2012
Kapag Hindi Nagtagumpay ang Magagandang Plano
Hulyo 2012


Kapag Hindi Nagtagumpay ang Magagandang Plano

Ang pagpaplano para sa kinabukasan ay mahalaga, lalo na sa mga young adult. Ngunit ano ang nangyayari kapag hindi natupad ang napakaayos na mga plano?

Si Jung Sung Eun ng Korea ay hindi nakapasa sa eksamen sa pagiging guro. Si Tina Roper ng Utah, USA, ay nawalan ng trabaho na inakala niyang magiging hanapbuhay na niya. Si Todd Schlensker ng Ohio, USA, ay nakatanggap ng espirituwal na patibay na mag-asawa na siya ngunit hindi natuloy ang kanyang kasal. Si Alessia Mazzolari (binago ang pangalan) ng Italy ay winakasan ang mukha namang perpektong relasyon.

Walang may gustong magsagawa ng “plan B.” Ngunit kahit bigo ang mga plano natin, hindi pinababayaan ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak. Napakaraming mabubuting bagay na magpapaganda sa buhay. Sa malao’t madali, baka malaman pa natin na ang mga balakid na nagpabago ng ating mga plano ang nagbigay sa atin ng kailangang ideya at karanasan (tingnan sa D at T 122:7) at humantong sa mas mabuti.

Pagpapabuti ng Pagkatao, Hindi ng mga Résumé

Nagsikap nang husto si Sung Eun na makamtan ang kanyang pangarap na maging guro. Paliwanag niya, “Dahil lagi kong sinisikap gawin ang lahat ng makakaya ko, halos lagi kong nakakamtan ang inaasam at ipinagdarasal ko.” Ngunit hindi nangyari iyon nang kumuha siya ng eksamen sa pagiging guro. “Nang hindi ako pumasa,” sabi niya, “parang naglaho sa isang iglap ang lahat ng pangarap ko.”

Hindi nag-alala si Tina sa simula nang bilhin ng ibang kompanya ang pinagtatrabahuhan niya. Pinangakuan siya ng bagong organisasyon na magtatagal siya sa isang posisyon, kaya lumipat pa siya ng bahay para mapalapit sa kanyang pinapasukan na umaasa sa maganda at bagong trabaho. Nang tanggalin siya ng kompanya makalipas ang ilang buwan, nakadama siya ng “kabiguan, kalituhan, kalungkutan, at kaunting pangamba.”

Sa halip na lubos na magtuon sa pagpapaganda ng kanilang résumé, natanto nina Sung Eun at Tina na makapagtutuon din sila sa pagpapabuti ng kanilang pagkatao. Kapwa sila napanatag sa pag-aaral ng ebanghelyo at pagdarasal.

“Si Apostol Pablo ay isang mabuting kaibigan na tumulong sa akin na maging matiyaga at patuloy na harapin ang mga hamon,” sabi ni Sung Eun. “Lagi siyang may mabuting saloobin at handang maghintay sa ipagkakaloob sa kanya ng Diyos, sa halip na umasa sa itinakda niyang panahon para sa sarili.

“May natutuhan ako sa kanyang halimbawa: ang paghihintay ay hindi lamang prosesong kailangan nating pagdaanan para makuha ang gusto natin. Bagkus, ito ay isang proseso na pinagiging uri tayo ng tao na nais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin sa pamamagitan ng mga pagbabagong ginagawa natin.”

Natuklasan ni Tina na ang pagbabagong kailangang-kailangan niya ay ang pagbabago ng pananaw. “Nagulat akong matuklasan na sinukat ko ang aking kahalagahan ayon sa mga pinahahalagahan ng mundo,” paggunita niya. “Nadama kong mahalaga ako dahil sa aking trabaho at posisyon, na kinuha sa akin. Ngayon ay natutuklasan ko ang aking kahalagahan sa mga walang-hanggang katotohanan na ako ay anak ng aking Ama sa Langit at ako ay may banal na potensyal. Hindi makukuha ang mga katotohanang ito kailanman.”

Inamin nina Tina at Sung Eun na bagama’t hindi palaging nakatutuwa ang pagpapabuti ng pagkatao, ang mga bunga ng sariling pag-unlad ay kasiya-siya. Sabi ni Sung Eun, “Ang taon na bumagsak ako sa eksamen sa pagiging guro ay hindi lamang ang pinakamasakit at pinakamalungkot na panahon, kundi ito rin ang pinakamahalaga. Mas naunawaan ko na talaga ang mga paghihirap ng ibang tao at nagkaroon ako ng hangaring tulungan sila nang may tapat na layunin at pagmamalasakit.”

