Ipinagdiwang ang Buhay ni Pangulong Monson sa Isang Gabing Puno ng Awitin, Musika, at Pagbibigay-Pugay
Sa maringal na pagdiriwang at bilang parangal sa ika-85 kaarawan ni Pangulong Thomas S. Monson, mga 20,000 katao ang pumuno sa Conference Center noong Agosto 17, 2012, para sa isang gabi ng musika, pagsasalaysay, at pagbibigay-pugay sa programang pinamagatang “Golden Days: A Celebration of Life.”
Kabilang sa seleksyon ang mga musika at mensahe ng ilan sa mga paboritong palabas sa Broadway ni Pangulong Monson at iba pang mga nagbibigay-inspirasyong awitin bilang pagdiriwang sa kanyang ika-85 kaarawan, na naganap noong Agosto 21.
Si Pangulong Monson ay nakaupo sa unahan kasama ang mga manonood at kanyang asawa, si Frances Johnson Monson, at mga miyembro ng kanyang pamilya.
Ikinuwento ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang nasaksihan niyang pagbibigay-pugay kay Pangulong Monson sa “lansangan ng isang lalawigan sa mga disyerto ng Arizona,” kung saan huminto si Pangulong Monson para kamayan ang isang mag-asawa at kanilang maliliit na anak, ngunit maya-maya pa ay nagsidatingan ang marami pang tao na matiyaga niyang binati.
Sinabi ni Pangulong Eyring na nasaksihan niya si Pangulong Monson na “kinakatawan ang Panginoon sa mga tao,” na karaniwang kinabibilangan ng mga bata, sa iba’t ibang panig ng daigdig. “Hindi lamang ang mga binati ang nabigyan ng ginintuang sandali, kundi kami ring nakasaksi sa pangyayaring ito,” sabi niya. “Hindi na ako tulad ng dati, ni sinuman sa mga nakibahagi rito, dahil sa pagmamahal na iyan na nadama namin, ay nabago kami.”
Binati rin ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, si Pangulong Monson dahil “sa buhay na puno ng mga ginintuang araw. … Pangulong Monson, isa kang kaibigan, na may dalang liwanag sa kadiliman at ikaw ay propeta ng Diyos para sa ating panahon. Minamahal ka namin at sinusuportahan. Ipinagdarasal ka namin,” sabi niya.
Marami pang ibang mga pinuno ng Simbahan, relihiyon, at lipunan, gayundin ang matatagal nang kaibigan, na nagbigay-parangal kay Pangulong Monson sa pamamagitan ng nakarekord na mga pagbati sa video. Kinilala rin siya sa kanyang maraming taon ng paglilingkod sa Scouting.
Sa katapusang bahagi ng programa binanggit ni Pangulong Monson ang mga salita ng manunulat at makatang Scottish na si James Barrie, na nagsulat ng, “Binigyan tayo ng Diyos ng mga alaala, para magkaroon tayo ng mga rosas ng Hunyo sa panahon ng Disyembre ng ating buhay” (Tingnan sa Laurence J. Peter, comp., Peter’s Quotations: Ideas for Our Time (1977), 335).
“Ngayong gabi ay nakatanggap ako ng maraming alaala,” sabi ni Pangulong Monson.
Puno ng mahahalagang detalye, ang entablado ng Conference Center ay pinalamutian ng mga dilaw na rosas na sumasagisag sa “mga ginintuang” araw ng kanyang buhay.