2012
Ano ang Dalisay na Patotoo?
Hulyo 2012


Ano ang Dalisay na Patotoo?

puzzle of Church-related images

Mas malakas pa marahil ang iyong patotoo kaysa inaakala mo.

Nakaupo ka sa testimony meeting. Habang minamasdan mo ang pagtayo at pagbabahagi ng patotoo ng mga miyembro ng kongregasyon, nadarama mo na parang dapat ay ikaw rin. Pero ano ang sasabihin mo? At paano kung mapaiyak ka habang naroon ka sa itaas? O paano kung hindi ka mapaiyak? Maaari kang mag-alinlangan kung mayroon ka ngang patotoo. O hindi mo siguro tiyak kung ano ang patotoo mo. Narito ang ilang tuntuning makatutulong sa iyo na malaman kung ano ang patotoo at ano ang hindi.

Ang Patotoo ay Isang Pananalig, Kaalaman, o Paniniwala sa Katotohanan

Ang “dalisay na patotoo” (Alma 4:19) ay nagsisimula sa dalisay na paniniwala. Ang iyong patotoo ay espirituwal na saksi ng pinaniniwalaan mo o alam mong totoo (tingnan sa D at T 80:4). Kapag ibinahagi mo ang iyong patotoo, ang mga bahaging pinakadalisay at pinakamalakas ay magmumula sa mga salitang tulad ng alam, naniniwala, at pinatototohanan. Kung taos mong masasabi na, “Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo,” magkakaroon ka ng kapangyarihang baguhin ang mga buhay at anyayahan ang Espiritu na antigin ang iba.

Ilarawan sa isipan na may malaki kang kahon na puno ng mga piraso ng puzzle na ginawa para lang sa iyo. Gamit ang larawan sa harapan ng kahon, sinikap mong buuin ang puzzle. Kapag nag-akma ang dalawang piraso ng puzzle mo, alam mong magkasama ang mga ito. Gayon din ang mga patotoo. Kapag nagkaroon ka ng mga espirituwal na karanasan, iba’t ibang piraso ng iyong patotoo ang mag-aakma, at maniniwala ka o malalaman mo ang ilang katotohanan tungkol sa ebanghelyo.

Kahit hindi mo pa alam ngayon kung lahat ng bagay tungkol sa Simbahan ay totoo, pagpapalain ka ng Ama sa Langit at tutulungan kang matuto hangga’t may mabuti kang hangaring makaalam at talagang sinisikap mong matuto.

Ang Patotoo ay Personal

Habang binubuo mo ang puzzle, paminsan-minsan ay maaari kang tulungan ng iyong pamilya at mga kaibigan na buuin ito. Ngunit sa huli, iyo lang ang puzzle na ito para buuin at protektahan. Maaari kang umasa kung minsan sa pananampalataya ng iyong mga magulang o kaibigan, ngunit kapag naragdagan ang iyong espirituwal na karanasan, mapapanatili mo ang sarili mong patotoo.

Habang umuunlad ka sa ebanghelyo, mahalagang magkaroon ng sarili mong patotoo. Tulad ng dalawang tao na magkaiba ng paraan sa pagbuo ng puzzle—marahil ay uunahing pagdugtungin ng isang tao ang mga piraso sa gilid samantalang uunahin namang pagdugtungin ng iba ang magkakatugmang kulay—bawat isa sa atin ay nagkakaroon ng patotoo sa pamamagitan ng mga paniniwala at karanasang natatangi sa atin.

Kung hindi ka nakatitiyak tungkol sa anumang bagay, taimtim na manalangin para sa patnubay at katotohanan. Kadalasan ang mga dalangin ay hindi nasasagot sa paraang inaasahan natin, kaya buksan mo ang iyong mga mata at puso para sa mga sagot.

Ang Patotoo ay Patuloy na Lumalakas

Tulad ng hindi mo mailalabas ng kahon ang isang nabuong puzzle nang wala kang ginagawa, hindi mo maaasahang magkaroon ka ng patotoo nang biglaan. Natututuhan mo, nang paisa-isa, ang katotohanan ng ebanghelyo.

Ang pagpapanatiling malakas ng patotoo ay nangangailangan ng palagiang pagsisikap. Habang patuloy mong dinaragdagan ang iyong kaalaman sa ebanghelyo, pagpapalain ka ng Espiritu Santo sa iyong pagsisikap at patuloy na lalakas ang iyong patotoo.

Puzzle art ni Eric P. Johnsen; mga larawang kuha ni Welden C. Andersen

Patotoo