2012
Kapangyarihan sa Panalangin
Hulyo 2012


Kapangyarihan sa Panalangin

youth in front of Cebu City Philippines Temple

Nagkuwento ang mga kabataan sa pulo ng Cebu sa Pilipinas tungkol sa pagtanggap ng mga sagot sa kanilang mga dalangin.

Sa libu-libong pulo sa mundo, magkakasamang 7,107 isla ang bumubuo sa bansang Pilipinas sa Timog-Silangang Asya. Isang biro ang karaniwang maririnig sa Pilipinas na bagama’t ito ay may 7,107 isla, iyon ay kapag low tide. Ang bilang ng mga isla ay bumababa sa 7,100 kapag high tide, kapag nakalubog ang ilang isla sa karagatan. Kaya ano ang ginagawa ng mga kabataang babae at lalaki sa Pilipinas para maipamuhay ang ebanghelyo kapag nahihirapan sila? Bumabaling sila sa Ama sa Langit sa panalangin.

May mga panahon sa ating buhay na maaari nating madama na nag-iisa tayo, ngunit kung aalalahanin natin na laging nariyan ang Ama sa Langit para sa atin—laging handang pakinggan at sagutin ang ating mga dalangin—makasasandig tayo sa katotohanang iyan at magkakaroon tayo ng pag-asa at tiwala dahil sa kaalamang iyan.

Ang Panalangin ay Nagbibigay ng Tiwala

Ikinuwento ni Joselito B. na pinasali siya sa isang paligsahan sa pagkukuwento noong siya ay 12 taong gulang. Ipinasaulo sa kanya ng kanyang guro ang 10-pahinang iskrip na itatanghal niya sa harapan ng daan-daang iba pang mga estudyante at guro. Maaaring nakakatakot ito kaninuman, lalo na kay Joselito, na karaniwan ay kinakabahan kapag nasa entablado.

“Kaya ang una kong ginawa ay manalangin at humiling ng patnubay,” sabi ni Joselito. “Hiniling ko sa panalangin na kung may malimutan man ako sa iskrip ay makapagpatuloy pa rin ako at makaisip ng ibang sasabihin na aakma sa aking kuwento. Pagkatapos kong magdasal, naalala ko ang paborito kong talata mula sa Biblia sa Lumang Tipan. Ito ay nasa Mga Kawikaan 3:6, na nagsasabing, ‘Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kanyang ituturo ang iyong mga landas.’”

Kinabahan si Joselito. Ngunit buong linggo niyang sinikap na isaulo ang iskrip. At panay ang dasal niya araw-araw. Sa wakas dumating ang araw ng paligsahan.

Sa mga pagbati na nagbukas sa paligsahan, kabadung-kabado pa rin si Joselito. “Pero habang nagkukuwento ako ay nawala ang kaba ko,” wika niya. “Ginawa ko ang makakaya ko, at alam kong tutulungan ako ng Diyos. Nanghina ang loob ko at kinabahan dahil napakaraming estudyante, ngunit sinagot ng Diyos ang aking mga dalangin.”

Hindi lamang naalala ni Joselito ang iskrip sa kanyang kuwento, kundi maganda rin ang pagkasalaysay niya kaya siya ang nanguna sa paligsahan. Sabi ni Joselito, “Panalangin ang sagot kapag walang sinumang magpapanatag sa iyo. Laging nariyan ang Diyos para tulungan ka.”

Ang Panalangin ay Nagbibigay ng Lakas

Noong bata pa si Ken G. na lumalaki sa isang aktibong pamilyang Banal sa mga Huling Araw, hindi siya nahirapan kailanman na panatilihing mataas ang kanyang mga pamantayan. Ngunit nang mag-hayskul na siya, naging mas mahirap ang mga bagay-bagay at kung minsan ay nadarama ni Ken na malayo siya mula sa mabuting impluwensya ng kanyang pamilya—lalo na sa paaralan.

“Talagang napakalapit sa akin ng mga kaibigan ko sa hayskul kahit hindi sila miyembro ng Simbahan,” sabi ni Ken. “Matibay pa rin ang pagsasamahan namin. Ang problema ay nagsimula silang gumawa ng mga bagay na hindi ayon sa mga pamantayan ng ating Simbahan.”

Sa bahay madali lang para kay Ken na piliin ang tama, pero sinabi niya na pagdating niya sa paaralan at hindi na niya kasama ang kanyang pamilya para gabayan siya, nagsimula na siyang gumawa ng mga maling pasiya. “Inaamin ko na nakagawa ako ng mga bagay na hindi ayon sa mga pamantayan ng Simbahan, kaya sa seminary pakiramdam ko ay laging ako ang paksa sa aralin.”

