Maiikling Balita sa Buong Mundo
Humiling ang Addiction Recovery Program ng mga Kuwento ng Paggaling
Sa paghahanda para sa Addiction Recovery Program (ARP) website na nakaiskedyul na ilunsad kalaunan sa taong ito, naghahanap ang Simbahan ng mga personal na kuwento ng paggaling mula sa adiksyon.
Ang mga gustong magbahagi ng kanilang kuwento ay dapat mag-e-mail sa arp@ldschurch.org na naglalaman ng sumusunod ng impormasyon, na pananatilihing kumpidensyal:
-
Buong pangalan, edad, at kasarian
-
Isang retrato mo (hangga’t maaari ngunit hindi kailangan)
-
Iyong koneksyon sa Simbahan/status ng pagiging miyembro
-
Isang maikling paliwanag tungkol sa iyong adiksyon o sa adiksyon ng iyong mahal sa buhay
-
Isang indikasyon ng kahandaan mong ibahagi ang iyong kuwento sa pamamagitan ng video, audio, text, o sa lahat ng ito
-
Iyong kuwento. Isama ang mga ibinunga ng iyong adiksyon (huwag magbanggit ng di-angkop na detalye, ngunit ikuwento ang mga epekto sa iyo ng adiksyon at sa mga nakapaligid sa iyo); isang maikling paglalarawan ng buhay mo nang malaman mong kailangan mo ng tulong; isang paliwanag kung paano mo naranasang gumaling sa pamamagitan ni Cristo at ano ang naranasan mo nang manumbalik ang iyong pag-asa; at isang paglalarawan ng buhay mo ngayon at ang mga aral at pagpapalang natanggap mo sa pamamagitan ng pagpapatawad, pagsisisi, at paglilingkod.
Tumulong ang mga Miyembro ng Simbahan sa Fiji sa mga Biktima ng Baha
Noong Pebrero, tatlong stake sa Suva, Fiji, ang nagdaos ng aktibidad para mangolekta ng pagkain, mga gamit sa bahay, at mga gamit sa paaralan para sa mga biktima ng baha sa hilaga at kanlurang Fiji.
Dumanas ng tuluy-tuloy na malalakas na pag-ulan ang Fiji nitong mga unang buwan ng taon, na naging sanhi ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar sa kanluran at hilaga. May ilang namatay dahil sa pagbaha at libu-libo ang napilitang lisanin ang kanilang tahanan.
Nang rumagasa ang baha sa kanluran at hilagang mga rehiyon ng Fiji, agad binuksan ng mga lokal na lider ng Simbahan ang mga meetinghouse para gawing mga evacuation center ng mga taong nabahaan.
Pinasimulan kaagad ni Elder Taniela Wakolo, Area Seventy at Fiji Service Center manager ng Simbahan, ang aktibidad noong Pebrero 6, matapos bigyang-babala ang mga lokal na lider ng Simbahan tungkol sa pagbaha. Nangalap ang mga miyembro at pinagbukud-bukod nila ang mga pagkain, damit, kumot at unan, lutuan, at mga gamit sa paaralan; pagkatapos ay ipinamigay ang mga ito sa mga taong nangangailangan.
Para mabasa ang iba pa tungkol dito at iba pang mga kuwento, bisitahin ang news.lds.org.