Nagsalita Sila sa Atin
Pasko sa Inyong Kalooban
Mula sa “A Mission Christmas,” Church News, Dis. 17, 2011, 10.
Manatiling sumasampalataya. Tingnan ang mabuti sa inyong sitwasyon. Gumawa ng kabutihan sa isang tao. Huwag hanapin si Cristo sa mga regalo at palamuti.
Palagay ko naaalala ng bawat isa ang kanyang unang Pasko na malayo sa tahanan. Maaaring ang dahilan ay nasa misyon siya o nasa militar, nag-aaral, o nagtatrabaho. Anuman ang dahilan, ang unang Pasko na malayo tayo sa pamilya ay malungkot na alaala sa ating lahat. Sa mga yaong malayo sa tahanan sa araw ng Pasko, o maaaring malayo sa tahanan sa taong ito, iniaalay ko ang sarili kong karanasan.
Nasa misyon ako noon. Sa loob ng 19 na taon masaya ang Pasko ko kasama ang pamilya at mga kaibigan ko. Palagay ko dahil sarili ko lang ang iniisip ko noong bata pa ako kaya hindi ko naisip kailanman na gugulin ito sa ibang paraan.
Pagkatapos, habang papalapit ang Pasko noong 1960, nasumpungan ko na napakalayo ko sa lahat ng iyon. Wala pa akong tatlong buwan sa England nang ipatawag ako sa mission office, noong unang araw ng Disyembre, para makilala si Elder Eldon Smith, na kadarating mula sa Champion, Alberta, Canada—ang unang junior companion ko. Iniutos sa amin na simulan ang gawaing misyonero sa konserbatibong lungsod ng Guildford, sa bayan ng Surrey, isang lugar na hindi pa nararating ng mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw at, ang alam namin, iisa lang ang miyembro doon na nakatira sa kung saan sa loob ng mga hangganan nito. Bata pa kami, walang karanasan, at medyo nahihirapan, pero hindi kami naduwag.
Nagrehistro kami sa pulisya, kumausap ng matitirhan, at, nang sa simula ay hindi namin makita ang kaisa-isang miyembro ng Simbahan, nagtuon kami sa tanging bagay na alam naming gawin—kumatok sa mga pintuan. Kumatok kami sa mga pintuan sa umaga, kumatok kami sa mga pintuan sa tanghali, kumatok kami sa mga pintuan sa hapon, at kumatok kami sa mga pintuan sa gabi. Nagbisikleta kami sa mga kalyeng iyon na marahil ay pinakamaulang Disyembre sa buong kasaysayan ng Great Britain—ganoon kasi ang tingin namin. Basa kami ng ulan sa umaga, sa tanghali, sa hapon, at sa gabi rin, pero patuloy kaming kumatok sa mga pintuan. At halos walang nagpapasok sa amin.
Kaya nagpatuloy ito hanggang Bisperas ng Pasko, kung kailan ang mga tao sa panahong ito ay malamang na hindi makinig sa dalawang misyonerong “mula sa Estados Unidos.” Nang gabing iyon, pagod ngunit masigasig, nagbalik kami sa inupahan naming silid at nagdaos ng Pamaskong debosyonal. Kumanta kami ng Pamaskong himno at nag-alay ng pambungad na panalangin pagkatapos. Nagbasa kami mula sa mga banal na kasulatan at nakinig sa isang tape recording na pinamagatang The True Story of Christmas. Pagkatapos ay kumanta kami ng isa pang Pamaskong himno, nag-alay ng pangwakas na panalangin, at natulog na. Pagod na pagod kami para mangarap ng masasayang bagay ng Kapaskuhan.
Kinaumagahan, araw ng Pasko, nag-aral kami sa umaga gaya ng dati at nagbukas ng dalawa o tatlong package na natanggap namin simula nang ilipat kami. Pagkatapos ay lumabas kami para kumatok sa mga pintuan. Kumatok kami sa umaga, kumatok kami sa tanghali, kumatok kami sa hapon, at kumatok kami sa gabi. Walang nagpapasok sa amin.
Noong Paskong iyon na walang masayang nangyari—na malinaw na pinakamalungkot sa lahat ng naranasan ko noon o simula noon—nanatili sa puso ko ang mga espesyal na araw na iyon noong Disyembre 1960 (pagkaraan ng mahigit 50 taon!) bilang isa sa pinakamasasayang Paskong naranasan ko. Palagay ko iyon ay dahil sa unang pagkakataon sa buhay ko, naunawaan ko ang Pasko sa halip na basta masiyahan lamang dito. Palagay ko sa unang pagkakataon sa tunay na mahalagang paraan, naunawaan ko ang mensahe ng pagsilang at buhay ni Cristo—ang Kanyang mensahe at Kanyang misyon at Kanyang sakripisyo para sa iba.
Dapat ay naunawaan ko na iyon noong bata pa ako, pero hindi—hindi sapat ang pagkaunawa noon. Ngunit noong Paskong iyon sa England—na isa akong giniginaw, basa, medyo nahihirapang 19-na-taong-gulang na binata—“naunawaan” ko iyon. Masasabi ko talaga na dahil sa aking misyon, nagkaroon ng higit na kahulugan sa akin ang Pasko, tulad ng napakarami pang aspeto ng ebanghelyo, taun-taon simula nang maranasan ko iyon.
Sa Paskong ito ipinararating ko ang aking pagmamahal sa lahat ng missionary, sa lahat ng lalaki o babae sa militar, sa lahat ng estudyante, at empleyado at manlalakbay na hindi “makauuwi sa Pasko,”1 sabi nga sa awiting Pamasko. Manatiling sumasampalataya. Tingnan ang mabuti sa inyong sitwasyon. Gumawa ng kabutihan sa isang tao. Huwag hanapin si Cristo sa mga regalo at palamuti. Makikita ninyo na sa kabila ng mga nangyayari, ang Pasko—gaya ng kaharian ng Diyos—ay “nasa loob ninyo” (Lucas 17:21).