2012
Public Affairs: Pinag-uugnay ang Simbahan at Komunidad
Hulyo 2012


Public Affairs: Pinag-uugnay ang Simbahan at Komunidad

Sa pakikipagtulungan ng mga lider ng priesthood sa mga stake at district public affairs council, makatutulong silang lahat na patatagin ang kanilang mga komunidad—at itayo ang kaharian ng Diyos sa lupa.

Nang tawaging maglingkod si Carol Witt Christensen bilang public affairs director para sa Topeka Kansas Stake, nakaramdam siya ng “takot at kakulangan” sa pakikipag-ugnayan sa mga news reporter at editor sa ngalan ng mga lider ng stake.

“Medyo kabado ako kapag naiisip ko ang unang pakikiharap ko sa mga mamamahayag,” paggunita niya. At kahit Ingles ang major niya sa kolehiyo, sinasabi niya na “wala siyang anumang alam tungkol sa pagsulat ng mga pahayag at artikulong ilalabas sa media.”

Sa kabila ng pagdududa sa kanyang sarili, nagpasiya si Sister Christensen na umasa sa kanyang patotoo, sa nalalaman niya sa kanyang komunidad, at sa paniniwala na ang kanyang tungkulin ay nagmula sa inspiradong mga lider ng priesthood. Ayon sa kanya, nagsimula siya sa pagbibigay ng training sa Public Affairs Department at nagsimulang “matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig” (D at T 107:99).

Sinimulan niyang basahing mabuti ang lingguhang ulat ukol sa relihiyon sa pahayagan sa kanilang lugar upang malaman kung ano ang nararapat ipahayag. Tinawagan niya ang manunulat ukol sa relihiyon para malaman ang takdang petsa ng pagsusumite bago isumite ang unang artikulong ilalabas niya sa media.

“Napansin ko ang nakalimbag na mga mumunting balita at nagsimula akong pag-ukulan ng pansin sa simbahan ang mga aktibidad, kawili-wiling mga tao, at mga nagawa na tila angkop ibalita sa aming pahayagan,” paggunita niya.

Sa paglipas ng panahon, nalaman ni Sister Christensen na ang pakikitungo sa media ay hindi lamang pagbabahagi ng mga kuwento. Ito ay pag-alam din tungkol sa media at pagtulong sa mga reporter na gawin ang kanilang trabaho habang tinutulungan din silang maunawaan ang Simbahan.

Makaraan ang ilang tagumpay, kabilang na ang isang artikulo tungkol sa seminary program ng kanyang stake na lumitaw sa lokal na pahayagan, sinabi niya na nagkaroon siya ng tiwala at “matinding hangarin na ilabas ang Simbahan ‘mula sa pagkakatago’” (tingnan sa D at T 1:30). Ngayon, makalipas ang maraming taon, naglilingkod pa rin si Sister Christensen bilang public affairs director ng kanyang stake at sinasabing “nagniningas pa rin ang matinding hangaring iyon.”

“Karamihan sa nais naming gawin sa public affairs,” paliwanag niya, “ay nagpapakita na minamahal, pinaniniwalaan, at sinasamba natin si Jesucristo; kinakaibigan, tinutulungan, at pinaglilingkuran natin ang ating mga kapatid sa komunidad; at tinutulungan natin ang mga tao na magkaroon ng mas magandang opinyon tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo at sa Simbahan.”

Ginagabayan at hinihikayat ng mga lider ng priesthood sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga public affairs specialist at mga council habang kasa-kasama nila sa gawain ang mga ito sa kani-kanilang lugar upang maging kapaki-pakinabang sa kanilang mga komunidad, maitama ang mga maling pagkaunawa, at ipakita na ang mga miyembro ng Simbahan ay sumusunod kay Jesucristo.

Bagaman ang mga unang pagsisikap ni Sister Christensen ay nakatuon sa pakikipag-ugnayan sa media, maraming paraan ang pagsunod ng mga public affairs council ng Simbahan sa inspiradong pamamahala ng priesthood habang tumutulong din sa pagtatayo ng kanilang mga komunidad at ng kaharian ng Diyos.

Pakikipag-ugnayan sa Komunidad at Pamahalaan

Mga 65 milya (105 km) lamang mula sa Topeka, sa Lenexa Kansas Stake, sina President Bruce F. Priday, stake president, at Sister Carol Deshler, stake public affairs director, ay nagtutulungan sa pagbuo ng magandang pakikipag-ugnayan sa maimpluwensyang mga miyembro ng kanilang komunidad. Nais nilang tulungan sila na makilala ang mga Banal sa mga Huling Araw bilang “mababait na kapitbahay, mabuting impluwensya sa komunidad, at mga alagad ni Jesucristo,” sabi ni President Priday.