Ang mga halimbawa ni Ammon at ng kanyang mga kapatid sa Aklat ni Mormon ay nagpakita kay Tina kung paano pinatatag ng Panginoon ang kanyang pananampalataya upang matulungan siyang maabot ang kanyang buong potensyal. “Ang plano ng Panginoon ay mailigtas ng mga Nephita ang kanilang mga kapatid na Lamanita sa halip na gumamit ng sandata upang malutas ang problema,” paliwanag niya. “Ang mga anak ni Mosias ay binigyan ng gawain na nangangailangan ng mas malaking pananampalataya, at pinangakuan din sila na kung babatahin nila ang kanilang mga paghihirap nang may buong pagtitiyaga, magtatagumpay sila (tingnan sa Alma 26:27). Ang pagiging matiyaga ay isa sa pinakamahirap na pagsubok sa akin dahil gusto kong maunawaan nang buo ang plano ko—ngunit natanto ko na ang plano at takdang panahon ng Ama sa Langit para sa atin ang siyang laging pinakamaganda.”

Pagsunod sa mga Kautusan Anuman ang Mangyari

Nagkaroon ng magandang kinabukasan si Todd pagbalik niya mula sa kanyang misyon. Habang nag-aaral, nakilala niya ang isang mabait na dalaga. Pagkaraan ng ilang buwang panliligaw at espirituwal na patibay, nag-alok nang pakasal si Todd at tinanggap ito ng dalaga. Ipinlano nila ang kanilang kasal sa katapusan ng tag-init, at pareho silang umuwi mula sa paaralan para maghanda.

“Tatlong linggo matapos kaming magpaalaman sa paaralan, nakipagkalas siya,” paggunita ni Todd. “Ang salitang pusong sawi ay hindi sapat para ipaliwanag ang nadama ko. Napakaraming tanong sa isipan ko na walang kasagutan; at naguluhan ako sa sitwasyon. Nakatanggap ako ng patibay sa bahay ng Panginoon, at ngayon ay tapos na ang relasyon namin. Hindi pa nasubukan nang ganito katindi ang aking patotoo.

“Sa kasamaang palad, ilang taon matapos kaming maghiwalay, hindi ko pa rin ito makalimutan. Hindi ko alam kung paano ko pa pagtitiwalaang muli ang patibay na madarama ko. Lagi akong tiwala sa Panginoon at sinikap kong sundin ang mga kautusan sa abot ng aking makakaya,” sabi pa niya. “Parang balewala ang lahat.”

Inakala rin ni Alessia na magkakatuluyan sila ng isang binata. “Napakaganda ng kuwento namin kaya, kahit may mga karaniwang problema kami na tulad ng lahat ng magkasintahan, akala namin hindi na kami magkakahiwalay,” paggunita niya.

Nang magmisyon ang kasintahan ni Alessia, mahirap ang paghihiwalay pero iba ang dahilan kaysa inasahan ni Alessia. “Habang wala ito, mas nakilala kong mabuti ang sarili ko. Natanto ko na maraming bagay sa buhay ko ang hindi pa tama at na maraming pagkakataon akong nagkubli sa ilang kalokohang ideya sa halip na magpakumbaba at harapin ang katotohanan,” pagkukuwento niya. “Parang nabuhay ako sa isang fairy tale, na para bang sapat na ang umibig para maitama ang lahat ng bagay, at dahil dito ay madalas kong balewalain ang pinakamahahalagang bagay.”

Magkagayunman, umasa si Alessia ng masayang pagkikita at patuloy na relasyon pag-uwi ng kanyang kasintahan mula sa misyon. Subalit, pag-uwi nito, maikling panahon lang nagdeyt ang magkasintahan bago sila naghiwalay. “Isa iyon sa pinakamasakit na sandali sa aking alaala,” sabi ni Alessia.

Sa kani-kanyang karanasan, kalaunan ay natanto nina Todd at Alessia na kahit nagbago ang isang mahalagang bahagi ng kanilang buhay, hindi nila matatalikuran ang kanilang pagsunod at katapatan sa Panginoon. Siya ang naging sandigan nila nang magbago at nawalan ng katiyakan ang iba pang bagay.

“Hindi ko alam ang lahat ng sagot kung bakit tumanggap ako ng patibay na pakasalan ang isang tao, at hindi ito nangyari,” paggunita ni Todd. “Pero natanto ko na hindi iyon mahalaga. Ang talagang mahalaga ay na may pananampalataya pa rin ako kay Cristo, at gagamitin ko ang pananampalatayang iyan para magtiwala sa anumang ilaan ng Panginoon para sa akin.”

