Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary
Pinipili Ko ang Tama sa Pamamagitan ng Pamumuhay ayon sa mga Alituntunin ng Ebanghelyo
Magagamit ninyo ang aralin at aktibidad na ito para matutuhan pa ang iba tungkol sa tema ng Primary sa buwang ito.
Mawawari ba ninyo na papunta kayo sa misyon at hindi ninyo alam kung kailan kayo babalik sa pamilya ninyo? Ano kaya ang mararamdaman ninyo? Ano ang gagawin ninyo para makapaghanda?
Ang apat na anak na lalaki ni Haring Mosias—sina Ammon, Aaron, Omner, at Himni—at ang kaibigan nilang si Alma ay nagmisyon nang 14 na taon. Bawat isa sa mga anak ni Mosias ay maaari sanang maging hari ng sarili nilang bansa, pero pinili nilang sundin ang kanilang nadarama. Sila at si Alma ay nagbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo, at gusto nilang ibahagi ang ebanghelyo sa mga Lamanita, na mga kaaway nila.
Alam ng mga kabataang ito na hindi nila maisasagawa ang kanilang misyon nang walang kapangyarihan mula sa Diyos. Ipinaliwanag sa Alma 17:2–3 kung paano nila nakuha ang kapangyarihang ito: “Sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan upang malaman nila ang salita ng Diyos. … Itinuon nila ang kanilang sarili sa maraming panalangin, at pag-aayuno; kaya nga taglay nila ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag, at kapag sila ay nagturo, sila ay nagtuturo nang may kapangyarihan at karapatan ng Diyos.”
Ang pag-aayuno at pagdarasal ay nakatulong sa mga kabataang ito na makatanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos. Tulad ni Alma at ng mga anak na lalaki ni Mosias, maaari kayong mag-ayuno at manalangin para mapaghandaan ang pagtanggap ng mga pagpapala ng Ama sa Langit sa inyo.