Si Sister Deshler, na nakikipagtulungan sa stake presidency at sa iba pang mga miyembro ng public affairs council ng stake, ay naghahanap ng mga pagkakataong makatuwang ang mga grupo ng ibang relihiyon at mga organisasyon sa komunidad upang higit pang mapaglingkuran ang mga mamamayan sa kanilang lugar.

“Halos lahat ng aming tagumpay sa pakikipagtulungan sa mga grupo sa komunidad ay bunga ng personal na pakikipag-ugnayan namin sa isa’t isa,” sabi ni Sister Deshler. Halimbawa, magkasamang nananghali ang isang miyembro ng ibang simbahan at isang miyembro ng kanyang stake at pinag-usapan nila kung paano magkakatulungan ang dalawang grupo sa paggawa ng mabuti para sa komunidad. Ang pag-uusap ay nauwi sa anim na tao—tatlo mula sa bawat simbahan—na bumubuo sa “Better Together” committee upang magpalitan ng mga ideya para sa pagtutuwang.

Ang pagtutuwang na iyon ay nauwi sa isang benefit concert noong 2010 kung saan lumahok ang mga koro mula sa ilang simbahan. Ang kailangan para makapasok ay magbigay ng isang bag ng mga groseri, na napunta sa isang paminggalan ng pagkain sa lugar para sa mahihirap. Mga 700 katao mula sa komunidad ang dumalo sa pagtatanghal, na ginanap sa bagong gawang stake center. Nagkaroon ng salu-salo para magkasama-sama ang mga lider ng relihiyon bago idinaos ang concert.

Pagkatapos ng concert, hiniling ng apat pang simbahan, dalawang miyembro ng city council, at ng hepe ng pulisya na makasama sila sa Better Together committee, na ngayon ay buwanang nagpupulong. Inulit ang concert noong 2011, sa pagkakataong iyon ay ibang simbahan naman ang naging punong-abala, pitong simbahan sa kabuuan ang nakilahok, at tinatayang 1,000 miyembro ng komunidad ang dumalo.

“Ang kapatiran at pagkakaisa bilang mga alagad ni Jesucristo ay damang-dama sa mga simbahan,” sabi ni Sister Deshler. Dama pa rin iyon kalaunan nang si President Priday ay nasa isang paliparang mahigit 1,000 milya (1,600 km) ang layo mula sa kanyang tahanan. Isang babaeng hindi niya kilala ang lumapit sa kanya at nakilala siya ng babae mula sa mga Better Together benefit concert, na sinalihan nito at talagang humanga siya rito.

Sinabi sa kanya ng babae, “Noon ko lang nadama ang pagmamahalan sa ating komunidad dahil sa mga pagtitipong ito. Salamat po at isa kayo sa mga tagapagtaguyod ng mga concert na ito. Ako po ay miyembro ng ibang kongregasyon, ngunit napakalaki ng aming paggalang at paghanga sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

“Iyan,” sabi ni President Priday, “ang layunin ng public affairs. Sa pagsisikap nating humanap ng mga paraan upang makamit ang ating mga mithiin, nagkaroon tayo ng maraming espesyal na mga kaibigan sa iba’t ibang komunidad. May respeto tayo sa mga paniniwala ng bawat isa at tunay ang pagmamahal natin sa isa’t isa.”

Ang pagkakaroon ng gayong kooperasyon at paggalang mula sa mga lider ng komunidad ay naging epektibo rin sa Eastern Europe. Si Katia Serdyuk, director ng media relations para sa public affairs council sa Ukraine, ay tumutulong sa mga public affairs missionary at lokal na lider ng priesthood upang pagandahin pa ang ugnayan sa pagitan ng Simbahan at ng komunidad. “Maraming taong mali ang palagay at impormasyon tungkol sa Simbahan,” sabi ni Sister Serdyuk. “Bilang mga public affairs specialist na tumutulong sa mga lider ng priesthood, sinisikap naming baguhin ang mga pananaw na iyon sa pakikipagtulungan sa maimpluwensyang mga lider, sa media, at sa lahat ng tao. Ang matagumpay na pagsisikap sa public affairs ay nakalilikha ng kapaligiran kung saan matutulungan ng maimpluwensyang mga tao ang Simbahan na makamit ang mga layunin nito habang tinutulungan din natin silang makamit ang kanilang mga mithiin.”

