Pagtalikod sa Paghihirap
Darating ang panahon na hindi na tayo daranas pa ng paghihirap at, sa tulong ng Panginoon, lalabas tayo mula sa kadiliman tungo sa masaganang liwanag.
Binabanggit sa isa sa magagandang himno ng Panunumbalik, na kinatha ni Parley P. Pratt, kung paano nabuksan ang kadiliman ng apostasiya tungo sa maluwalhating liwanag ng ipinanumbalik na katotohanan:
Umaga na, anino’y napawi;
Ating masdan ang bandila ng Sion. …
Sa pagsikat ng umagang maningning,
Dakilang magliliwanag ang mundo ngayon.
Napapawi na, mga kamalian,
Dahil sa sagradong katotohanan; …
L’walhating nagbuhat sa kalayuan
Sa bawat bansa’y nalalapit nang mamasdan.1
Ang nakatutuwa, ginamit din ni Apostol Pablo ang analohiya ng liwanag sa pagpapaliwanag kung paano niya mapatototohanan na “sa magkabikabila ay nangagigipit kami, gayon ma’y hindi nangaghihinagpis; nangatitilihan, gayon ma’y hindi nangawawalan ng pag-asa; pinaguusig, gayon ma’y hindi pinababayaan; inilulugmok, gayon ma’y hindi nangasisira” (II Mga Taga Corinto 4:8–9).
Ganito ang paliwanag niya sa kanyang pagtakas mula sa bingit ng espirituwal na kadiliman: “Yamang ang Dios, ang nagsabi, Magniningning ang ilaw sa kadiliman, na siyang nagningning sa aming mga puso, upang magbigay ng liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Dios sa mukha ni Jesucristo” (II Mga Taga Corinto 4:6).
Kung minsan dumarating sa buhay ng karamihan sa atin ang mga paghihirap. Namumuo ang mga bagyo, umiihip ang malalakas na hangin, bumabagsak ang ulan, tumataas ang baha. Tila walang katapusan ang paghihirap, na talagang daranas tayo ng kawalang-katiyakan at pag-aalinlangan, pagsubok at kapighatian sa hinaharap.
Dumaranas din tayo paminsan-minsan ng malalakas na kulog, maaaring makaranas tayo ng nakasisindak na mga bagyo at pagkaligalig, na maaaring makasira sa ating tiwala at makatinag sa pagpapahalaga natin sa sarili. Lahat ng mahalaga sa atin ay maaaring tila panandalian lamang, biglang naglalaho. Ang malaking pagbabago sa buhay ay maaaring sumira sa normal na takbo ng ating buhay.
Marahil ang di-inaasahang pagkatanggal sa trabaho ay nauwi sa matagalang kawalan ng trabaho, kawalan ng perang panggastos, o paghihirap dahil nailit na ang nakasangla nating ari-arian. Marahil ay nakaramdam tayo ng kawalan matapos magretiro pagkaraan ng isang mahaba at abala at makabuluhang propesyon. Marahil ang biglaang pagkakasakit o kapansanan ay nagpadama sa atin na parang tayo ay “nakakulong,” walang magawa, walang pag-asa, at walang katiyakan. Sa gayong mga sitwasyon, madaling makaramdam ng takot, samantalang mahirap manatiling nananalig.
Alam ko mismo ang lahat ng ito. Habang nagpapagaling sa operasyon nang tanggalin ang dalawang malalaking tumor sa utak ko, paminsan-minsan ay nakadarama ako ng lungkot at panghihina ng loob at isipan dahil dito. Natuklasan ko na hindi ako kasing-tatag na tulad ng inakala ko noon. Hindi nakatulong ang gamot, at lalo lang akong nawalan ng pag-asa nang minsan o makalawang bumalik ang sakit ko. Nagsimula akong maawa sa aking sarili.
Magpasiyang Maging Masaya
Pagkatapos ay nagsimulang mangyari ang ilang magagandang bagay. Sinuportahan at inunawa ako ng mabubuting kaibigan at mapagkakatiwalaang mga lider ng Simbahan, at pinakinggan ko ang kanilang payo at tinanggap ang kanilang panghihikayat. Isang hatinggabi habang ikinukuwento ko ang aking kalungkutan sa bunso naming anak na lalaki, sabi niya, “Alam n’yo, Itay, naisip ko po noon pa na ang kaligayahan ay isang desisyon.” Tama siya.
