil gusto kong pahangain ang mga kaibigan ko sa paaralan. Gusto ko ang tunog ng halakhakan kapag may sinabi akong hindi maganda o nagbiro ako tungkol sa ibang tao.

Gusto kong hangaan ako ng tao. Kaya inisip ko kung paano matutuwa sa akin ang mga tao. Naging komedyante ako sa aming klase sa biology, nakumbinsi ko ang koponan ko sa volleyball na mahilig akong dumalo sa mga party, at sinira ko ang reputasyon ko na isa akong dalagitang inosente at walang-muwang. Naisip ko, “Ayaw kong isipin ng mga kaibigan ko na napakabanal ko!”

Bagama’t hindi naman ako gumagawa ng mabibigat na kasalanan tulad ng akala ng mga tao, desperado kong kinumbinsi ang sarili ko na OK lang na magaspang ang ugali ko. Maling-mali ako! Ang pagkukunwari ko ay humantong sa punto na hindi ko na ito kayang tanggapin. Habang lalo akong nagiging popular, lalo kong hindi nagustuhan ang ginagawa ko.

Isang araw, pinag-uusapan ng dalawa sa mga kaibigan ko ang isang mahinhin at mabait na atletang nagngangalang Jennifer na hindi nahihiyang manindigan sa kanyang mga paniniwala. Sabi ng isa sa mga kaibigan ko, na pinakamaganda, pinakapopular, at pinakamatalinong babae sa ikapitong baitang, “Kakaiba si Jennifer. Sana sapat ang tapang ko para manalig sa aking simbahan tulad niya. Siya lang ang taong nakilala ko na namumuhay nang ganoon.” Natigilan ako.

“Paano niya nasabi ang gayong bagay nang hindi man lang ako binabanggit?” Naisip ko. “Tutal, mataas naman ang mga pamantayan ng simbahan ko!” Nagalit ako na hindi man lang niya ako itinuring na isang mabuting halimbawa. Pagkatapos, bigla kong naramdaman na parang nakaupo ako sa unahan ng isang sinehan na nagpapalabas ng sarili kong buhay.

Inisip ko ang masamang halimbawang ipinakita ko sa aking mga kaibigan. Anong klaseng bata ang manonood sa akin at iisiping, “Sana naging matapang ako at kakaiba tulad niya”? Hindi ko nagustuhan ang kinahinatnan ko.

Ang baguhin ang aking pagkatao at reputasyon ay mahabang proseso, at sinisikap ko pa ring itikom ang aking bibig sa halip na mang-insulto para matuwa ang mga tao. Gayunman natanto ko na mapapatawa ko ang aking mga kaibigan nang hindi sinasaktan ang damdamin ng iba, at maaari akong umalis ng silid kapag may nagsalita ng masama nang hindi ako pinagtatawanan. Hindi kailangang maging “kontrabida” ang sinuman para magkaroon ng maraming kaibigan. Binago ko ang aking ugali at kilos dahil mas mabuting sundin ang pinaniniwalaan ko kaysa itago ang tunay kong pagkatao.

Paglalarawan ni Scott Greer