Magpapatotoo Ka Ba?
LaReina Hingson, Indiana, USA
Kamakailan ay nagkaroon ako ng pagkakataong dumalo sa sacrament meeting sa ibang estado kung saan hindi ko kilala ang mga miyembro ng Simbahan. Para makausap ang isang miyembrong lalaking katabi ko, itinanong ko sa kanya kung balak ba niyang magpatotoo kapag nagsimula na. Sumagot siya ng oo at nagtanong, “Ikaw?”
“Hindi, hindi siguro,” sagot ko. At sinabi ko pa, “Pero totoo ang Simbahan, at ang ebanghelyo.”
Agad kong nalimutan ang maikli naming pag-uusap. Nang magsimula na ang pagkakataong magpatotoo, hinikayat kami na maikling oras lang ang gugulin namin para marami ang makapagpatotoo. Nang tumayo at nagpatotoo ang miyembrong kausap ko, inamin niya na kulang ang oras para maibahagi ang lahat ng nais niyang ibahagi tungkol sa ebanghelyo at sa kaligayahang dulot nito. Sa halip, ibinahagi niya ang kanyang pakikipag-usap sa akin, isang tao na noon lang niya nakilala, at kung paano naibuod ng simple kong sinabi ang lahat ng bagay: totoo ang Simbahan, at totoo ang ebanghelyo. Iyan ang mahalaga.
Habang iniisip ko ang karanasang iyon, naunawaan ko na makapagpapatotoo tayo sa maraming paraan, at maaari tayong magkaroon ng positibong impluwensya sa iba sa maikling oras lang. Gaano man kaikli ang pakikipag-usap natin sa isang tao, makakapag-iwan tayo ng magandang impresyon tungkol sa ebanghelyo at sa ating sarili.
Hindi ako nagpatotoo sa pulpito sa araw na iyon, ngunit naibahagi ko ang aking maikling patotoo at nadama ang aking impluwensya kapwa ng miyembrong iyon na nakausap ko at ng mga taong nakarinig sa kanyang patotoo.