Noon natanto ni Ken na gusto niyang magbago, ngunit hindi sapat ang lakas niya para magawa itong mag-isa. “Kaya nagpasiya akong manalangin sa Diyos na bigyan ako ng lakas at tapang na magsabi ng hindi sa mga kaibigan ko kapag gumawa sila ng masama,” paliwanag niya. “At nadarama ko na sinagot ng Diyos ang aking mga dalangin. Naging mas madali sa akin ang magsabi ng hindi tuwing may ipagagawang mali sa akin o inuudyukan ako ng mga kaibigan ko. May kaalaman na ako at alam ko ang tama at mali. Ngunit, sa pamamagitan ng panalangin, nadama ko na parang may lakas at kaloob akong magsabi ng hindi at gawin ang tama.”

Sinabi ni Ken na ang pinakamahalagang bagay na natutuhan niya mula sa karanasang ito ay na “ang panalangin ay tanda ng iyong pagpapakumbaba, dahil inaamin mo sa iyong sarili na ikaw ay mahina at tanging Diyos lamang ang makatutulong sa iyo na maging malakas” (tingnan sa D at T 112:10).

Ang Panalangin ay Naghahatid ng mga Pagpapala

Kung minsan hindi lang kapanatagan o lakas ang kailangan natin; kung minsan ang mga pagpapalang kailangan natin ay temporal. Naalala ni Tania D. ang gayong pangyayari. Ang kanyang pamilya ay dumaranas noon ng malaking problema sa pera. “Sabado ng gabi noon, at 40 piso lang [mga US$1] ang natira sa amin para sa linggong iyon, at wala kaming pagkain o kahit uling na panluto sa bahay,” sabi ni Tania. “Ibinigay ng nanay ko ang listahan ng mga kailangan namin, at kailangan namin ng 250 piso para mabiling lahat iyon. Ang unang kailangan naming bilhin ay uling para makaluto kami ng pagkain.” Nakita ni Tania na kulang ang pera para mabiling lahat iyon. Pagkatapos natanto niya na wala silang pamasahe sa bus para makasimba kinabukasan. “Sinabi ko kay Inay na wala kaming sapat na pamasahe para makasimba. Pero talagang tapat si Inay, at sinabi lang niya sa akin na ‘Bahala na ang Diyos.’

“Habang papunta ako sa tindahan umiiyak ako dahil hindi sapat ang pera namin para mabili ang lahat ng kailangan namin, at hindi ko na alam ang gagawin ko,” sabi ni Tania. At binilot niya ang isa sa mga 20-pisong papel at ibinulsa iyon, ginawa niya ang tanging bagay na naisip niyang gawin na makatutulong—nagdasal siya. “Nagdasal ako sa Ama sa Langit na kahit paano ay matugunan namin ang aming mga pangangailangan.”

Nang makarating siya sa unang tindahan, nalaman niya na ang presyo ng uling ay hindi na 5 piso kundi tumaas na sa 20 piso. “Nag-alangan akong bilhin iyon,” sabi ni Tania, “pero nadama kong bumulong ang Espiritu Santo na bilhin ko na iyon, kaya binili ko nga. Ngayon 20 piso na lang ang natira sa akin, pero marami pa rin akong bibilhin, pati na diapers para sa kapatid ko at malinis na tubig na maiinom. Kaya pumunta ako sa kabilang tindahan para bumili ng pagkain, at napakamahal nito. Dumukot ako sa bulsang pinaglagyan ko ng 20 piso, at may limang 20 pisong papel na nakabilot doon. Napaiyak ako sa harap mismo ng may-ari ng tindahan.

“Sa huli ay nabili ko rin ang lahat ng kailangan namin,” sabi ni Tania, “at may sapat na kaming pamasahe para makasimba kinabukasan. Pag-uwi ko, pumasok ako sa aking silid at nagdasal para pasalamatan ang Diyos sa pagpapalang ibinigay Niya sa amin. Alam ko na totoong buhay ang Diyos at sinasagot ang ating mga dalangin, lalo na sa mga oras na kailangang-kailangan natin siya at nagdarasal tayo nang taimtim. Talagang sasagutin niya ang panalanging iyon.”

Ang Panalangin ay Pinananatili Tayong Malapit sa Ating Ama sa Langit

Bagama’t matitiyak natin na pinakikinggan at sinasagot ng ating Ama sa Langit ang ating mga dalangin, kailangan nating alalahanin na ang ating mga panalangin ay hindi laging sinasagot kaagad at hindi laging ayon sa paraang gusto natin. Ang ating mga dalangin ay sinasagot ayon sa kalooban at takdang panahon ng Diyos.

Natutuhan ng bawat kabataang ito mula sa isla ng Cebu sa Pilipinas na sa magaganda at mahihirap na panahon, kapag may mga kasama tayo o nag-iisa, high tide man o low tide, laging nariyan ang ating Ama sa Langit para sa atin. At kung babaling tayo sa Kanya sa taimtim na panalangin, lagi Siyang handang pagpalain tayo.

Mula kaliwa: Nagtipun-tipon sina Joselito, Joahnna, Rosa, at Ken sa harapan ng Cebu City Philippines Temple.

Kaliwa: larawang kuha ni Edwin Redrino; kanan: larawang kuha ng © iStockphoto.com/Hector Joseph Lumang