Sa Zhytomyr, Ukraine, nakilahok ang mga miyembro ng Simbahan sa isang salu-salong pinangunahan ng meyor ng lungsod na si Olexander Mikolayovich Bochkovskiy, upang kilalanin ang mga humanitarian project ng Simbahan na naglaan ng mga kagamitang kailangang-kailangan ng pitong paaralan sa iba’t ibang panig ng lungsod. Kinilala rin ang paglilingkod ng mga miyembro ng Simbahan sa Gagarin Park ng lungsod, na isinagawa noong Abril at Oktubre 2011. Ang pangulo ng Zhytomyr Branch na si Alexander Davydov ang kumatawan sa Simbahan at tumanggap sa pasasalamat ng lungsod.

Pagpaplano ng Pagtitipon

Bukod sa pakikipag-ugnayan sa media at komunidad, isa pang oportunidad sa public affairs ang nagmumula sa pagpaplano at pagiging punong-abala sa mga pagtitipon, sabi nina Daniel at Rebecca Mehr, na katatapos lang maglingkod sa public affairs mission sa Caribbean Area.

“Ang pag-anyaya sa mga miyembro na turuan ang kanilang mga kaibigan sa pamamagitan ng mga karaniwang aktibidad, gaya ng isang cultural event, salu-salo, isang proyektong pang-serbisyo, o iba pang mga aktibidad, ay talagang epektibo sa pagbubuo ng pagsasamahan,” sabi ni Sister Mehr.

Gayunman, nagbabala si Brother Mehr na ang isa sa mga pinakamalaking pagkakamaling magagawa ng mga public affairs specialist ay ang “simulang magplano ng mga aktibidad nang hindi iniisip ang mga pangangailangan ng komunidad at hindi sumasangguni sa mga lider ng priesthood.”

Naniniwala sina Elder at Sister Mehr na ang isang taunang plano na nagpapakita ng mga mithiin at tagubilin ng mga lider ng priesthood sa stake at ward ay isang paraan upang makatulong sa pagpaplano ng pagtitipon sa simula pa lang. Upang makabuo ng gayong taunang plano, inirekomenda ni Sister Mehr na makipag-ugnayan gamit ang apat na hakbang sa pagpaplano na nakatuon sa layong makamtan at nakatuon sa mga pangangailangan ng komunidad at mga mithiin ng lokal na priesthood:

  • Ano ang pinakamalalaking pangangailangan ng ating komunidad?

  • Anong mga usapin sa ating lugar ang nakakaapekto sa pag-unlad ng Simbahan, sa mabuti o sa masamang paraan?

  • Sino ang mga lider sa komunidad na maaari nating makatuwang sa pagtugon sa mga pangangailangan at paglutas sa mga usapin?

  • Paano natin mapapasimulan o maitutuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga lider na ito?

Kapag nasagot ang mga tanong na ito, maiiwasan ng mga lider ng priesthood at public affairs council ang paglikha ng “mga aktibidad para lang may magawa,” sabi ni Sister Mehr. Sa halip ay makapagpaplano ang mga council at maisasagawa ang mga pagtitipon na maaaring pagmulan ng tiwala sa pagitan ng mga lider ng komunidad at ng priesthood. Ang mga kaganapang ito ay nagbibigay rin ng pagkakataon sa mga miyembro ng Simbahan at mga miyembro ng komunidad na magkasama-sama at maging magkakaibigan.

Halimbawa sa Dominican Republic noong 2010, ang mga lider ng priesthood, public affairs council, at mga miyembro ng komunidad ay nagtulung-tulong sa pagtitipong nagtatampok sa mga ginagawa ng Mormon Helping Hands. Inanyayahan nina Brother at Sister Mehr ang ilang lider ng bansa na nakasama nila sa pagtatrabaho.

“Maraming dumalong kilalang mga tao na kumatawan sa maraming institusyon at organisasyon,” paggunita ni Brother Mehr, na sinabing dumating din ang Area Presidency ng Simbahan.

“Talagang tagumpay ang pagtitipon,” pag-uulat niya. “Lalo pang dumarami ang mga meyor at organisasyon sa lungsod na nagpapatulong sa amin sa paglilinis. Bukod dito, nagkaroon ng mas magandang opinyon ang maraming organisasyon tungkol sa Simbahan.”

