Mensahe sa Visiting Teaching
Pagpapamalas ng Ating Pagkadisipulo sa Pamamagitan ng Pagmamahal at Paglilingkod
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Noong nabubuhay pa Siya sa lupa, ipinakita ni Jesucristo ang Kanyang pagmamahal sa iba sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanila. Sabi Niya, “Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa” (Juan 13:35). Ipinakita Niya ang halimbawa at nais Niya tayong “[tumulong] sa kanila na nangangailangan ng [ating] tulong” (Mosias 4:16). Tinatawag Niya ang Kanyang mga disipulo upang tulungan Siya sa Kanyang ministeryo, at binibigyan sila ng pagkakataong maglingkod sa iba at maging higit na katulad Niya.1
Ang paglilingkod natin bilang mga visiting teacher ay may malaking pagkakatulad sa ministeryo ng ating Tagapagligtas kapag ipinakikita natin ang ating pagmamahal sa mga taong binibisita natin sa pamamagitan ng paggawa ng mga sumusunod:2
-
Tandaan ang kanilang mga pangalan at ang pangalan ng mga miyembro ng kanilang pamilya at kilalanin sila.
-
Mahalin sila nang hindi sila hinuhusgahan.
-
Pangalagaan sila at palakasin ang kanilang pananampalataya nang “isa-isa,” gaya ng ginawa noon ng Tagapagligtas (3 Nephi 11:15).
-
Kaibiganin sila nang tapat at bisitahin sila sa kanilang tahanan at sa ibang lugar.
-
Pagmalasakitan ang bawat miyembrong babae. Tandaan ang mga kapanganakan, graduation, kasal, binyag, o iba pang pagkakataon na makahulugan sa kanya.
-
Lapitan at tulungan ang bago at di-gaanong aktibong mga miyembro.
-
Lapitan at tulungan ang mga nalulungkot o nangangailangan ng pag-alo.
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Mula sa Ating Kasaysayan
“Kasama sa Bagong Tipan ang mga kuwento tungkol sa kababaihan, na pinangalanan at hindi pinangalanan, na sumampalataya kay Jesucristo. … Ang mga babaeng ito ay naging mga ulirang disipulo. … Naglakbay [sila] kasama ni Jesus at ng Kanyang Labindalawang Apostol. Ibinigay nila ang kanilang kabuhayan upang tumulong sa Kanyang ministeryo. Pagkatapos Niyang mamatay at Nabuhay na Mag-uli, patuloy [silang] naging matatapat na disipulo.”3
Sumulat si Pablo tungkol sa isang babaing nagngangalang Febe, na “lingkod sa iglesia” (Mga Taga Roma 16:1). Hiniling niya sa mga tao na “tulungan ninyo siya sa anomang bagay na magiging kailangan niya sa inyo: sapagka’t siya nama’y naging katulong ng marami” (Mga Taga Roma 16:2). “Ang uri ng paglilingkod na ibinigay ni Febe at ng iba pang mga dakilang kababaihan ng Bagong Tipan ay nagpapatuloy ngayon sa mga miyembro ng Relief Society—mga lider, visiting teacher, ina, at iba pa—na tumutulong, o katuwang, ng marami.”4