Pag-unawa sa Ating mga Tipan sa Diyos
Buod ng Ating Pinakamahahalagang Pangako
“Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” pagpapaliwanag ni PangulongThomas S. Monson, “ang mga banal na tipan ay dapat nating igalang, at ang katapatan sa mga ito ay kailangan para sa ating kaligayahan. Oo, ang tinutukoy ko ay ang tipan ng binyag, ang tipan ng priesthood, at ang tipan ng kasal bilang mga halimbawa.”1
Sa Simbahan, ang ordenansa ay isang sagrado at pormal na gawaing isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Ang ilang ordenansa ay mahalaga sa ating kaligtasan. Bilang bahagi nitong “nakapagliligtas na mga ordenansa,” pumapasok tayo sa mga sagragong pakikipagtipan sa Diyos.2
Ang isang tipan ay pangako ng dalawang panig, na ang mga kundisyon ay Diyos ang nagtatakda.3 Kapag nakikipagtipan tayo sa Diyos, nangangako tayong susunod sa mga kundisyong iyon. Nangangako naman Siya ng ilang pagpapala bilang kapalit nito.
Kapag tinanggap natin ang mga nakapagliligtas na ordenansang ito at tinupad ang mga tipan na kalakip nito, nagkakaroon ng bisa sa buhay natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at matatanggap natin ang pinakamalaking pagpapala na maibibigaysa atin ng Diyos ang—buhay na walang hanggan (tingnan sa D at T 14:7).
Dahil ang pagtupad sa ating mga tipan ay mahalaga sa ating kaligayahan ngayon at kalaunan sa pagtanggap natin ng buhay na walang hanggan, mahalagang maunawaan kung ano ang ipinangako natin sa ating Ama sa Langit. Ang sumusunod ay buod ng mga tipan na ginagawa natin kalakip ng nakapagliligtas na mga ordenansa at mga mungkahi kung saan marami pa kayong matututuhan.
Binyag at Kumpirmasyon
Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, na isinagawa ng isang taong may awtoridad, ang unang nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo at kailangan ng isang tao para maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi maihihiwalay sa binyag ang kasama nitong ordenansa ng kumpirmasyon—ang pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo.
Kapag nabinyagan tayo, nakikipagtipan tayong tataglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, na lagi Siyang aalalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan. Nangangako rin tayong “paglilingkuran siya hanggang wakas” (D at T 20:37; tingnan din sa Mosias 18:8–10).
Bilang kapalit, nangangako ang Ama sa Langit na kapag pinagsisihan natin ang ating mga kasalanan, maaari tayong mapatawad (tingnan sa Alma 7:14) at “sa tuwina ay mapa[pasaatin] ang Kanyang Espiritu” (D at T 20:77), isang pangakong naging posible, kahit paano, sa pamamagitan ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo.
Ang mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon ang pintuang kailangang pasukan ng lahat ng naghahangad ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Juan 3:3–5). Ang paggalang sa ating mga tipan sa binyag ay humahantong sa at isang mahalagang bahagi ng paggawa ng mga tipang may kaugnayan sa lahat ng iba pang nakapagliligtas na mga ordenansa sa landas tungo sa buhay na walang hanggan (tingnan sa 2 Nephi 31:17–21).
Ang Sakramento
Ang mga nakatanggap sa nakapagliligtas na mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon ay nakikibahagi sa sakramento bawat linggo upang panibaguhin ang mga tipang iyon. Habang nakikibahagi ng tinapay at tubig, naaalala natin ang sakripisyong ginawa ng Tagapagligtas para sa atin. Bukod dito, iniisip nating mabuti ang mga tipan na ginawa natin na tataglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, na lagi Siyang aalalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan. Bilang kapalit, nangangako ang Diyos na maaaring mapasaatin ang Kanyang Espiritu sa tuwina (tingnan sa D at T 20:77, 79).
Ang ordenansa ng sakramento ay isang pagkakataon bawat linggo para panibaguhin ang mga sagradong tipang nagpapahintulot sa atin na makibahagi sa nagbabayad-salang biyaya ng Tagapagligtas na espirituwal na nakalilinis na tulad ng binyag at kumpirmasyon.
Itinuro din ng mga lider ng Simbahan na kapag nakikibahagi tayo ng sakramento, hindi lamang tayo nagpapanibago ng ating mga tipan sa binyag kundi ng “lahat ng ating mga pakikipagtipan sa Panginoon.”4
Ang Sumpa at Tipan ng Priesthood
Sumusumpa (nagbibigay-garantiya) ang Ama sa Langit na magkakaloob Siya ng mga pagpapala sa mga tumutupad sa mga tipang nauugnay sa pagtanggap ng priesthood.
Kapag ang mga lalaki ay namumuhay nang marapat upang makamtan ang Aaronic at Melchizedek Priesthood at “[ginagampanang mabuti] ang kanilang tungkulin,” nangangako ang Diyos na sila ay “pababanalin sa pamamagitan ng Espiritu para sa pagpapanibago ng kanilang mga katawan.” Sila ay nagiging mga tagapagmana ng mga pangakong ginawa kina Moises, Aaron, at Abraham. (Tingnan sa D at T 84:33–34.)
Ang pagkakaroon ng Melchizedek Priesthood ay kailangan ng kalalakihan upang makapasok sa templo. Doon ay maaaring magkasamang matanggap ng kalalakihan at kababaihan ang kabuuan ng mga pagpapala ng priesthood sa kasal.