Bagaman mahalaga ang pamamahala ng priesthood para maging matagumpay ang pagpaplano ng kaganapan, hindi lamang ito ang dapat isaalang-alang. Si Kathy Marler ay naglilingkod sa isang multistake public affairs council sa San Diego, California, USA. Sinabi ng isa sa mga kaibigan niyang miyembro ng ibang relihiyon na mahusay ang mga Banal sa mga Huling Araw sa pag-aanyaya sa iba sa mga aktibidad na inisponsor ng Simbahan ngunit kadasalan ay hindi sila nakikipag-ugnayan sa iba sa mga pagtitipon ng ibang mga simbahan.

Naalala ni Sister Marler na sinabi ng kanyang kaibigan na, “Niyayaya lang ninyong sumama ang iba. Mas maganda kung tanungin ninyo kami kung kailangan namin ng tulong. Matunog na oo ang magiging sagot.”

Sa pag-alam sa mga pangangailangan ng iba, sabi ni Sister Marler, kung minsan daw ay mas nakatutulong ang mga public affairs council kaysa kung sila mismo ang magpapasimuno sa mga pagtitipon.

Komunikasyon at Pamamahala Kapag may Krisis

Bagaman ang trabaho ng public affairs ay nangyayari sa araw-araw na mga sitwasyon sa buhay sa komunidad, maaari din nitong tulungang maghanda ang isang lugar sa stake, bansa, o Simbahan sa pagtugon sa oras ng emergency, tulad ng nangyari noong isang taon sa Japan.

Noong si Bishop Gary E. Stenvenson, Presiding Bishop, ang Pangulo ng Asia North Area, nakita niya mismo kung paano dagliang binago ng lindol noong 2011 ang pananaw ng media. “Dahil sa lindol at tsunami natuon ang pansin ng daigdig at ng buong Japan sa nasalantang hilagang-silangang baybayin ng bansa,” paggunita niya.

Sinabi ni Bishop Stevenson na ang matinding pinsala ay lumikha ng “matinding interes” sa humanitarian aid at mga boluntaryong serbisyo na inalok sa Japan, kabilang na ang mga ibinigay ng Simbahan.

Nang magkaroon ng tsunami, nagsimulang magbigay ang Simbahan ng mga pangunahing kailangan sa nasalantang mga miyembro at di-miyembro ng Simbahan. “Sinimulang subaybayan ng lokal at internasyonal na media ang bawat kuwento,” sabi ni Bishop Stevenson.

Sa pagbibigay ng Simbahan ng mahigit 250 toneladang tulong na suplay at sa pagtulong ng mahigit 24,000 boluntaryo na nakapagbigay ng mahigit 180,000 oras ng paglilingkod, ang pagbibigay ng tulong ay madalas mapansin ng mga lokal na lider ng pamahalaan, pagsasalaysay na muli ni Bishop Stevenson. Sa isang bansa kung saan wala pang dalawang porsiyento ng populasyon ang mga Kristiyano, nais malaman ng ilan sa mga lider na iyon ang papel ng Simbahan sa mga pagtulong na ginawa. Ang pag-uusisa, sabi niya, ay nagbigay ng pagkakataon sa mga public affairs specialist hindi lamang para tulungan ang mga lubhang nangangailangan kundi para magkaroon din ng unawaan. Halimbawa, isang linggo matapos salantain ng tsunami ang Japan, isinulat ng isang reporter: “Ang tanging pumapantay sa kakayahan ng simbahang Mormon na ipalaganap ang salita ay ang kakayahan nitong tumulong sa mga oras ng emergency. … Ang simbahan ay hindi lamang nakatuon sa sarili nitong kawan.”1

Nangyari ang positibong artikulong ito dahil sa maraming taon ng pagbubuo ng mabubuting pakikipag-ugnayan. Sinabi nina Conan at Cindy Grames, na nagsimulang maglingkod bilang mga kinatawan ng public affairs sa Asia North Area noong Agosto 2010, na “matagal nang nakikipagtulungan ang public affairs council sa Japan sa matataas na lider ng pamahalaan sa iba’t ibang panig ng bansa. Ang mga pagkakaibigang ito ang nagbukas ng pintuan sa mga lokal na ahensya, na handang tumanggap noon ng ating tulong.” Binigyang-diin ni Elder Yasuo Niiyama, na naglilingkod kasama ang kanyang asawa bilang director ng public affairs council ng Simbahan sa Japan, na “maging ang mga lider ng pambansang pamahalaan ng Japan ay nabatid kung gaano kaepektibo ang Simbahan at gaano tayo kabilis sa pagpapadala ng tulong.”

