2012
Nadarama ang Kanyang Pagmamahal sa Pamamagitan ng Paglilingkod
Disyembre 2012


Paglilingkod sa Simbahan

Nadarama ang Kanyang Pagmamahal sa Pamamagitan ng Paglilingkod

Dalawang linggo iyon bago sumapit ang Pasko, at abalang-abala ako. May mga regalo akong kailangang bilhin, christmas tree na lalagyan ng dekorasyon, at ipadadalang mga regalo.

Ilang buwan akong nahirapan sa araw-araw na gawaing kinakaharap ng isang ina na may limang maliliit na anak. Nadama ko pa nga na nagsisimba lang ako dahil kailangan lang habang sinasaway ko sa paglilikot ang aking mga anak. Inasam kong higit pang mapasaakin ang Espiritu at maragdagan ang mga espirituwal na karanasan ko sa buhay.

Sa panahong ito bumili ang kapatid ko ng bagong bahay sa kalapit na estado at sinikap na ayusin ang mga bagay-bagay bago sumapit ang Pasko. Malaking trabaho iyon sa sinumang pamilya, ngunit para sa kanya mas mahirap pa ito. Walong buwan na ang ipinagbubuntis ng kapatid ko, na isang ina ng dalawang maliliit pang bata, at tagapag-alaga ng kanyang asawang paralisado ang mga kamay at paa.

Batid na nahihirapan siya, tinawagan ko siya para kumustahin. Maganda ang pakiramdam niya tungkol sa paglipat at umaasa siyang susuportahan siya ng mga miyembro ng bago niyang ward. Pagkatapos naming mag-usap ibinaba ko ang telepono, ipinagdasal na maging maayos sana siya at inisip kung paano ko siya matutulungan samantalang 400 milya (650 km) ang layo ko sa kanya.

Noong gabing iyon paulit-ulit na sumagi sa isipan ko na kailangan kong pumunta roon para tumulong. Pero nang tingnan ko ang iskedyul ko, inalis ko iyon sa isip ko at natulog na ako.

Kinabukasan nagising ako na iyon pa rin ang nasa isip ko. Napakatindi ng inspirasyon sa pagkakataong ito kaya hindi ko ito maaaring bale-walain. Kinausap ko ang asawa ko at sinabi ko, “Kailangan kong puntahan at tulungan ang kapatid ko.” Walang pag-aatubiling sumagot siya, “Matagal ko nang naiisip iyan.”

Tinawagan ko ang kapatid ko, sinabi ko ang mga plano ko, at kumuha ako ng tiket sa eroplano para sa hapong iyon. Agad kong inihanda ang maleta ko, hinagkan ko ang aking mga anak at nagpaalam sa kanila, at nagpunta na ako sa airport.

Sa sumunod na tatlong araw naglabas ako ng mga gamit na nakakahon, nag-ayos ng mga silid, at tumulong sa paglalagay ng dekorasyon sa Christmas tree. Matapos mailabas ang laman ng halos lahat ng kahon, naupo kami ng kapatid ko at ng kanyang pamilya, at hinangaan ang maganda nilang Christmas tree. Sabi ng limang-taong-gulang kong pamangkin, na nasiyahan na handa na ang kanyang pamilya para sa Pasko, “Magiging maganda ang Paskong ito!”

Sa eroplano pauwi, alam ko na sa pagbibigay ng bahagi ng sarili ko sa magiliw na pamilyang ito, nadama ko ang Espiritu, na matagal ko nang inaasam na madama. Dumating iyon dahil pinaglingkuran ko ang iba.

Madaling magsalita tungkol sa paglilingkod sa Kapaskuhan, basta’t ang paglilingkod na iyon ay akma sa ating iskedyul at hindi malaking gastos o abala sa atin. Ngunit para talagang madama ang tunay na diwa ng Pasko, kailangan nating tumulong sa iba. Ang paggawa niyan ay magpapaunawa sa atin ng pagmamahal ng ating Tagapagligtas sa bawat isa sa atin.

Paglalarawan ni Welden C. Andersen