Sa pagtanggap ng lahat ng nakapagliligtas na ordenansa ng priesthood, matatanggap ng lahat ng tao ang pangako tungkol sa “lahat ng mayroon [ang] Ama” (tingnan sa D at T 84:35–38).
“Pambihirang mga pagpapala ang dumadaloy mula sa sumpa at tipang ito sa karapat-dapat na kalalakihan, kababaihan, at mga bata sa buong mundo,” pagtuturo ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol.5
Ang Endowment
Ang endowment sa templo ay isang kaloob na nagbibigay ng pananaw at kapangyarihan.
Sa endowment sa templo tumatanggap tayo ng mga tagubilin at gumagawa ng mga tipan na may kaugnayan sa ating walang hanggang kadakilaan. Kaugnay ng endowment ang mga ordenansa ng paghuhugas at pagpapahid ng langis at pagsusuot ng mga temple garment bilang paalaala sa mga sagradong tipan.6 Ang mga ordenansa at tipan sa templo ay napakasagrado kaya hindi ito pinag-uusapan nang detalyado sa labas ng templo. Dahil diyan, ipinayo ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Mahalaga na makinig kayong mabuti habang isinasagawa ang mga ordenansang ito at subukan ninyong tandaan ang mga pagpapalang ipinangako at ang mga kundisyon kung paano matutupad ang mga ito.”7
Itinuro sa atin ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang susi sa pagtanggap ng banal na kapangyarihan upang malampasan ang oposisyon at maisulong ang Simbahan “ay ang tipan na ginagawa natin sa loob ng templo—ang pangako nating sumunod at magsakripisyo, na ibigay ang lahat sa Ama, at ang Kanyang pangako na bibigyan tayo ng ‘dakilang kaloob.’”8
Marami pa kayong matututuhan tungkol sa mga alituntunin sa likod ng mga tipang ginagawa natin sa endowment sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga sumusunod:
-
“Pagsunod,” Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (2009), 237–244.
-
M. Russell Ballard, “Ang Batas ng Pagsasakripisyo,” Liahona, Mar. 2002, 10.
-
Tungkol sa “batas [ng] ebanghelyo” (D at T 104:18), tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42.
-
“Ang Batas ng Kalinisang-Puri,” Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (2009), 267–76.
-
D. Todd Christofferson, “Larawan ng Isang Buhay na Inilaan,” Liahona, Nob. 2010, 16.
Ang Pagbubuklod
Ang ordenansa sa templo na tinutukoy na “kasal sa templo” o “pagkakabuklod” ay lumilikha ng walang hanggang pagsasama ng mag-asawa na maaaring magtagal hanggang sa kabilang-buhay kung tapat ang mag-asawa sa isa’t isa. Ang ugnayan ng magulang at anak ay maaari ding magpatuloy hanggang sa kabilang-buhay, na nag-uugnay sa mga henerasyon sa walang-hanggang pagsasama ng mga pamilya.
Kapag pumasok ang isang tao sa tipan ng kasal sa loob ng templo, siya ay nakikipagtipan kapwa sa Diyos at sa kanyang asawa. Nangangako ang mag-asawa na magiging tapat sila sa isa’t isa at sa Diyos. Sila ay pinapangakuan ng kadakilaan at maaaring magpatuloy ang kanilang ugnayan sa pamilya hanggang sa kawalang-hanggan (tingnan sa D at T 132:19–20). Ang mga anak na isinilang sa isang mag-asawa na nabuklod sa templo o ang mga anak na kalaunan ay ibinuklod sa kanilang mga magulang ay may karapatang maging bahagi ng isang walang hanggang pamilya.
Tulad sa iba pang mga ordenansa, ang indibiduwal na katapatan sa ating mga tipan ay kailangan upang ang ordenansang ginawa sa lupa ay mabuklod, o magkaroon ng bisa, sa langit sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng Pangako.9 Ang mga indibiduwal na tumutupad sa kanilang mga tipan—kahit hindi tumutupad sa tipan ang kanilang asawa—ay hindi pagkakaitan ng ipinangakong mga pagpapala sa pagbubuklod.
Paggawa at Pagtupad ng Sagradong mga Tipan
Sa pagpasok natin sa mahahalagang tipan na ito, tayo ay nagiging kabahagi ng bago at walang hanggang tipan, “maging ang kabuuan ng [ebanghelyo ni Jesucristo]” (D at T 66:2). Ang bago at walang hanggang tipan ay “ang kabuuan ng lahat ng tipan at obligasyon sa ebanghelyo” na ating ginawa,10 at ang bungang mga pagpapala ay ang lahat ng mayroon ang Ama, kabilang na ang buhay na walang hanggan.
Sa pagsisikap nating unawain at tuparin ang ating mga tipan, dapat nating tandaan na ang pagtupad ng ating mga tipan ay hindi lamang listahan ng mga bagay na gagawin kundi isang taimtim na pangako na maging katulad ng Tagapagligtas.
“Ang Huling Paghuhukom ay hindi lamang pagsusuri ng lahat-lahat ng mabubuti at masasamang gawa—na ating ginawa,” pagtuturo ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Ito ay pagkilala sa huling epekto ng mga pag-iisip at gawa natin—kung ano ang ating kinahinatnan. Hindi sapat para sa sinuman na basta gumawa lang. Ang mga kautusan, ordenansa, at tipan ng ebanghelyo ay hindi parang listahan ng mga depositong kailangang ilagak sa bangko upang magkamit ng gantimpala sa huli. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang plano na nagpapakita kung paano tayo magiging tulad ng ninanais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin.”11