Paglilingkod sa Simbahan
Ang Aral ay Nasa Kalooban ng Mag-aaral
Kapag kinilala natin ang kahanga-hangang potensyal ng bawat mag-aaral, nakikita natin ang mga bagay-bagay ayon sa tingin ng Diyos.
Habang nasa isang atas ng Simbahan sa Cusco, Peru, dumalo kaming mag-asawa sa pinagsamang klase ng Relief Society at Melchizedek Priesthood. Ang guro noong araw na iyon ay ang adult Gospel Doctrine teacher. Dahil nagkaproblema sa iskedyul ang unang dalawang pulong, mga 20 minuto na lang ang natira para maituro niya ang inihanda niyang aralin.
Nagsimula siya sa paghiling na tumayo ang lahat ng miyembrong sumapi sa Simbahan sa nakaraang dalawang taon. Limang miyembro ang tumayo. Isinulat niya ang number 5 sa pisara at sinabing, “Mga kapatid, napakagandang makapiling natin ngayon ang 5 miyembrong ito na kamakailan lang sumapi sa Simbahan. Ang tanging problema ay sa nakalipas na dalawang taon, 16 na bagong miyembro ang nabinyagan natin dito sa ward.”
Pagkatapos ay isinulat niya ang number 16 sa tabi ng number 5 at buong sigasig na itinanong, “Kung gayon, mga kapatid, ano ang gagawin natin?”
Isang babae ang nagtaas ng kamay at sinabing, “Kailangan natin silang hanapin at ibalik.”
Sumang-ayon ang guro at pagkatapos ay isinulat ang salitang sagipin sa pisara. “May 11 bagong miyembro tayong kailangang ibalik,” sagot niya.
Pagkatapos ay binasa niya ang sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa kahalagahan ng pagsagip. Binasa rin niya mula sa Bagong Tipan kung paano hinanap ng Tagapagligtas ang nawawalang tupa (tingnan sa Lucas 15:6). Pagkatapos ay itinanong niya, “Paano natin sila ibabalik?”
Nagtaasan ang mga kamay, at isa-isa niyang tinawag ang mga miyembro. Nagmungkahi ang mga miyembro ng klase kung paanong bilang isang ward family o bilang mga indibiduwal ay maaari silang magtulungan upang maibalik sa simbahan ang mga nabinyagan kamakailan. Pagkatapos ay nagtanong ang guro, “Kung naglalakad kayo sa kalye at nakita ninyo sa kabila ng kalsada ang isang tao na nakilala ninyong isa sa mga bagong binyag na ito, ano ang gagawin ninyo?” Sabi ng isang miyembro, “Tatawid ako ng kalsada at babatiin siya. Sasabihin ko kung gaano natin siya kailangang maibalik at kung gaano tayo kasabik na makasama siyang muli.”
Sumang-ayon ang iba pa sa klase at nag-alok ng karagdagang mga mungkahi kung paano matutulungan ang mga miyembrong ito. Naging masigla ang mga tao sa silid, nagkaroon ng determinasyong gawin ang kinakailangan upang matulungan ang mga nabinyagang ito kamakailan na mahanap ang daan pabalik sa pagiging ganap na aktibo.
Nilisan naming mag-asawa ang klaseng ito na may ibayong hangaring kumilos upang tulungan ang isang tao na bumalik sa pagiging aktibo sa Simbahan. Naniniwala ako na gayon ang damdamin ng lahat paglisan nila sa klase. Pagkatapos ng karanasang ito, itinanong ko sa sarili: Paano naging napakaepektibo ng maikling araling ito? Bakit lumisan ang lahat sa klase na nadaramang lubha silang nahikayat na ipamuhay nang mas lubusan ang ebanghelyo?
Habang pinag-iisipan ang dalawang tanong na ito, natukoy ko ang apat na alituntuning siyang dahilan kaya naging epektibong karanasan sa pagkatuto at pagtuturo ang klaseng ito:
-
Pagbabalik-loob ang pakay.
-
Pag-ibig ang motibo.
-
Doktrina ang susi.
-
Ang Espiritu ang guro.
