2012
I Mga Taga Carinto 15:20–22
Disyembre 2012


Taludtod sa Taludtod

I Mga Taga Corinto 15:20–22

Sa mga talatang ito ipinahahayag ni Apostol Pablo na ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo ay nangangahulugan na ang lahat ay muling magbabangon.

Christ leaving the tomb

Siya’y Buhay, ni Simon Dewey

20 Datapuwa’t si Cristo nga’y muling binuhay sa mga patay na siya ay naging pangunahing bunga ng nangatutulog.

21 Sapagka’t yamang sa pamamagitan ng tao’y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din naman ng tao’y dumating ang pagkabuhay na maguli sa mga patay.

22 Sapagka’t kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.

Ngayon si Cristo ay Nagbangon mula sa mga Patay

Pangulong Thomas S. Monson

“Wala nang mga salitang higit na makahulugan sa akin kaysa sa mga binigkas ng anghel sa nananangis na si Maria Magdalena at sa isa pang Maria nang papalapit na sila sa libingan upang linisin ang katawan ng kanilang Panginoon: ‘Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon’ (Lucas 24:5–6).

“Sa pahayag na ito, ang mga nabuhay at namatay, ang mga nabubuhay ngayon at mamamatay balang-araw, at ang mga isisilang pa lang at mamamatay din ay nailigtas na.

“Dahil sa nadaig ni Cristo ang kamatayan, lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli. Ito ang pagkatubos ng kaluluwa.”

Pangulong Thomas S. Monson, “Wala Siya rito, Datapuwa’t Nagbangon,” Liahona, Abr. 2011, 4.

Pangunahing Bunga ng Nangatutulog

Mga pangunahing bunga—ang mga bunga, gulay, at butil na nahihinog sa tag-ani.

Sa ilalim ng batas ni Moises, ang mga pangunahin o unang bunga ay iniaalay bilang banal na hain sa Panginoon upang ipakita ang pasasalamat at katapatan. Dahil ang mga unang bunga ay tanda na nagsimula na ang pag-ani at marami pang pananim ang aanihin, sinasabi ni Apostol Pablo na si Jesucristo ang una sa mga patay (“ng nangatutulog”) na muling nagbangon at na marami pang mabubuhay na mag-uli.

Kay Adan ang Lahat ay Nangamamatay

Dahil nahulog o nagkasala sina Eva at Adan, ang buong sangkatauhan ay kailangang dumanas ng pisikal na kamatayan (tingnan sa 2 Nephi 9:6; Moises 6:48).

Kay Cristo ang Lahat ay Bubuhayin

Elder Dallin H. Oaks

“Iniisip ko kung lubos nating pinahahalagahan ang napakalaking kabuluhan ng ating paniniwala sa isang literal, at pangkalahatang pagkabuhay na mag-uli. Ang katiyakan ng imortalidad ay mahalaga sa ating pananampalataya. …

“Sa ating walang-hanggang paglalakbay, ang pagkabuhay na mag-uli ang malaking haliging nagsasaad ng pagwawakas ng mortalidad at ng pagsisimula ng imortalidad. … Alam din natin, mula sa makabagong paghahayag, na kung hindi muling magsasanib ang ating espiritu at ating katawan sa pagkabuhay na mag-uli hindi tayo tatanggap ng ‘ganap na kagalakan’ (D at T 93:33–34).”

Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Pagkabuhay na Mag-uli,” Liahona, Hulyo 2000, 17–18.