2012
Sinagot ang Isang Panalangin sa Araw ng Pasko
Disyembre 2012


Sinagot ang Isang Panalangin sa Araw ng Pasko

“Maaalaala rin ng Panginoon ang mga panalangin ng mabubuti, na isinamo sa kanya” (Mormon 5:21).

Nagising si Peggy sa umaga ng Pasko. Tuwang-tuwa siyang makatanggap ng bagong laruan at kumain nang marami sa Pasko. Pero nang tumingin siya sa paligid, alam niyang ang taon na ito ay magiging kakaiba. Kahit na nagtrabaho nang husto ang kanyang ama, kaunti pa rin ang pera ng kanyang pamilya.

Walang palatandaan na magkakaroon ng maraming handa sa Pasko. Walang laman ang sisidlan ng gulay, at walang pagkain sa refrigerator.

Naglakad si Peggy at ang kapatid niyang si Malcolm papunta sa pinto ng silid ng kanilang mga magulang at nakita nilang nakaluhod ang mga ito sa tabi ng kanilang kama. Tahimik silang nakinig habang nagdarasal si Inay at si Itay sa Ama sa Langit na tulungan ang pamilya na magkaroon ng pagkain.

“Halika na,” sabi ni Peggy kay Malcolm. “Doon tayo sa labas.”

Lumabas sina Peggy at Malcolm at namitas ng mga pako (fern) na tumubo malapit sa hardin. Siguro walang mga laruan sa taong ito, pero magagawa pa rin nilang madama ang Pasko sa kanilang tahanan.

Gumanda ang pakiramdam nila matapos nilang maidekorasyon sa bahay ang mga berdeng pako, pero wala pa ring palatandaan ng pagkain.

“Ang Panginoon ang bahala,” sabi ni Inay. “Ayusin na natin ang mesa.”

Naglagay si Itay ng mga plato sa mesa habang inaayos naman ni Inay ang mga kutsara at tinidor.

Nalilitong nagkatinginan ang mga bata. Nakahanda na ang mesa, pero wala pa ring pagkain. Di nagtagal lumipas na ang almusal at malapit nang mag-tanghalian. Dama ni Peggy na nagugutom na siya. Inisip niya kung paano makakakuha ng pagkain ang kanyang pamilya.

Tumunog ang orasan nang alas-12:00, pagkatapos ay alas-12:30, at alas-12:45. Wala pa rin. Pagkatapos ay nakarinig si Peggy ng katok sa pinto.

Nagmamadali niyang binuksan ang pinto at nagulat na makitang nakatayo doon ang pamilya Kirk. May hawak silang hamonado, tinapay, manok, mga salad, at mga panghimagas. Hindi makapaniwala si Peggy sa kanyang nakita.

“Paupo na kami para sana kainin na ang handa namin sa Pasko nang bigla namin kayong maisip,” sabi ni Brother Kirk. “Sana magustuhan ninyo ang pagkaing ito.”

Kinamayan ni Itay si Brother Kirk, at sinimulang ilagay ni Inay ang pagkain sa mesa sa kusina. Gulat na gulat pa rin si Peggy. Dilat na dilat ang kanyang mga mata habang nakatingin kina Inay at Itay, pero parang inasahan na nilang mangyayari ito.

Alam ni Peggy na tama ang nadama niya nang umagang iyon. Ang Paskong ito ay kakaiba. Sa Paskong ito niya nalaman na dinirinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin. At iyon ang pinakamagandang regalong matatanggap niya.

Mga paglalarawan ni Brad Teare