Hiniling ng Simbahan sa mga Miyembro na Unawain ang mga Patakaran sa Family History
Hiniling ng mga pinuno ng Simbahan sa mga Banal sa mga Huling Araw na pag-aralan at higit na unawain ang mga patakaran ng family history tungkol sa pagsusumite ng mga pangalan para sa mga ordenansa sa templo.
Ang mga kundisyon sa paggamit ng New.FamilySearch.org website ay itinakda “para gamitan ng sentido kumon, para sa doktrina, at para igalang,” sabi ni Dennis C. Brimhall, managing director ng Family History Department ng Simbahan.
Ang mga kundisyon ay simple at tahasan. “Ang mga gumagamit ay hindi dapat magsumite ng pangalan ng mga taong walang kaugnayan sa kanila para katawanin ng iba sa mga ordenansa sa templo, kabilang na ang pangalan ng mga artista o kilalang tao, o mga natipon mula sa di-inaprubahang mga extraction project.” Ito ang nakasaad na kundisyong dapat tanggapin ng lahat ng gagamit tuwing magla-log on sila sa site.
Ang muling pagbibigay-diin sa mga tuntunin, na nakasaad din sa Handbook 2 ng Simbahan, ay kasunod ng mga paglabag kamakailan sa patakaran ng Simbahan tungkol sa proxy baptism.
“Ang isa sa mga bagay na dapat nating tandaan ay na isa ngang responsibilidad ang saliksikin ang ating kaanak at ihanda ang mga pangalang gagawan ng mga ordenansa sa templo, ngunit isa rin itong pribilehiyo,” sabi ni Brother Brimhall. “Ang pribilehiyong iyan ay ibinibigay sa mga miyembrong mga mayhawak ng mga susi sa gawain. Ang mga susi sa gawaing ito ay hawak ng Unang Panguluhan ng Simbahan.”
Hiniling ng mga pinuno ng Simbahan sa mga miyembrong nagsusumite ng mga pangalan para sa proxy baptism ng mga pumanaw na:
-
Gawin lamang ito sa sarili nilang angkan.
-
Huwag magsumite ng pangalan ng mga artista.
-
Huwag magsumite ng pangalan ng mga grupong hindi awtorisado, tulad ng mga biktima ng Jewish Holocaust.
Naglabas ng pahayag ang mga pinuno ng Simbahan noong Pebrero 21, 2012, bilang tugon sa mga tanong tungkol sa mga paglabag sa patakaran ng Simbahan, na itinakda noong 1995 matapos makipag-usap sa mga pinunong Judio.
Inulit sa pahayag ang matibay na pangako ng Simbahan na hindi tatanggapin ang pangalan ng mga grupong hindi awtorisado para sa proxy baptism at binanggit na maiiwasan lamang ang mga proteksyong inilagay doon kung ang nagsumite ay gagamit ng “panlilinlang at manipulasyon.”
Ang gayong hakbang ay maaaring humantong hindi lamang sa suspensyon ng access ng miyembro ng Simbahan sa New.FamilySearch.org website, kundi maaari din silang bigyan ng disciplinary action ng mga lokal na lider sa ilang pagkakataon.
“Nakababahala kapag sadyang nilalabag ng isang tao ang patakaran ng Simbahan at pinagmumulan ng pagtatalo ang isang bagay na dapat sana’y isang handog ng pagmamahal at paggalang,” sabi sa pahayag.
“Ito ang panahon natin para matuto,” sabi ni Brother Brimhall. “Ipapaalala nating muli sa ating sarili ang mga karapatan at responsibilidad at susi at pribilehiyo at kung kaninong gawain ito at paano ito dapat gawin at sino ang namamahala sa gawain. Kung tatandaan lamang sana natin iyan, palagay ko magiging maayos ang lahat. … Mapapaganda natin ang system para sa lahat.”