Pagbabalik-loob ang Pakay
Sa halip na sikaping “‘ibuhos ang impormasyon’ sa isipan ng mga miyembro ng klase,” gaya ng ibinabala sa atin ni Pangulong Monson na huwag gawin, sinisikap ng gurong ito “na bigyang-inspirasyon ang indibiduwal na pag-isipan, damhin, at pagkatapos ay kumilos at ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo.”1
Sa madaling salita, ang pakay ng gurong ito ay tulungan ang mga miyembro ng klase na gawin ang isang bagay na maaaring hindi nila magagawa kung hindi sila dumalo sa klase. At ang paggawa na iyon ay para tulungan ang bawat tao na maging tunay na disipulo ng Tagapagligtas.
Ang pakay ng ganitong uri ng pagtuturo ay pagbabalik-loob. Ang ibig sabihin ng salitang pagbabalik-loob ay bumaling sa isang bagong direksyon, magbago ng ugali. Ang pagbabalik-loob—pagiging isang tunay na disipulo—ay hindi minsanang nangyayari kundi ito ay isang habambuhay na proseso.2 Sa klaseng ito ang paggawa ng mga miyembro ng klase ay nilayon upang tulungan hindi lamang ang mga miyembro ng klase kundi maging ang mga bagong miyembro na sisikapin nilang maibalik sa pagiging aktibo. Anumang oras nating ipamuhay nang mas lubusan ang isang alituntunin ng ebanghelyo, isang tao ang napagpapala nang tuwiran o hindi tuwiran. Dahil dito, ang pagkatuto at pagtuturo sa ebanghelyo ay kakaiba. Sa halip na humantong lamang sa pagkakaroon ng kaalaman, ang pagkatuto sa ebanghelyo ay humahantong sa personal na pagbabalik-loob.
Pag-ibig ang Motibo
Habang nakikilahok sa klase sa Peru, nadama ko ang pagmamahal ng guro sa mga naroon gayundin sa mga bagong binyag nang anyayahan niya ang mga miyembro ng klase na magpaaktibo ng mga miyembro. Damang-dama ang pagmamahal sa silid—ng guro sa mag-aaral, ng mag-aaral sa guro, ng isang mag-aaral sa isa pa, at ng mga mag-aaral sa mga bagong miyembro.
Tinutulungan tayo ng pagmamahal bilang mga guro na magturo na gaya ng pagtuturo ng Tagapagligtas kung Siya ay nasa ating silid-aralan. Tunay na ang “pagmamahal ay nag-uudyok sa atin na maghanda at magturo nang iba-iba.”3
Kapag ang motibo ng guro ay talakayin ang buong aralin, ang guro ay nakatuon sa nilalaman nito sa halip na sa mga pangangailangan ng bawat mag-aaral. Parang dama ng gurong Peruvian na hindi kailangang talakayin ang anuman. Gusto lamang niyang bigyang-inspirasyon ang mga miyembro ng klase na tulungan ang kanilang mga kapatid nang may pagmamahal. Ang pagmamahal sa Panginoon at pagmamahal sa isa’t isa ang naging dahilan. Pag-ibig ang motibo. Kapag pag-ibig ang ating motibo, palalakasin tayo ng Panginoon upang maisakatuparan natin ang Kanyang mga layunin na tulungan ang Kanyang mga anak. Bibigyan Niya tayo ng inspirasyon kung ano ang kailangan nating sabihin bilang mga guro at kung paano natin dapat sabihin ito.
Doktrina ang Susi
Hindi nagbasa ang guro sa Peru mula sa manwal nang magturo siya. Kumbinsido ako na ginamit niya ang manwal o mga mensahe sa kumperensya upang maghanda para sa klase, ngunit nang magturo siya, nagturo siya mula sa mga banal na kasulatan. Muli niyang ikinuwento ang tungkol sa nawawalang tupa at binigkas ang talatang ito: “At ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid” (Lucas 22:32). Ibinahagi niya ang paanyaya ni Pangulong Monson sa lahat ng miyembro ng Simbahan na sagipin ang mga naliligaw ng landas. Ang mga doktrinang nasa sentro ng kanyang aralin ay pananampalataya at pag-ibig sa kapwa. Kinailangan ng mga miyembro ng klase ng sapat na pananampalataya para kumilos, at kinailangan nilang kumilos nang may pagmamahal.
