Mabuti Pang Magdasal Ka Muna
Martins Enyiche, Nigeria
Halos talikuran ko ang Simbahan dahil sa pagtatalo namin ng aking stake president. Pakiramdam ko ay may nagawa siyang hindi tama. Hindi nakita sa kanyang mga kilos ang inaasahan kong dapat mangyari, kaya hindi na ako nagsimba.
Sabi ng asawa ko sa akin, “Hindi ka maaaring magpasiya nang ganyan nang walang taimtim na pagdarasal at pag-aayuno.”
Tama siya. Matapos akong magdasal nang ilang sandali, dumating sa akin nang malinaw at tuwiran ang sumusunod na mga salita: “Ang lingkod ng Diyos ay tinawag ng Diyos.”
Nang gabing iyon nanaginip ako. Sa aking panaginip, pinagalitan ako ng lolo ko sa pakikipagtalo sa aking lider. Nagising ako sa panaginip na iyon at magdamag akong hindi nakatulog. Matapos ang mahabang gabing pagninilay, alam ko na ang dapat kong gawin. Nagpunta ako sa aking stake president at humingi ng tawad. Masaya niyang tinanggap ang paghingi ko ng tawad, at magkasama kaming nagdasal.
Agad akong bumalik sa Simbahan. Makaraan ang dalawang linggo inilipat ako ng kompanya namin sa Abuja, ang kabisera ng Nigeria. Nagugulumihanan, inisip ko kung bakit ako kailangang mawala sa stake matapos akong makabalik sa Simbahan.
Hindi nagtagal nalaman ko na inihahanda ako ng Panginoon. Noong pangalawang buwan ko sa Abuja, tinawag ako bilang branch president.
Tiyak ko na gustong ituro sa akin ng Ama sa Langit ang kahalagahan ng pagsang-ayon sa mga lider ng Simbahan bago Niya ako tinawag na maging lider. Napalakas ng karanasang ito ang aking patotoo. Ngayon lubos kong pinagsisikapang makinig sa payo ng aking mga lider dahil alam kong tinawag sila ng Diyos. At sinumang Kanyang tawagin, ay binibigyan Niya ng kakayahang maisagawa ang tungkulin.1
Tao lang ang ating mga lider. Bagama’t binigyang-inspirasyon sila, hindi sila perpekto. Natutuhan ko na kung hindi tayo sang-ayon sa kanila, kailangan natin silang suportahan, palakasin ang kanilang loob, at ipagdasal sila at ang ating sarili nang sa gayon ay mapagkatiwalaan natin ang Diyos at ang mga lingkod na Kanyang pinili.