Mensahe ng Unang Panguluhan
Palaging nasa Kalagitnaan
Sa maraming kalendaryo sa daigdig, Hulyo ang kalagitnaan ng taon. Bagaman ang mga simula at katapusan ng mga bagay-bagay ay ipinagdiriwang at ginugunita, kadalasan ay hindi napapansin ang mga nangyari sa kalagitnaan ng mga ito.
Ang mga simula ay panahon ng paggawa ng mga resolusyon, paglikha ng mga plano, pagpapakita ng lakas. Ang mga katapusan ay panahon ng pagbubuod at maaaring may kahalo itong damdamin ng kaganapan o kawalan. Ngunit sa wastong pananaw, ang paglalagay ng ating sarili sa kalagitnaan ng mga bagay-bagay ay makatutulong sa atin hindi lamang para mas maunawaan ang buhay kundi para mabuhay rin sa mas makabuluhang paraan.
Ang Kalagitnaan ng Gawaing Misyonero
Kapag nagsasalita ako sa ating mga kabataang misyonero, madalas kong sabihin sa kanila na nasa kalagitnaan sila ng kanilang misyon. Kahit kadarating pa lang nila kahapon o pauwi na kinabukasan, hinihiling kong isipin nila na palagi silang nasa kalagitnaan.
Maaaring madama ng mga bagong misyonero na wala pa silang karanasan para maging epektibo, kaya’t ipinagpapaliban nila ang pagsasalita o pagkilos nang may tiwala at lakas ng loob. Ang sanay nang mga misyonerong malapit nang matapos sa kanilang misyon ay maaaring malungkot dahil patapos na ang kanilang misyon, o maaari silang bumagal habang pinag-iisipan nila kung ano ang kanilang gagawin pagkatapos ng misyon.
Anuman ang kalagayan at saan man sila naglilingkod, ang totoo ay araw-araw na nagpupunla ang mga misyonero ng Panginoon ng maraming binhi ng mabuting balita. Ang pag-iisip na palagi silang nasa kalagitnaan ng kanilang misyon ay magpapalakas ng loob at magpapasigla sa matatapat na kinatawang ito ng Panginoon. Tulad ng mga full-time missionary, gayon din tayong lahat.
Palagi Tayong nasa Kalagitnaan
Ang pagbabagong ito ng pananaw ay higit pa sa simpleng paglalaro ng isipan. May malaking katotohanan sa kabila ng ideya na palagi tayong nasa kalagitnaan. Kung titingnan natin sa mapa ang ating kinaroroonan, matutukso tayong sabihing nasa simula tayo. Ngunit kung titingnan nating mabuti, saanman tayo naroroon ay nasa kalagitnaan lamang tayo ng isang malaking lugar.
Kung paanong totoo ito sa lugar, gayon din sa panahon. Maaari nating madama na tayo ay nasa simula pa lang o nasa katapusan na ng ating buhay, ngunit kung titingnan natin kung saan tayo naroon sa buong kawalang-hanggan—kapag natanto natin na buhay na ang ating espiritu noon pa man at, dahil sa sakdal na sakripisyo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na mananatiling buhay ang ating kaluluwa sa darating na kawalang-hanggan—malalaman natin na talagang nasa kalagitnaan tayo.
Kamakailan ay naisip kong ayusing muli ang lapida sa puntod ng aking mga magulang. Naluma na ng panahon ang libingan, at naisip ko na mas karapat-dapat ang bagong lapida sa magandang halimbawa ng kanilang buhay. Nang tingnan ko ang mga petsa ng kapanganakan at kamatayan sa lapida na pinag-ugnay ng karaniwang maliit na gitling, ang munting simbolong ito ng haba ng buhay ay biglang naghatid sa aking puso’t isipan ng napakaraming magagandang alaala. Sa bawat isa sa mahahalagang alaalang ito ay mababanaag ang isang sandali sa kalagitnaan ng buhay ng aking mga magulang at sa kalagitnaan ng buhay ko.
Anuman ang ating edad, saanman tayo naroroon, kapag may mga nangyayari sa ating buhay, palagi tayong nasa kalagitnaan. Hindi lamang iyan, nasa kalagitnaan tayo magpakailanman.
Ang Pag-asang Dulot ng Mapunta sa Kalagitnaan
Oo, may mga sandali ng simula at mga sandali ng katapusan sa buong buhay natin, ngunit mga palatandaan lamang ito sa daan ng malaking kalagitnaan ng ating buhay na walang hanggan. Nasa simula man tayo o nasa katapusan, bata man tayo o matanda, maaari tayong gamitin ng Panginoon para sa Kanyang mga layunin kung isasantabi lang natin ang anumang mga ideyang naglilimita sa ating kakayahang maglingkod at hayaang mahubog ang ating buhay ayon sa Kanyang kalooban.
Sabi ng Mang-aawit, “Ito ang araw na ginawa ng Panginoon; tayo’y [dapat mangagalak] at [matuwa]” (Mga Awit 118:24). Ipinaalala sa atin ni Amulek na “ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos; oo, masdan, ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain” (Alma 34:32; idinagdag ang pagbibigay-diin). At sinabi ng isang makata, “Ang walang hanggan—ay binubuo ng mga Ngayon.”1
Ang ibig sabihin ng pagiging palaging nasa kalagitnaan ay kailanman ay hindi natatapos ang laban, hindi nawawala ang pag-asa, hindi pa tayo talo. Sapagkat saan man tayo naroon o anuman ang ating kalagayan, may darating pang mga walang-hanggang simula at walang-hanggang katapusan.
Palagi tayong nasa kalagitnaan.