Ang isang pagkakataon na pinasalamatan ng mga lider ng Japan ang napapanahong tulong ng Simbahan ay nang matunton ng mga lokal na lider ng priesthood ang isang kanlungang puno ng mga taong nasalanta na nasa isang paaralan sa isang liblib na lugar. Katuwang ang public affairs council at ang welfare manager ng Simbahan sa lugar, inasikaso ng mga lider ng priesthood ang pagkain at iba pang mga relief supply upang maihatid sa kanlungang iyon, na kumanlong sa tinatayang 270 biktima ng tsunami na nawalan ng tahanan.

Kahit nagulat sa simula ang mga nasa kanlungang iyon na makatanggap ng tulong mula sa isang simbahang Kristiyano, pagdating ng mga Mormon Helping Hands volunteer sa ikalawang pagkakataon, suot ang kanilang dilaw na tsaleko, isang bata ang sumigaw ng, “Heto na sila! Ano naman kaya ang dala nila ngayon!”

Pagkatapos matanggap ang mga donasyon, sinabi ng shelter coordinator kina Elder at Sister Grames, “Ang simbahan ninyo ang nagdala sa amin ng unang pagkain at mga sariwang gulay pagkatapos ng lindol.”

“Ang sarap sa pakiramdam,” sabi ni Sister Grames, “na talagang makatulong hindi lamang sa kanlungan kundi maging sa mga lider ng priesthood na nagsisikap na mabuti na matulungan ang mga nangangailangan.”

Ipinaliwanag ni Elder Niiyama ang isa pang magandang resulta ng mga ginagawa ng council: “Natuklasan namin na ang pagbabahagi ng impormasyon tungkol sa pagkakawanggawa ng Simbahan sa mga miyembro gayundin sa maimpluwensyang mga lider ay napakahalaga sa mga mithiin ng ating public affairs. Dama ko na mas maganda na ngayon ang tingin ng mga taong di-miyembro sa Simbahan at mas tiwala na ang mga miyembro sa katatagan ng Simbahan sa Japan.”

Public Affairs Bilang Kasangkapan ng Pamunuan ng Lokal na Priesthood

Bilang mahalagang bahagi ng pandaigdigang samahan, ang mga lider ng priesthood ay makikinabang sa mga public affairs council na nakaaalam sa lokal na kapaligiran at nakatutulong sa pagtugon sa mga pangangailangan ng komunidad. Si Sister Serdyuk, sa Ukraine, ay nagsabing, “Nakatutuwang makita ang malugod na pagtanggap ng mga lider ng priesthood sa public affairs bilang kasangkapan sa pagkakamit ng kanilang mga mithiin sa priesthood. Isang halimbawa nito ang mga paglilingkod sa komunidad sa pamamagitan ng mga gawain ng ating Mormon Helping Hands, na nakipagkaisa sa mga miyembro ng mga branch at ward at nakatulong din na magkaroon ng mas malapit na ugnayan ang Simbahan sa mga lokal na komunidad.”

Tala

  1. Kari Huus, “In Japan, the Mormon Network Gathers the Flock,” World Blog mula sa NBC News, Mar. 18, 2011, http://worldblog.msnbc.msn.com/_news/2011/03/18/6292170-in-japan-the-mormon-network-gathers-the-flock.

Paglalarawan ni David Stoker

Sa loob ng dalawang taon nakipagtuwang ang Lenexa Kansas Stake sa Estados Unidos sa iba pang mga simbahan sa lugar para magdaos ng isang benefit concert. Ang kailangan para makapasok—isang bag ng mga groseri—ay ibinigay sa isang paminggalan ng pagkain sa lugar para sa mahihirap. Noong 2011, tinatayang 1,000 mamamayan ng komunidad ang dumalo, kabilang na ang ilang pinuno ng simbahan at pamahalaan.

Mga larawang kuha ni Carol Deshler

Kasunod ng lindol noong 2011 sa Japan, tumulong ang mga lider ng priesthood sa mga public affairs specialist upang pakilusin ang pagbibigay ng tulong sa pamamagitan ng programang Mormon Helping Hands. Tungkol sa mga humanitarian effort na ito, isinulat ng isang reporter: “Ang tanging pumapantay sa kakayahan ng simbahang Mormon na ipalaganap ang salita ay ang kakayahan nitong tumulong sa mga oras ng emergency.”

Mga larawang kuha ni Conan Grames