Lalo akong nagpasalamat sa lahat ng pagpapalang tinatamasa ko pa rin. Natuklasan ko mismo na “ang ganito[ng klase ng pagsubok ay] hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno” (Mateo 17:21).
Nadama ko ang lakas, ang nagpapasiglang kapangyarihan, at pagmamahal ng Tagapagligtas. Kay Pablo, nagawa kong magalak sa kaalaman na hindi ako maihihiwalay ng kapighatian, problema, at panganib mula sa pag-ibig ni Cristo (tingnan sa Mga Taga Roma 8:35).
Sa kabutihang-palad, ang maaasahan at tiyak na katotohanan ay na anuman ang mangyari, makasusumpong tayo ng lakas at pag-asa. Maaaring gumaan ang ating mga pasanin, kahit hindi kaagad maglaho ang mga ito. Makalalabas tayo sa kabilang dulo ng pinakamadilim na kawalan, na mas matatag at determinadong gawin ang tama, na mas mabubuting lalaki at babae.
Dahil napatunayan na sa gitna ng pagdurusa, magkakaroon tayo ng katatagan na maharap at matiis ang darating na mga pagsubok ng buhay. Dahil dito, magagamit natin ang ating mga karanasan para magpasigla at madamayan ang iba. Ang sarili nating halimbawa ng pagtitiis ay magbibigay ng pag-asa sa iba at ng inspirasyon sa ating pamilya. Mas nakaaagapay tayo sa hinaharap.
Bagama’t maaaring tila ayaw tayong iwanan ng paghihirap, mapipili nating iwanan ito anumang oras. Ang pangako ng Panginoon sa atin tulad kay Alma at sa kanyang mga tao sa gitna ng nakasisindak na pag-uusig:
“Itaas ang inyong mga ulo at maaliw, sapagkat nalalaman ko ang tipang inyong ginawa sa akin; at makikipagtipan ako sa aking mga tao at palalayain sila mula sa pagkaalipin.
“At pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod” (Mosias 24:13–14).
Bukod pa rito, pinagtibay ng Panginoon, “Hindi ko kayo iiwang mag[-]isa: ako’y paririto sa inyo” (Juan 14:18).
Humingi ng Tulong sa Langit
Maaaring hindi nakikita ang tulong ng langit. Maaaring hindi natin kaagad makita o malaman na ang ilang pasanin na dapat sanang mapasaatin ay inalis at inilayo sa ating buhay.
Tiniyak ng Panginoon: “Masdan, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo na ang aking mga mata ay nakatuon sa inyo. Ako ay nasa gitna ninyo at hindi ninyo ako nakikita” (D at T 38:7).
Mangyari pa, maaari nating kailanganing magpasensya nang husto sa iba at sa ating sarili; madalas ay matagal lutasin ang lahat. Kahit kung minsan ay tila kasingliit ng butil ng binhi ng mustasa ang ating pananampalataya, habang sumusulong tayo, papatnubayan tayo ng Diyos. Kung hihingin natin ang tulong sa langit, matatanggap natin ito—marahil maging sa di-inaasahang mga paraan.
Magkakaroon tayo ng determinasyong magpasalamat para sa anumang mayroon tayo, sa halip na ipagdalamhati ang nawala sa atin. Ang nakatutuwa, madalas nating marinig ang saloobin ding iyan sa mga nawalan ng lahat ng kanilang ari-arian sa isang kalamidad, tulad ng napakalaking sunog, baha, o bagyo. Sa halos lahat ng pagkakataon, sinasabi nila, “Nasa amin pa rin naman ang talagang mahalaga.”
Nakahihikayat ang patotoo ni Pablo:
“Aking natutuhan ang masiyahan sa anomang kalagayang aking kinaroroonan.
“Marunong akong magpakababa, at marunong naman akong magpakasagana: sa bawa’t bagay at sa lahat ng bagay ay natutuhan ko ang lihim maging sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan.
“Lahat ng mga bagay ay aking magagawa [sa pamamagitan ni Cristo na] nagpapalakas sa akin” (Mga Taga Filipos 4:11–13).
Tulad ng nakasulat, “Lahat ng di-makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”2
Anuman ang ating sitwasyon, darating ang panahon na hindi na tayo daranas pa ng paghihirap at, sa tulong ng Panginoon, lalabas tayo mula sa kadiliman tungo sa saganang liwanag.