Kapag ang mga doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay itinuturo nang buong linaw at katapatan, pinalalakas ng Panginoon kapwa ang mag-aaral at ang guro. Kapag lalong nagmumungkahi ang mga miyembro ng klase tungkol sa pagtulong sa kanilang mga kapatid na di-gaanong aktibo, lalong napapalapit ang bawat isa sa Tagapagligtas, na palaging tumutulong noong magministeryo Siya sa lupa. Doktrina ang susi sa epektibong pagkatuto at pagtuturo ng ebanghelyo. Binubuksan nito ang mga puso. Binubuksan nito ang mga isipan. Binibigyang-daan nito ang Espiritu ng Diyos na bigyang-inspirasyon at palakasin ang lahat ng naroon.
Ang Espiritu ang Guro
Kinikilala ng magagaling na guro ng ebanghelyo na hindi sila ang talagang guro. Ang ebanghelyo ay itinuturo at natututuhan sa pamamagitan ng Espiritu. Kung wala ang Espiritu, ang pagtuturo ng mga katotohanan ng ebanghelyo ay hindi hahantong sa pagkatuto (tingnan sa D at T 42:14). Kapag lalong nagbibigay ang guro ng nakapanghihikayat na paanyayang kumilos, lalong nadarama ang presensya ng Espiritu sa aralin. Nagbigay ng nakapanghihikayat na paanyaya ang gurong Peruvian. At habang tumutugon ang mga miyembro ng klase sa mga mungkahi, lalo pang nadama ang Espiritu at napalakas nito ang lahat.
Hindi sinusubukan ng guro noon na talakayin ang buong aralin. Sa halip, sinisikap niyang ihayag ang aral na nasa kalooban na ng mag-aaral. Sa pag-anyaya sa mga miyembro ng klase sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, natulungan ng guro ang mga miyembro na matuklasan ang sarili nilang hangaring kumilos—na tulungan ang kanilang mga kapatid nang may pagmamahal. Nang ibahagi ng mga miyembro ng klase ang kanilang mga ideya, nabigyang-inspirasyon nila ang bawat isa dahil sama-sama silang nag-anyaya sa Espiritu.
Kapag sinisikap nating ipamuhay ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nakapaligid sa atin, bibigyan tayo ng Panginoon ng inspirasyon kung ano ang dapat nating gawin. Kaya nga kung bilang mga guro ay nais nating mas madama ang Espiritu sa ating klase, kailangan lang nating anyayahan ang mga miyembro ng klase na ipamuhay nang mas lubusan ang isang alituntunin ng ebanghelyo. Kapag nangako tayong mas ipamuhay ang isang alituntunin ng ebanghelyo, napapalapit tayo sa Diyos at lumalapit ang Diyos sa atin (tingnan sa D at T 88:63).
Ang Potensyal ng Bawat Mag-aaral
Hindi tayo natututo at nagtuturo tungkol sa ebanghelyo para lang magkaroon ng kaalaman. Natututo at nagtuturo tayo tungkol sa ebanghelyo para magtamo ng kadakilaan. Ang pagkatuto at pagtuturo tungkol sa ebanghelyo ay hindi tungkol sa pagpapakadalubhasa sa mga katotohanan; ang mga ito ay tungkol sa pagpapakadalubhasa sa pagkadisipulo. Nagtuturo man tayo sa sarili nating mga anak sa tahanan o nagtuturo sa mga miyembro ng ward o branch sa silid-aralan, kailangan nating tandaan na ang aral na itinuturo natin ay nasa kalooban na ng mag-aaral. Ang ating papel bilang mga magulang o guro ay tulungan ang mga mag-aaral na matuklasan ang aral sa sarili nilang puso’t isipan.
Kapag kinilala natin ang kahanga-hangang potensyal ng bawat mag-aaral, nakikita natin ang mga bagay-bagay ayon sa tingin ng Diyos. Sa gayon ay masasabi natin ang nais Niyang sabihin natin at magagawa ang nais Niyang gawin natin. Habang tinatahak natin ang landas na ito ng pagkatuto at pagtuturo, pagbabalik-loob ang ating pakay, pag-ibig ang ating motibo, doktrina ang susi, at ang Espiritu ang guro. Kapag natuto at nagturo tayo sa ganitong paraan, pagpapalain ng Panginoon kapwa ang mag-aaral at ang guro “upang ang lahat ay mapasigla ng lahat” (D at T 88:122).