2012
Isang Bulong ng Kabaitan
Hulyo 2012


Isang Bulong ng Kabaitan

“Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang nangapopoot sa inyo” (Lucas 6:27).

“Narito ngayon si Carson,” sabi ng nanay ni James habang itinuturo ang isang batang lalaking nasa pasilyo sa tabi ng silid ng Primary.

Napaangil si James. Naka-maong na pantalon at lumang kamiseta si Carson. Alam ni James na hindi siya papayagan ng kanyang nanay at tatay na magsuot ng ganoong damit sa simbahan, at hindi rin nila siya hahayaang gawin ang iba pang bagay na ginagawa ni Carson.

Noong isang linggo sa paaralan, pinalabas ng klase si Carson dahil sumagot siya nang pabalang sa guro. Lagi niyang pinagtatawanan ang pananamit ni James at tinutukso pa dahil siya ang pinakamaliit na bata sa paaralan.

“Paano po kung sigawan niya si Sister Win o mag-umpisa siya ng away?” tanong ni James.

“Sigurado kong magiging maayos ang lahat,” sabi ni Inay. “Hindi pa nakasimba si Carson kahit kailan, at siguro ay kinakabahan siya.”

Nang nagsimula na ang klase, itinanong ni Sister Win kung sino ang nagdala ng kanilang mga banal na kasulatan. Nagtaas ng kamay si James at ang buong klase, pero umiling si Carson. Mukhang nahihiya siya, na ikinagulat ni James. Karaniwan nang magbiro si Carson kapag hindi niya nagawa ang homework niya. Pero habang lalo itong iniisip ni James, lalo niyang naiisip kung ano ang pakiramdam ng dumalo sa ibang simbahan sa unang pagkakataon.

Iniabot ni Sister Win kay Carson ang kanyang mga banal na kasulatan para ipagamit. Nang si Carson na ang magbabasa, nag-alala si James. Paano kung ihagis ni Carson ang mga banal na kasulatan sa sahig o ayaw nitong magbasa?

Pero hindi ginawa ni Carson ang anuman sa mga iyon. Tinitigan niya ang mga salita sa pahina at sumimangot. Pagkaraan ng isang sandali, natanto ni James na hindi gaanong makabasa si Carson. Hindi ito napansin noon ni James sa paaralan.

Nilapitan ni James si Carson at bumulong, “Katotohanan.”

Nagulat si Carson, pero sinambit niya ang salita at patuloy na binasa ang talata. Kapag hirap siyang bigkasin ang isang salita, tinutulungan siya ni James. Nang matapos na siyang magbasa, tumingin si Carson kay James at tumango.

Hindi sigurado si James kung maiiba ang mga pangyayari sa paaralan pagkatapos nito. Ang nakakatawa ay hindi iyon mahalaga sa kanya. Masaya siya na natulungan niya ang isang batang lalaking laging nanunukso sa kanya noon, at walang sinumang makakakuha ng kasiyahang iyon sa kanya.

Ang Dapat Ikilos

Maaari kang sumali sa team namin.

Paglalarawan ni Val Chadwick Bagley

Mga paglalarawan ni Craig Stapley