Alam ni Alessia na ang lubos na paglalaan ng sarili sa Panginoon ay magbibigay sa kanya ng lakas na kailangan niya. “Naunawaan ko na dumating na ang sandali para magpasiya ako kung anong uri ng tao ang gusto kong kahinatnan,” sabi niya. “Magpapatuloy ba akong mamuhay nang hindi lubos na ginagamit ang aking potensyal, o magsisimula ba ako sa landas patungo sa pagiging tunay na disipulo ni Cristo? Gusto ko Siyang makilala nang lubusan, tunay Siyang mahalin, at sikaping maging mas mabuting tao sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng Kanyang kautusan—hindi lamang sa gawa kundi sa aking puso nang buong katapatan.”

Pagkakaroon ng Pag-asa sa Hinaharap at Pananampalataya kay Cristo

Matapos maharap sa di-inaasahang mga problema, sinikap ng lahat ng apat na young adult na ito na magkaroon ng tapang na mabuhay sa kasalukuyan at magplanong muli para sa hinaharap. Natuklasan nila na lumakas ang kanilang pananampalataya sa Panginoon.

Naalala ni Sung Eun na matapos siyang bumagsak sa eksamen, naging mahirap sumubok ng mga bagong bagay. Ngunit may mahalaga siyang natuklasan: “Natanto ko na ang tunay na kabiguan ay ang mabuhay sa nakaraan at di-gaanong magsikap na ayusin ang mga bagay-bagay. Nagpasiya ako na sa halip na patuloy na malungkot, dapat kong gawing oportunidad ang mahirap na panahong ito para matuto. Ang kakayahan kong maunawaan ang buhay sa pangkalahatan ay lumawak at lumalim, at natutuhan ko na ang wakas ng isang bagay ay simula ng isa pang bagay.” Muli siyang kumuha ng eksamen at nakapasa siya at ngayon ay “isa nang masayang guro na natutuwa sa oras na ginugugol niya sa mga estudyante bawat araw.”

Pinili ni Tina na magtiwala na may naghihintay sa kanya, kahit mahirap harapin ang walang katiyakang kinabukasan. “Nagpasiya akong mag-aral na muli, at nag-aral ako ng art at technology, isang kursong gusto kong gawing hanapbuhay pero wala ako ng mga kasanayang kailangan,” paliwanag niya. “Handa akong makipagsapalarang muli, sa isang bagay na mas mainam, salamat sa karunungan ng aking Ama sa Langit.”

Patuloy na sinubukan ni Todd na makipagdeyt sa loob ng anim na taon at nagsikap na magkaroon ng tiwala sa Panginoon. Kahit may nakilala siyang mga babaeng lubos niyang hinangaan, kinailangan niyang paglabanan ang kanyang mga pag-aalinlangan sa nakaraan para hindi masira ang kanyang mga inaasam sa hinaharap. “Hindi madaling maging determinado na huwag padaig sa anim na taon kong pag-aalinlangan,” wika niya. “Ngunit determinado akong patunayan sa aking sarili na talagang may tiwala ako sa Panginoon at sa Kanyang mga paramdam, kahit naghinanakit ako sa Kanya noon.” Isang bagong relasyon ang nabuo na humantong sa kasal sa templo.

“Madalas kong isipin kung bakit ako biniyayaan ng Panginoon ng napakabuting asawa gayong matagal kong pinagsikapang lubos na magtiwala sa mga pahiwatig ng Espiritu,” paggunita ni Todd. “Ito ay isang patotoo sa akin na naghihintay ang Panginoon na pagpalain tayo, ngunit iyon ay palaging ayon sa Kanyang takdang panahon.”

Si Alessia, sa muling paglalaan ng kanyang sarili sa Panginoon, ay nagkaroon ng malalim at sariling patotoo. “Naging makatotohanan sa akin ang plano ng kaligtasan, at ang aking mga tipan ay naging mas matibay at malalim. Ang Pagbabayad-sala ni Cristo ay hindi na teoriya o isang bagay na nabasa ko na, marahil nang paimbabaw. Nagkaroon ng pagbabago sa puso ko, at nagkaroon ako ng matibay na patotoo.” Ngayon, sabi niya, para daw siyang isang bagong tao.

Anumang pagbabago ang mangyari sa buhay, ang huling patutunguhan na buhay na walang hanggan ang ipinlano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak (tingnan sa Moises 1:39). Matutuklasan ng ilan na ang “plan B” ay paraan lamang para magkatotoo ang Kanyang “plan A.”

Mga paglalarawan ni Neil Webb